Chapter Eight

3K 52 7
                                    

"HOY Jan Slater, nakikinig ka ba sa mga sinasabi ko?"

Kunot-noong nilingon ni Slater si Drake. Katulad niya ay nakakunot din ang noo nito habang matamang nakatingin sa kanya. Nasa Black Rose Bar and Restaurant sila nang mga sandaling iyon. Isa siya sa mga co-owners doon ngunit bihira siyang magpunta sa lugar na iyon dahil abala rin siya sa pagpapatakbo ng kompanya ng kanyang ina at sa pagiging racer niya.

Nakilala niya si Drake dalawang taon na ang nakararaan. Kababalik pa lang nito at ng banda nito sa Pilipinas nang mga panahong iyon. Ipinakilala siya rito ng isang kaibigan niya at agad naman silang nagkapalagayang-loob kaya walang pag-aatubiling tinanggap niya ang proposal nito na maging partners sila sa pagpapatayo ng bar and restaurant.

Bukod sa pagiging may-ari ng lugar na iyon, isa rin itong band member ng Domino Band. Nag-umpisa ang banda nito sa Amerika ngunit umuwi ang mga ito sa Pilipinas para ipagpatuloy ang pangarap ng mga itong sumikat sa sariling bansa ngunit hindi natuloy ang pagpasok ng mga ito sa music industry dahil na-realize raw ng mga ito na hindi para sa mga ito ang limelight. Mas gugustuhin raw ng mga itong tumutugtog sa kung saan gusto ng mga ito kesa sa may nagmamando sa mga ito.

"Ano nga iyong sinasabi mo?" tanong niya dito kapagkuwan.

Iiling-iling na tinungga nito ang bote ng beer na nasa tapat nito bago muling bumaling sa kanya. "Ang sabi ko, dito ka muna ngayong gabi. Tutugtog kami eh. Kasama iyong vocalist namin na sinasabi ko sa'yo na maganda ang boses."

"Sino? Iyong taga-Amerika?"

Tumango ito. "You should hear her sing, pare. Parang bumaba ang mga anghel sa lupa kapag kumakanta iyon eh." pagbibida nito sa sinasabi nitong vocalist ng mga ito. Kilala niya ang original na bokalista ng banda, si Casper ngunit kumuha pa raw ang mga ito ng isa pang bokalista dahil lahat daw ng mga ito ay namangha nang marinig na kumanta ang bagong bokalista ng mga ito.

Nagsalubong ang mga kilay niya nang biglang sumingit ang imahe ni Bea sa isip niya. Agad na ipinilig niya ang kanyang ulo. Hindi dapat niya iniisip ito. Ilang araw siyang hindi nagpunta sa Speed Café para lang maiwasan ito. Hindi na dapat siya maapektuhan ng mga sinasabi nito dahil nakapag-move on na siya.

Pero aminin mo, nami-miss mo siya, 'di ba? Kaya bigla mo siyang naisip?

Tinapik siya ni Drake sa balikat kaya muling nabaling dito ang atensiyon niya. "Lalabas muna ako. Baka nando'n na iyong iba eh." paalam nito sa kanya.

Tumango lang siya at humingi ng isang bote ng beer sa bartender. Mukhang mahaba-habang pakikipag-debate ang gagawin niya sa sarili para lang sa ikatatahimik ng muli niyang nagulong buhay.


NAKASIMANGOT na bumaba si Bea ng sasakyan ni Renzo at padabog na lumapit sa kinaroroonan ng ibang kabanda nila.

"O, anong nangyari sa'yo at nanghahaba iyang nguso mo?" natatawang tanong ni Terrence sa kanya. Naka-upo ito sa gutter habang humihithit ng sigarilyo.

"Si Kuya Renzo kasi, ang KJ. Kakain lang ako ayaw pa ko payagan." pagsusumbong niya sa mga ito at binigyan ng nang-aakusang tingin ang nananahimik na si Renzo.

"Hindi ko sinabing 'wag kang kumain. Ang ibig ko lang sabihin sa sinabi ko kanina, dito ka na lang kumain para hindi tayo ma-late. Ang bagal mo pa naman kumilos." mayamaya ay sabi nito. Umupo ito sa hood ng kotse ni Nash.

Lalong nanghaba ang nguso niya. "Kahit na. Sana binilhan mo na lang ako ng pagkain. Alam mo naman na bawal akong magutom tapos basta-basta ka pa nanghihila diyan?" hindi papatalong akusa pa rin niya.

"Tama na iyan, guys. Pumasok na kayo sa loob at nang makakain na tayo. Alas-otso mag-uumpisa iyong first set natin." imporma sa kanila nang kalalapit lang na si Drake.

Camp Speed Series 3: My Stupid Heart [Published Under PHR] (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon