SUROT
Isinulat ni Alex AscLumuwas ng Maynila si Marlon. Bungsod ng hirap sa buhay sa probinsya ay nagbabakasakali rin siyang palarin na kumita kahit papaano sa Maynila. Wala siyang natapos, ang tanging alam lamang niya ay pamamasada gamit ang traysikel. Ang nais lang naman niya ay makaipon ng kahit kaunti para sa maaari niyang itayong negosyo sa kanilang probinsya.
"Suriin mo ng maayos a. Kapag nagbayad ka na, wala ng bawian. Kailangan mong tapusin ang isang buwan bago ka umalis," anang matabang si Aling Dora na nagmamay-ari ng paupahang bahay.
Isang silid lang naman ang inupahan ni Marlon at mabuti't isang libo lamang ang bayad kada buwan. Biruin mong kasama pa pati ilaw at tubig, napakamura na niyon.
"Malinis naman po, Mam..." magalang niyang tugon. Iniwan na siya ng may-ari ng bahay at nagsimula na siyang mag-ayos ng mga damit.
Kailangan niyang matulog ng maaga dahil bukas na bukas din ay ipapasada niya ang Jep ng amo ng kaniyang kaibigan na si Kiko.
Mahimbing na ang tulog niya ng mga sandaling ito. Hating gabi na rin at tahimik ang kapaligiran.
Unti-unti siyang napapakalmot, nangangati kasi ang kaniyang mga kamay. Umaakyat pa ang mga makakating iyon mula sa kaniyang paa patungong iba't ibang parte ng katawan. Napamata siyang labis na naiinis. Umupo siya at itinodo ang pagkalmot sa iba't ibang parte ng kaniyang katawan. Tumayo siya at binuksan ang ilaw. Ganoon na lamang ang pagkakainis niya ng matanaw ang maraming surot sa kaniyang higaan na gumagapang patungong gilid ng kaniyang kama.
Tinanggal niya ang foam at pinagpag nang pinagpag, pati kumot at unan. Matapos no'n ay natulog ulit siya, ngunit ginagapangan pa rin siya ng madaming surot. Pinilit na lamang niyang tiisin dahil kailangan niyang matulog para makapagsimulang mamasada bukas. Subalit hindi na ulit siya nakatiis. Lumipat siya sa tabi ng pintuan at doon itinuloy ang pagtulog.
Kinabukasan, tinanghali siya ng gising kaya't hindi siya pinapasada ng may-ari ng Jep.
"Unang pasok pa lang ay late ka na! Paano kita tatanggapin?!" wika ng lalake. Si Kiko na rin ang humingi ng paumanhin at nakiusap na bigyang ng pagkakataon si Marlon pero hindi na pumayag ang kanyang boss.
"Okay lang ba 'yan, Pare?" tanong ni Kiko kay Marlon habang nakaupo na sa traysikel.
Traysikel na lamang ang naihanap ni Kiko para sa kaibigan bilang kabuhayan. Pansamantala lang raw muna. Tumango-tango na lamang si Marlon.
Pagkauwi ng hapon ay nilinis niya ng nilinis ang silid. Wala naman siyang matagpuang surot. Baka nga galing pa siguro sa kabilang silid ang mga surot at naglakbay lamang sa kaniya kinagabihan. Ganoonpaman, ay labis siyang nadidismaya sa dulot sa kaniya niyon. Kahit nga sa pamamasada niya sa traysikel ay nangangati pa rin siya. Hindi maka-move-on ang kaniyang katawan sa dinanas.
Kinagabihan, hindi na naman siya pinatulog ng mga pesting surot.
Kahit anong pambubugaw niya sa kanila ay wala pa rin. Pinagtitiris na niya ang bawat nakikita niya. Pinagpapatay gamit ang kaniyang kuko, wala na siyang pakialam basta't maubos niya ang mga iyon, subalit, hindi maubos-ubos.
Napasinghap siya sa hangin at lumabas na lamang ng bahay at doon na lamang tumambay hanggang sa abutin ng umaga.
Tumitilaok pa lamang ang mga manok ng matyempuhan nitong lumabas si Aling Dora dahil may iniigip siya sa kanilang balon.
"Bakit po ganoon! An'daming surot sa bahay niyong ito! Gabi-gabi na lamang akong pinagpipistahan!" singhal niya sa Ale.
"Linisin mo kasi, panatilihin mong malinis ang silid mo, nang 'di pinamamahayan ng mga peste..." sagot nito at itinuloy ang ginagawa.

YOU ARE READING
MGA KUWENTONG KABABALAGHAN - Volume 5
HorrorMGA KUWENTONG KABABALAGHAN - Volume 5 Mga Oneshot stories ni Alex Asc MGA NILALAMAN 1- Tres Marias Aswang 2- Monkey Island 3- Anak ng dagat 4- The Boyband 5- Baby Sitter 6- Depression 7- Samantha 8- Surot 9- Lipi ng Diablo 10- Taong grasa 11- Karend...