Labintatlo

277 34 7
                                    

Yumanig ang isang malakas na pagsabog sa unibersidad ng Eastwood. Nabahala ang ilang mag-aaral sa nangyari. Mula sa kanilang kinaroroonan, mabilis na namataan nina Georgia at Andrew ang usok mula sa isang partikular na direksyon.

Napabuntong-hininga ang bayani. "Hindi nga ba't ang kamalasan ay sumusunod sa akin, alinmang panahon ako mabuhay."

Wala nang inaksayang oras ang dalawa at tumakbo papunta roon. Sinundan ni Georgia si Andrew sa pasikot-sikot na ekstruktura ng mga dormitoryo. May ilang mga gurong inaasikaso ang paglabas ng ilang estudyanteng nabulabog sa nangyari. Hindi na sila nag-abala pang humingi ng paumanhin sa mga taong nabubunggo nila.

Dumoble lalo ang kaba ni Georgia nang marating nila ang bukana ng silid nina Jiro.

Nilalamon na ito ng naglalakihang apoy.

Tuluyan nang nanlata ang dalaga nang mapansin ang tumpok ng mga papel na unti-unting nilalamon ng kawalan. 'Ang Kalayaan... Ang dyaryo ng Modernong Katipunan!' kabado at nanlalamig na ang mga kamay ni Georgia. 'Sino naman ang gagawa nito?!'

Akmang lalapitan na sana ni Georgia ang nasusunog na silid nang bigla siyang pinigilan ni Andrew. Nang balingan niya ito, napansin ni Georgia ang galit at pagkadismaya sa mga mata ng binata. Pinanood ni Georgia ang replekyon ng apoy sa mga mata ng binatang pinapanood na lamang ang naglalagablab na impyerno.

"Ginawa ito ng admin."

"P-Paano mo naman nasabi?"

Mapait na ngumiti si Andrew, "Marahil ay natunugan nilang may plano kaming manghikayat ng maraming estudyante para sa gaganaping malawakang protesta bukas. Pinipilayan nila kami."

Huminga nang malalim si Georgia at hinayaan na lamang niyang ayain siya ni Andrew papalayo sa lugar. Napaubo siya sa tindi ng usok at amoy ng natirang gasolina. Mukhang pwersahang binuksan ang silid upang maisakatuparan ang masamang balak.

"Nasaan si Jiro?" Tanong ng dalaga.

Nagkatinginan ang dalawa. Ilang sandali pa, mabilis na nilang pinagtanungan ang mga estudyanteng naapektuhan ng naganap na sunog. Ngunit tanging natatanggap nilang tugon ay pagkibit ng balikat at pagsasawalang-bahala. Walang gustong sumagot, at lalong walang gustong magsalita.

"Ay, hindi ko po alam."

Napuno ng galit si Andrew. "Paanong hindi ninyo alam?!"

Pilit pinakalma ni Georgia si Andrew, "Tara na." Bulong niya rito. Alam niyang pinagtitinginan na sila ng ibang tao, pero nananaig pa rin ang kanilang pag-aalala para kay Rizal. Ilang sandali pa, rumesponde na ang mga bumbero at agarang ginawa ang kanilang trabaho.

Naupo sa gilid ang dalawa. Pinipilit nilang tawagan si Jiro, ngunit hindi nito sinasagot ang kanyang telepono. Alam na kaya niya ang nangyari?

"Andrew!"

Nang mga sandaling 'yon, biglang sumulpot ang isang dalagang tumatangis. Nakilala ni Georgia ang bagong-dating bilang si Leona Rivera, ang pinsan ni Jiro at kaklase ni Georgia sa ilang asignatura. Nanginginig ang mga kamay ni Leona nang magsalita siya, "S-Si Jiro... Nakita kong dinakip siya ng ilang kalalakihan b-bago pa man maganap ang pagsabog!"

Nabigla si Georgia sa narinig. "K-Kinidnap si Jiro?!"

Naikuyom ni Andrew ang kanyang mga kamao dala ng galit. "Mga hudas talaga sila! Alam nilang papanig ang batas sa kanila kaya nila 'to ginagawa. Pero ang hindi nila alam ay..." Huminga muna nang malalim si Andrew at inayos ang pulang bandanang nakatali sa kanyang leeg.

At sa mga sandaling 'yon, tila ba nagsama ang nakaraan at kasalukuyan. Nagbagong-anyo ang binata sa paningin ni Georgia. Kawangis ng aninong nakita noon ng dalaga kay Jiro Rizal.

✔The Reincarnation of Andres BonifacioWhere stories live. Discover now