Chapter 11

32.2K 726 35
                                    


LABING-LIMANG minuto bago mag-alas-dose ay nasa bayan na si Jessica. Sakay ng Range Rover na hiniram sa ama. Ang sabi sa kanya ni Gino ay malapit sa plaza ang bahay nina Melisa. Pharmacy ang harap na pag-aari ng ina nito.

Ilang metro na lang ang layo niya sa lugar na tinutukoy nang matanawan niya ang Pathfinder ng asawa na nakaparada sa mismong harap ng pharmacy. Bigla ang apak niya sa preno. Nanlaki ang mga mata niya! Hindi totoo ito! Nanlalamig ang buong katawang napasubsob si Jessica sa manibela ng sasakyan. Nagkikita sina Nick at Melisa! Totoo ang sinasabi ni Melisa sa kanya!

Hindi niya kaya ito. Kailanman, hindi kayang tanggapin ng dibdib niya ang anumang uri ng kataksilan! At pinakamamahal niya si Nick!

"I hate you, Nick! I hate you!" Umiiyak na pinupukpok niya ang manibela. Mas mamatamisin pa niya ang mamatay sa sandaling iyon!

Umayos ito at muling sinulyapan ang sasakyan ng asawa. Mabilis siyang nagmaniobra at hindi alintana kung may maatrasan siya o wala. Umiingit ang gulong ng sasakyan sa ginawa niya. Mabilis niyang tinapakan ang selinyador at humahagibis na tumakbo ang sasakyan sa asyenda Arenas. Nanlalabo ang mga paningin niya saluha. Eh, ano kung maaksidente siya! Mabuti pa para sa kanya ang ganoon!

Paarangkada nitong ipinasok sa garahe ang sasakyan at mabilis na bumaba at pumasok ng kabahayan. Nagulat pa si Nana Sela, ang mayordoma, sa ginawa niyang pagbalya sa malaking pinto.

"Ang Papa, Nana Sela?"

"N-nasa library ang mag-asawa," nagtatakang sagot nito at sinundan ng tingin si Jessica.

Marahang kumatok sa pinto ng library si Jessica. At siya na rin mismo ang nagtulak nito pabukas. Si Philip ay nasa upuan nito sa harap ng mesa at may binabasa na mga dokumento habang nakatayo sa tabi nito si Claire. Parehong nag-angat ng ulo ang mag-asawa pagpasok niya.

"O, Jess, hija, kaybilis mo namang nakabalik," bungad ng ama. "Kasama mo ba si Nick? May ipapakita ako sa kanya," dugtong ng papa niya.

Sandaling nalito si Jessica nang masalubong ang tingin ni Claire. Ano ang sasabihin niya? Ang totoo ba? Hindi! Hindi niya gusto ang mag-symphatize ang mga tao sa kanya. At isa pa, tiyak na hindi man isasatinig, sa kanya din babagsak ang sisi dahil kagagawan niya kung bakit sila nakasal ni Nick.

"M-maaari ko bang makausap ang Papa... alone?" kay Claire siya nakatingin.

Nagkatinginan ang mag-asawa. Ngumiti si Claire. "But of course, hija..." At lumabas ito ng silid.

Umupo si Jessica sa silyang nasa harap ng mesa. Nananakit na ang mga daliri niya sa kapipisil.

"Anong sekreto ang sasabihin ng unica hija ko?" nakangiti si Philip.

Nag-angat ng ulo si Jessica at deretsong tiningnan ang ama. "'Pa, will you deposit some money thru my ATM account in Manila?"

Medyo nagulat si Philip. "Iyon lang pala, akala ko kung ano na. Pero bakit? May outstanding account ka ba sa Maynila?"

Nang hindi sumagot si Jessica ay muling nagsalita si Philip. "Bibigyan kita kahit magkano, hija, pero baka hindi magandang tingnan para sa asawa mo," paalala nito.

Huminga nang malalim si Jessica. "H-hindi ko kailangan ang pera niya!"

Nagsalubong ang mga kilay ng ama niya. "Nagkakagalit ba kayo?" anito na sinabayan ng ngiti. "Lovers' quarrel... natural lang iyan sa mag-asawa, Jess. May asawa ka na anak, at hindi na..."

Maagap na sumagot si Jessica. "I'm leaving Nick, 'Pa!"

Sandaling nalito si Philip. "A-ano'ng sinabi mo, hija? Ulitin mo nga."

Akin Ka Noon, Ngayon At Kailanman COMPLETED (Published by PHR)Where stories live. Discover now