21 - Pagsubok

121 5 0
                                    

Jazz's POV

Pagbukas ng mga mata ko isang puting liwanag ang nakita ko. Nakakasilaw kaya napapapikit ako.  Bumaling ako sa bandang kaliwa ko upang makita kung asan ako. Nasa lugar ako na hindi ako pamilyar. Nang mapansin ko na may nakatusok sa kamay ko, at may naririnig akong tunog ng machine, ngayon ko napagtanto na andito ako ngayon sa hospital.

Pinilit kong umupo sa aking pagkakahiga. Nanghihina pa ang buong katawan ko. Hindi ko halos maigalaw ang mga paa ko. Sumasakit pa rin ang ulo ko. Lingon ako ng lingon pero wala akong may nakikitang tao.

Tatanggalin ko na sana ang nakatusok sa kamay ko, nang biglang bumukas ang pinto at niluwa rito si Jennifer.

"Jazz!" tawag niya sa akin nang makita niya ako. Bakas rin sa mukha niya ang pag-aalala. Lumapit siya sa akin. "Huwag ka munang tumayo. Tatawagin ko muna ang Doktor. Diyan ka lang." suhestiyon niya na agad ko namang sinang-ayunan.

Bakit pa ako dinala ni Jennifer sa hospital? Sana hindi na lang siya nag-abala. Nakakahiya na sa kaniya. Sumusobra na ata ako sa kaniya.

At sana hindi ito malaman ng mga magulang ko. Kasi sigurado akong mag-aalala lang sila. Wala naman kasi akong perang pambayad dito. Mahirap lang kami. Wala rin namang magandang kita ang mga magulang ko. Sapat lang para pantustos sa pag-aaral ng mga kapatid ko. Ako na nga lang ang gumagawa ng paraan para lang sa pag-aaral ko. Ginagawa ko naman ang lahat para lang hindi na mag-aalala ang mga magulang ko sa akin. Ayokong maging pabigat kasi sobrang naaawa na ako sa mga magulang ko. Nagtatrabaho ako kapag walang pasok bilang cashier, at sa gabi ganoon din. Mabuti na nga lang, tinanggap ako kahit hindi pa ako nakapagtapos sa kolehiyo. Naawa lang talaga 'yong manager sa akin. Kaya ayokong malaman nila ito kasi ayoko silang mamroblema.

Isa nga sigurong dahilan kung bakit hindi ko deserve si Shazalm kasi mahirap lang kami. Wala akong maipagmamayabang sa kaniya at sa kaniyang magulang. Wala naman akong pera. Wala ako kung ano ang mayroon kay Khalid. Sobrang layo ang agwat ko sa kaniya kaya sobra ring hirap para siya ay mapasaakin.

Hindi ko namalayan na umiiyak na pala ako. Kaya nang bumukas ulit ang pinto, agad kong pinunasan ang luha ko gamit ang likod ng mga palad ko.

Agad lumapit ang doktor sa akin at dahan-dahan ipinahiga ako. Pansin ko na nasa labas ng pinto si Jennifer na sobrang alala na nakatingin sa akin. Pumikit ako nang may inusisa ang doktor sa katawan ko. Bumabagsak pa rin ang luha ko kasi hindi ko alam ang kalalabasan pagkatapos ng lahat ng 'to. Kinakabahan ako.

Isang minuto lang ang lumipas binuksan ko ang mga mata kasabay rin ang pagtanggal ng doktor ng stetoscope sa kaniyang tenga.

Agad na pumasok si Jennifer at nilapitan nito ang doktor. "Ano po ang nangyari kay Jazz, Dok?" alalang tanong ni Jennifer sa doktor.

Tiningnan ako ng doktor na bakas sa mukha niya ang lungkot. Parang pakiramdam ko, sobrang sama ng kaniyang sasabihin kay Jennifer.

Gustuhin ko man na hindi marinig ang sasabihin ng doktor, wala na akong magawa. Siguro, tatanggapin ko na lang din kung ano man ang kaniyang sasabihin.

~~*

Shazalm's POV

Bawat minuto nag-iisip pa rin talaga ako sa kung ano mang desisyon ang gagawin ko. Hindi ako mapakali. Hindi ko pa rin alam ang gagawin ko. Hindi na nga muna ako nakipagkita kay Khalid kasi kailangan kong mapag-isa. Kailangan kong makasiguro. Makasiguro na wala dapat akong pagsisisihan sa kung ano man ang magiging hakbang na gagawin ko.

Ngayon ko lang din napagtanto na hindi biro ang pag-ibig. Sobrang hirap. Napaka-komplikado. Masakit. Mahirap at hindi basta laro lamang. Kasi pakiramdam ng isang tao ang nakasalalay rito. Hindi lang ito basta-basta na kung ano man ang gusto mo, gagawin mo agad. Kasi kailangan mo ring intindihin sila. Hindi ka puwedeng magpadalos-dalos kasi marami kang puwedeng masaktan.

Kung puwede nga lang dalawa, sila na lang dalawa ang mamahalin ko. Pero, hindi puwede. Kailangan kong mamimili lang ng isa.

Bakit pa ba kasi ako na-inlove? Bakit kailangan ko pa umabot sa punto na mamili? Ang hirap. Halos hindi ko kayang gumagawa ng hakbang kasi natatakot ako.

"Shazalm, asan ka ba?" basa ko sa message ni Khalid.

Kanina pa niya talaga ako hinahanap hindi ko lang sinasabi sa kaniya. Hindi niya kasi alam na andito ako sa bakanteng lote. Sa bakanteng lote kung saan kami unang nagkakilala ni Jazz.

Hindi ko nga maintindihan kung bakit gustong-gusto kong tumambay rito. Pakiramdam ko lang talaga, safe ako sa lugar na 'to. Tahimik lang kasi. Wala kang maririnig na ingay maliban sa mga huni lang ng mga ibon.

Iniisip ko nga na kung paano kaya hindi ako nun naaksidente? Paano kung hindi ako nagka-amnesia? Siguro, kami ngayon ni Jazz. Siguro hindi ako magiging ganito. Siguro hindi na ako mahihirapan. Siguro hindi ko na rin kailangan mamili.

Ibang-iba siguro ang magiging takbo ng buhay ko kung nagkataon. Kasi dapat kasama ko pa ngayon si papa. Dapat makikita pa niya sana ako na aakyat sa entablado suot ang itim na toga. Masaya sana ngayon si mama, kasi kasama pa sana niya si papa. Buo at mas masaya pa sana kami kung nagkataon.

Kinikuwestyon ko nga minsan si God kung bakit nangyari iyon sa pamilya namin. Kung bakit kailangan pang maagang mawala ni papa. Kasi ang hirap. Nakakalungkot at ang sakit. Pero, iniisip ko na lang na may purpose siguro si God. May purpose siya kung bakit iyon nangyari. May purpose siya, hindi lang para sa akin, siguro para na rin sa buong pamilya ko.

Miss ko na nga rin si papa. Sana nga gabayan niya ako. Sana bigyan niya ako ng lakas para malagpasan ang lahat ng ito. Kasi nahihirapan na talaga ako.

Sana nga pagkatapos ng lahat-lahat, magiging masaya ang lahat. Sana nga walang may masasaktan. Walang may mawawala at sana lahat masaya lang talaga. Kasi iyon lang naman ang mahalaga, ang maging masaya.

Nagulat na lang ako nang may biglang nagsalita sa bandang kanan ko.

"Shazalm?" tawag niya sa pangalan ko.

Hindi agad ako nakalingon kasi nagulat ako. Kasi naman sobrang pamilyar ng boses niya. Dahan-dahan akong lumingon sa bandang kanan ko kung saan nanggaling ang boses na narinig ko. Nagulat na lang ako nang makita ko si Jazz.

Hindi ko halos maigalaw ang katawan ko kasi hindi ko aakalain na darating siya.

Habang nakatingin ako sa kaniya, bakas na bakas talaga sa mukha niya ang hirap na kaniyang pinagdaanan. Hindi ko alam, basta bigla na lang ako naawa kay Jazz. Kusa na nga lang bumagsak ang luha ko.

Dahan-dahan siyang humahakbang papalapit sa akin at nang makalapit siya sa akin, tumabi siya sa akin sa pag-upo sa nakatumbang puno.

Hindi ko alam, bigla na lang bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Pasimple ko pang kinurot ang sarili ko kasi baka nananaginip lang ako pero nasaktan ako. Ibig sabihin, totoo 'to na nangyayari. Katabi ko ngayon si Jazz. Katabi ko siya sa lugar kung saan kami unang nagkita at kung saan kami lang dalawa.

[End of Chapter 21]

Ang Love Story ng isang Single Where stories live. Discover now