Tatlo

473 45 1
                                    

"Isang pag-aalsa...?"

Hindi makapaniwala si Georgia sa kanyang narinig. Kinailangan muna niyang iproseso sa kanyang isipan ang sinambit ni Gat. Andres Bonifacio. Kalaunan, nanlaki ang kanyang mga mata't napailing, "P-Paano magkakaroon ng isang pag-aalsa sa Eastwood? Wala akong nababalitaan..."

"Sapagkat hindi ka nakikibalita, Georgia. Ang binhi ay nagsisimula nang tumubo at sa maling kamay, ito'y yayabong bilang isang halamang makasisira lamang sa kagubatan. Liban dito, wala na akong maaaring sabihin sa iyo," seryoso nitong wika sa dalaga.

"Bakit naman?"

"Sapagkat ang Amang Oras ay hindi ako pinahintulutang sabihin sa iyo ang lahat ng aking nalalaman, mahal. Ang pagtawid sa panahon ay isang sanggol na kailangang ingatan at pangalagaan. Patawarin mo ako."

Huminga naman nang malalim si Georgia. Sa kabila ng kanyang sinabi, hindi niya maiwasan ang kuryosidad sa kanyang dibdib. Napakarami niyang gustong itanong sa binata, ngunit alam niyang maaari niya itong pagsisihan sa huli.

'Sa dami ng kababalaghang nangyayari sa'kin ngayon, hindi na ako magtataka kung isa lamang itong panaginip.' Naikuyom na lang ni Georgia ang kanyang mga kamao, "Kung ganoon, bakit mo ito sinasabi sa'kin? Anong kinalaman ko sa misyon mo?"

Ngumiti si Andres. Isang ngiting puno ng pagmamahal at pagrespeto. Subalit natatanaw pa rin ni Georgia ang kapilyuhan sa likod nito.

"Sinasabi ko ito sa iyo sapagkat ikaw ang magiging instrumento upang mapagtagumpayan natin ang misyon. Ako ay isa lamang anino ng nakaraan, hindi ako nakikita ng sinuman maliban sa iyo. Panandalian lamang ang aking pananatili, Georgia. Ako ay hindi tiyak na narito kung kaya't kailangan ko ng tulong mo." wika nito.

"At sa paanong paraan naman kita matutulungan?" Masama ang kutob ni Georgia sa mga magaganap. Mukhang nagkamali yata siya't dapat ay kanina pa siya tumakbo papalayo at hiniling na ang pangyayaring ito'y isa lamang eksenang likha ng kanyang malikot na imahinasyon.

Sa wakas, ay nagsalita muli ang bayani.

"Sa panahong ito, ako'y nabubuhay sa ibang katauhan, Georgia. Mayroong sisidlan ang aking kaluluwa, at ang taong iyon ang makapagliligtas sa inyo. Siya ang nakatakdang mamuno sa huling himagsikan ng modernong panahon. Siya ay ako, at ako ay siya. Nais kong hanapin mo ang sisidlan ng aking kaluluwa at himukin mo siyang gawin ang tama. Sa paraang iyon lamang natin masisiguro ang kalayaan." Paglilitanya ni Andres.

Nahigit ni Georgia ang kanyang hininga. 'Sisidlan ng kaluluwa?'

"Parang 'reincarnation' ba?"

Tumango ang bayani. Dito na nagsimulang mangamba ni Georgia. Mabilis siyang tumayo at umiling-iling, "B-Bakit ako? Ni hindi ko nga kayang makipag-usap sa iba!"

Nakangiti pa rin si Andres at tila ba pilit siya nitong pinapakalma sa simpleng pagtitig sa kanya, "Bakit hindi? Hindi ko man gustuhing sabihin ito, ngunit kailangan mong malaman... Ang katauhan mo ngayon ay ang sisidlan ng kaluluwa ng aking pinakamamahal. Ikaw ang nakatakdang hanapin ang aking katauhan sa panahong ito, Oryang."

Oryang. Bakit nga ba ngayon lang naaalala ni Georgia na ang "Oryang" ay ang palayaw ng asawa ni Gat. Andres Bonifacio na si Gregoria De Jesus? Tila ba nais yata talaga siyang asarin ng tadhana.

'Ang mga alaalang hindi akin... ang mga panaginip... ang lahat ng iyon ay konektado kay Gregoria?'

Isang hiram na kaluluwa. Gustong kaawaan ni Georgia ang kanyang sarili. Iniisip pa lamang niya na ang kaluluuwang nananalaytay sa kanyang loob ay produkto lamang ng "pagsasalin", para bang bumibigat lalo ang kanyang pakiramdam.

Sino nga ba siya?

"Georgia?"

Nabalik lamang siya sa kasalukuyan nang tawagin siyang muli ni Andres. Bakas ang pag-aalala sa mga mata ng binata na nakapagpabilis ng tibok ng kanyang puso. Pinilit niya itong iwaksi sa kanyang isipan at matapang na sinalubong ang mga mata nito, sabay sabing, "Hindi ko gagawin ang binabalak mo, Ginoong Bonifacio. Mainam na maghanap ka na lang ng ibang dalagang handang magpagamit para sa misyon mo. Magandang gabi."

✔The Reincarnation of Andres BonifacioWhere stories live. Discover now