Alamat ng Sampaguita (Another Version)

1.1K 7 0
                                    

A/N: Sa totoo lang mas gusto ko iyong kauna-unahang version ng alamat na ito iyong "Sumpa Kita" pero nakakaaliw kasing basahin ito, nawa'y magustuhan niyo sana. Medyo natawa ako hahahaha...

Nasa baba pala ang reference nito.

Hope you guys like it!

***************************************************************

Noong unang panahon, si Datu Dangal na puno ng Barangay Maynila ay matalik na kaibigan ni Datu Tapang na puno naman ng Barangay Balintawak. Laging nagtutulungan ang kanilang mga tauhan upang mapaunlad at mapaganda ang kani-kanilahg lugar. Kapag uhaw sa tubig ang mga pananim ni Datu Dangal ay pinatutulong ni Datu Tapang ang mga kabig upang sumalok ng tapa-tapayang tubig na ipinandidilig sa malalawak na kabukiran ng karatig barangay. Bilang pagtanaw ng utang na loob, kapag taggutom naman sa Barangay Balintawak ay buong puso namang ipinahahatid ni Datu Dangal sa kaibigan ang mga kinatay na baka upang pagsalu-saluhan ng mga kawal ng kapalagayang loob na lider. Lagi silang nagpapalitan ng mga aning palay at mais. Nagbibigayan din sila ng mga alagang pabo at manok o kaya naman ay pinanday na punyal at itak. Kung nangangailangan ng tulong ang isa, madaling mag-aabot ng kamay ang kaibigan niya. Magkaibigang-magkaibigan si Datu Dangal at Datu Tapang. Hangad nila ang pag-unlad ng bawat isa. Dasal nila ang pagtatagumpay ng bawat barangay na pinamumunuan nila.

Si Datu Dangal ay may kaisa-isang anak na dalaga na kapuri-puri sa pag-uugali at hinahangaan sa angking kagandahan. Sapagkat inaakala ni Datu Dangal na bata pa sa ngalan ng pag-ibig ang anak, lagi niya itong ipinakikilala na anak niyang dalagita na pinagdidiinan niyang nagngangalang Gita.

Kapag may mga mangangalakal sa iba't ibang barangay na naiimbitahan si Datu Dangal, lagi at laging sa ganito nauuwi ang usapan:

"Napakaganda ng anak ninyo, Datu Dangal! Maaari bang makapanhik ng ligaw ang binata ko?"

"Bata pa si Gita. Paghintayin mo ang binata mo. Darating din ang panahong magiging ganap na dalaga ang aking dalagita."

Kahit nakangiti ay nakatiim ang mga bagang ni Datu Dangal sa katotohanang maaaring ilayo ng sinumang mangingibig ang kaisa-isang anak.

Upang hindi gaanong mapagkita ng mga kabinataan, si Gita ay laging pinababantayan ni Datu Dangal sa ilang piling dama na kaniyang pinagkakatiwalaan.

Hindi alam ng mga dama na sa isang pagtitipon sa palasyo ay nakilala ni Gita ang natatanging anak na binata ni Datu Tapang. Sa dahilang nabighani ang binata sa ganda at ugali ni Gita ay hindi nito napigil ang sariling magtapat ng pag-ibig. Hindi maipaliwanag ng dalaga kung bakit may kakaibang misteryo kapag kausap niya ang binata. Sinuri niya ang sariling damdamin. Hindi naglihim si Gita sa mga dama. Ipinagtapat niya ang pagmamahal niya sa binatang umiibig din sa kaniya.

Nalaman ni Datu Dangal ang panunuyo ng binata sa kaniyang dalagita. Lubhang nabagabag ang ama ni Gita. Pinagsabihan nito ang mga dama na 'lalong higpitan ang pagbabantay sa anak niya. Ipinaliwanag ng mga dama na dalaga na si Gita at sa tingin nila ay may karapatan na itong pumili ng binatang mamahalin. Winalang halaga ni Datu Dangal ang mga paliwanag. Binigyang diin niya na ang utos ng hari ay di mababali.

Nag-iiyak nang nag-iiyak si Gita. Inisip niyang hindi siya nauunawaan ng ama niya. Naniniwala siyang hindi iginagalang ni Datu Dangal ang sagradong pagmamahal niya. Tanging ang mga dama lamang ang nakakaintindi kay Gita. Sapagkat may mga puso ring marunong magmahal kaya nauunawaan ng mga dama ang saloobin ng dalaga.

Minsan, nang makatanggap ng isang sulat mula sa mangingibig ay nagmakaawa si Gita sa mga tagabantay na payagan siyang makipagkita sa minamahal. Bagamat natatakot ay pumayag na rin ang mga dama sa pagmamakaawa ni Gita. Pinakiusapan ng mga dama ang dalaga na kailangan niyang makabalik kaagad upang di mapansin ni Datu Dangal ang pagkawala niya. Nangako naman si Gita.

Munting Mga AlamatWhere stories live. Discover now