5

11.5K 261 3
                                    

NAPATITIG SI MIMI kay Liza, ang girlfriend ni Wallace. Hindi niya napigilan ang matawa kahit na parang medyo lumubog ang puso niya sa kaalaman na may nobya na ang kaibigan. Hindi iyon dahil sa may nararamdaman siya para kay Wallace. Mas na dahil sa disappointment na hindi magkakaroon ng katuparan ang plano niya. Parang pakiramdam niya ay patuloy siyang pinagkakaitan.

Pagdating ni Wallace ay kaagad niyang sinalubong ang kaibigan. Akmang yayakapin niya ito nang mapansin ang kasama nitong babae. Magkahawak-kamay ang dalawa. Base sa tinginan ng mga ito ay nahulaan na niya ang relasyon ng dalawa bago pa man sila ipakilala ni Wallace sa isa't isa.

Kahit na may nararamdamang disappointment, mas pinili pa rin ni Mimi ang maging masaya para sa kaibigan. Nakikita niya ang kinang ng pag-ibig at kaligayahan sa mga mata nito. Nakadama rin siya ng kaunting inggit dahil sa kaligayahan na iyon, pero pilit na lang niyang pinalis. Walang buting maidudulot ang mga ganoong pakiramdam sa kanya. Mas malulungkot lang siya. Mas magiging bitter. Mas kaaawaan niya ang sarili.

Kahit naman paano ay naligayahan siyang makita ang mga Soriano. Masaya naman ang karamihan sa kanyang presensiya kahit na hindi inasahan ng mga ito. Naging masaya ang dinner nila. Masigla ang naging kumustahan. Gumaan ang pakiramdam ni Mimi dahil napapalibutan siya ng mga kapamilya. Kaagad din niyang nagustuhan si Liza. Mabait ang dalaga at halos hindi mabura ang ngiti sa mga labi. Ang aliwalas ng mukha nito at parang gugustuhin itong maging kaibigan ng lahat. Wallace and Liza made a lovely pair.

Nagawi ang tingin ni Mimi sa taong tanging tahimik sa salo-salo na iyon. Si Mark. Habang lumalaki ay nakikita na niya ang lalaki sa mga okasyon ng kani-kanilang pamilya, pero hindi niya matandaan ang isang pagkakataon na nagkausap silang dalawa. Siguro ay dahil pakiramdam niya ay kabilang sila sa magkaibang generation. Sa palagay niya ay nasa in-between generation ang lalaki. Masyadong bata kumpara sa kanyang ama at kuya nito. Masyado ring matanda para sumama-sama sa kanila nina Wallace.

Walang planong maging bahagi si Mark sa political dynasty ng dalawang pamilya. Sa kanyang pagkakaalam ay hindi rin aktibo sa mga negosyo ng pamilya nito. Sa magkakapatid na Soriano, si Mark ang hindi visible sa mga tao. High school pa lamang ay nasa Maynila na ito. Nabanggit ni Wallace sa kanya na isang mahusay na abogado ang tiyuhin nito. Kahit na hindi visible sa mga tao ng Matangcaoa, aktibo pa rin daw ito sa pagtanggap ng pro bono cases mula sa kanilang bayan at lalawigan.

Noon lang nabatid ni Mimi na wala siyang gaanong alam tungkol kay Mark. Bigla ay na-curious siya sa lalaki. Hindi naman masasabing nagkaroon siyang bigla ng interes. Medyo pinagtatakhan lang niya kung bakit hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na makapag-usap at makilala ang isa't isa.

Nahuli siya ni Mark na nakatingin. Iiwas sana ni Mimi ang paningin pero kaaagd niyang naisip na hindi naman niya kailangang gawin iyon. Ngumiti siya nang matamis sa halip. Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Mark. Hindi naman niya malaman kung bakit parang pinagtatakhan nito ang ganoong aktuwasyon niya. Masama bang tumingin at ngumiti?

Iniiwas ni Mark ang mga paningin sa kanya. Kinausap nito ang kanyang papa na katabi nito. Nagkibit lang ng balikat si Mimi at pinagtuunan ng pansin sina Wallace at Liza. Magkahugpong ang mga mata ng magkasintahan. Muli siyang nakaramdam ng inggit.

Bakit may mga katulad ng mga ito? Mga mapapalad sa larangan ng pag-ibig. At bakit may mga katulad niya? Minamalas kahit na ibinigay na niya ang lahat.

Devoted (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon