MIZUKI

339 21 224
                                    

Tanner's POV

"Tanner, natunog 'yung cellphone mo!" sigaw ng kaklase ko.

Itinigil ko ang pagpupunas ng white board at lumapit sa cellphone ko na nakapatong sa lamesa. Binuhay ko ito at nakitang may bago akong e-mail.

'Mister Tanner Dela Vega, we are pleased to inform you that you have been accepted as a part-timer in X Company. Please report to the Fairplex Convention Center by 03:30 in the afternoon. (January 06, xxxx)'

Imposible... tanggap ako?!

Muli kong binasa ang e-mail upang siguraduhing hindi ako nagkamali sa una kong nabasa at... tanggap nga ako!

Sinilip ko ang oras at nakitang 02:47 na ng hapon. Inimis ko ang mga gamit ko at sinukbit ang bag ko.

"P'wede bang mauna na 'ko?" paalam ko sa mga kaklase ko.

"Sige lang. Ingat sa byahe," sagot ng rep namin.

Tumango ako at bumaba na ng building. Palabas na 'ko ng gate ng campus nang biglang may sumagi sa balikat ko.

"Sorry!" sigaw niya bago magpatuloy sa pagtakbo.

Sa sobrang bilis niyang tumakbo, hindi ko na siya nakita pagkalabas ko ng gate. Hindi ko na lang ito pinansin dahil hindi naman siguro siya magnanakaw.

Pumara ako ng jeep at nagbayad sa tsuper. Inabot ng mahigit kalahating oras ang byahe ko sapagkat may traffic.

Pagkarating ko sa convention center ay marami nang tao rito; mga nagbubuhat ng kahon at nag-aayos ng venue.

Habang pinagmamasdan ko sila ay may naramdaman akong bigat sa balikat ko. Nilingon ko ito at nasilayan ko ang isang naka polo shirt na lalaki.

"Tanner Dela Vega?" tanong niya.

"Opo, ako po 'yon," sagot ko.

"Suotin mo 'to at tumulong ka sa pag-aayos ng venue. P'wede mong iwanan ang mga gamit mo sa staff room," aniya habang nakaturo sa isang direksyon.

Inabot ko ang polo shirt at name tag na hawak niya at nagtungo sa malapit na cr. Mabilis akong nagbihis at pagkatapos ay pumasok sa staff room upang iwanan ang mga gamit ko roon.

Tumulong ako sa pagbubuhat ng mga kahon at ginawa ang mga pinapagawa nila sa'kin.

Kaya ako hindi makapaniwalang natanggap ako ay dahil malaking kumpanya ang X Company. Sila ang nag-aayos ng mga malalaking event dito sa Pilipinas.

Hindi ko naman inakala na magsisimula ako rito. Mamayang 5 PM magsisimula ang event dito sa Fairplex Convention Center: ang pinakamalaking anime convention sa Pilipinas na nagaganap lamang tuwing January ng bawat taon!

Mahilig ako manuod ng anime at magbasa ng manga ngunit ni minsan ay hindi pa 'ko nakadadalo sa isang anime convention.

Bilang isang otaku, isa 'to sa mga pangarap ko sa buhay!

"Tanner, tapos ka na?" tanong noong lalaki kanina.

"Opo."

"Ako si James Reyes, isa sa mga organizer ng event na 'to. Ang trabaho mo ay ang sumunod sa mga utos ko. Sa madaling salita, assistant kita. Kaya mo naman, hindi ba?"

"Opo, Sir Reyes."

"Sumunod ka sa'kin. We're going to check if everything is in place. Marami nang mga tao na nakapila sa labas at malapit na rin mag 5 PM kaya kailangan nating bilisan."

Hindi niya na 'ko inintay sumagot at nagsimula nang maglakad. Inikot namin ang buong convention center at aaminin ko, nakakapagod talaga 'tong ginagawa namin.

Mizuki || One-Shot StoryWhere stories live. Discover now