9

15.2K 408 18
                                    


ALAS-nueve y media nang dumating si Bernard sa opisina.


"Good morning, boss." si Mrs. de Lara. "Nasa loob na silang lahat. You're thirty minutes late."Huminga nang malalim ang binata. "Strong and black coffee, Andrea," utos niya sa sekretarya. Pumasok sa isip si Diana na iniwan niyang natutulog sa suite kaninang bago mag-alas-dose ng hatinggabi. She was so tired na hindi na namalayan ng dalaga ang pagpanhik niya sa rooftop para sa chopper na maghahatid sa kanya rito sa Maynila. At bagaman alas-dos ng madaling-araw ay nasa bachelor's pad na siya ay naging napakailap ng tulog dahil okupado ni Diana ang isip niya.


Pumasok siya sa sariling silid at pagkatapos ay binuksan ang accordion door na siyang naghihiwalay sa pagitan ng pribadong silid niya at ng conference room. Bumati ang mga ito pagkakita sa kanya.


"Good morning." tumikhim siya at iginala ang paningin sa mga nakaupo sa palibot ng conference table. May mga dokumento ang bawat isa sa harap. Naroon si Marco at Emerald. Si Nathaniel sa halip na si Margarita, si Josef, at ang dalawang senior executive ng Kristine Cement na ang isa'y may 10% share, at 5% naman ang isa.


Bahagyang naningkit ang mga mata ni Bernard nang mahuli ang mga mata nina Nathaniel at Zandro. Mga hindi nagsasalita pero ang mga ngiti ay makahulugan.


"Hindi ka nakarating kagabi, Bernard. Kayo ni Diana. Nagtatampo si Margarita. Inaasahan niyang pareho kayong makasalo ni Zandro sa hapunan," paninita ni Josef sa seryosong tono. "Ang sabi nitong dalawang lalaki ay may importanteng bagay kang inasikaso sa hotel. Tungkol ba dito sa meeting na ito?"


Sabay na nagtawanan si Zandro at Nathaniel. Kung nakamamatay ang tinging ipinukol ni Bernard sa mga ito ay natumba na ang dalawa.


"Babawi na lang ako sa susunod na pagkakataon, Kuya Josef," pormal niyang tugon. Pumasok si Andrea at inilapag sa tabi niya ang hininging kape. Pagkatapos ay naupo sa puwesto niya ang sekretarya upang kumuha ng minutes ng meeting. "Binubuksan ko ang meeting na ito at bilang pasimula ay gusto kong ipakilala sa board si Zandro Fortalejo." sinulyapan ang kapatid na banayad na tumango bagaman nakipagkilala na ito kanina sa dalawang senior executive bago pa dumating si Bernard.

Nagpatuloy ang binata na ang mga mata'y nakatuon sa dalawang hindi miyembro ng pamilya. 


"This is a family matter, ganoon pa man, since this is a family corporation, tamang pagkakataon para sabihin ko ito. Kung ipinahihintulot ng batas na ipagkaloob ko sa iyo, Zandro, ang villa Kristine ay legal kong ipagkakaloob, but my lawyer here, Marco..."

"Excuse me," agap ni Zandro. "May I have the floor?"


Tumango si Bernard.


"Entail or not Bernard, legal na ipinamana sa iyo ng Papa ang mga iyon. At muli ay uulitin kong sabihin na hindi ko kinokontesta ang testamento ni Senior Leon. Make this formal and binding, wala akong interest sa villa now or in the near future."


Mga kaluskos ng papel sa harap ng bawat isa ang sunod na maririnig. Nagpatuloy ang chairman ng Kristine Cement.


"Gusto kong ipaalam sa board na bukas ang 15% share of stocks ni... Jewel Fortalejo." sandaling nabasag ang tinig ng binata roon. At gusto nitong isumpa ang sarili. Now, he could again feel the pain. Pero kagabi lang ay nasa piling siya ng ibang babae. Ibang babaeng inalok niyang bibigyan ng kanyang pangalan. Offering Diana his name didn't bother him so much. Pero ang nadarama niyang emosyon para dito ang bumabagabag sa kanya.


He wanted Diana para makaahon mula sa dalamhating idinulot ng pagkamatay nito. Kasabay rin noon ang pagkadama ng guilt dahil totoong sa piling ni Diana ay naglalaho sa alaala niya ang babaeng iniibig. At hindi niya gustong mangyari iyon.


"Ang shares ay isang inheritance na automatically ay mauuwi sa mga malapit na miyembro ng pamilya. At si Anna iyon. But since na nasa America si Anna na tulad ng alam nating lahat ay hindi interesado sa anumang bagay may kinalaman sa ari-arian ng mga Fortalejo, then kay Emerald iyon mauuwi. Let us make this formal and binding."


Tumikhim si Emerald. Bumaling sa asawa na tumango. "Napag-usapan na namin kagabi ni Marco ito, Bernard." nilinga niya ang miyembro ng board. "I already have my fifteen percent inheritance. That is more than enough. At dahil ako ang legal na representative ng pamilya sa meeting na ito, legal ko ring ipinagkakaloob ang manang iyon sa higit na may karapatan, sa iyo Zandro Fortalejo." nakangiting bumaling si Emerald sa tiyuhin. Bagaman alam nitong si Zandro ang tanging mahirap sa mga naging anak ni Leon Fortalejo sa ibang babae ay hindi masasabing pinabayaan ito ng Don. Pinagkalooban ito ng sapat na halaga na kung naging matalino sa paggamit si Clarita ay sapat upang mabuhay nang maalwan.


Si Zandro ay marahang huminga nang malalim. "I... I... don't know what to say." sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay nito ay bahagya itong nautal. Ang magkaroon ka ng 15% shares sa Kristine Group of Companies ay sampung doble kaysa sa iniwang halaga ni Leon sa kanya noong bata pa siya. But then, hindi pa naman naitatayo ang mga kompanya noong panahong iyon.


"You don't have to say anything. Just sign the documents," pormal na pahayag ni Bemard pero may kislap sa mga mata.


"Welcome to the board, Mr. Fortalejo," amused na wika ni Marco na iniabot ang mga dokumento sa binata.


"Thank you, Marco." nagsisikip ang dibdib nitong pinirmahan ang mga kaukulang espasyo.


"Kung mayroon pang nais i-discuss ang board, the floor is open," ani Bernard. May mga nagkomento ng kung ano-anong maliliit at importanteng bagay para sa kompanya at lahat ng mga iyon ay pinag-aralan at inilagay sa minutes. Makalipas ang sumunod ay na-adjourn ang meeting. Kinamayan ng mga naroroon si Zandro bilang pagtanggap.


"Gusto kong magpasalamat sa inyong lahat, lalo na sa iyo Emerald at sa iyo Bernard," ani Zandro sa gumagaralgal na tinig nang ang mga naroon ay sila na lang. "Alam kong hindi nabayaran ng buhay ni King ang pinsalang naidulot nito pero patuloy kong inihihingi ng paumanhin..."


Halos humihiwa ang katahimikang sumunod sa pagkakabanggit sa trahedya. Si Marco ang bumasag sa katahimikan matapos mag-alis ng bara ng lalamunan.


"Hindi ipinahintulot na sa kamay ng isang Fortalejo nagbayad si King. At tama ka, Zandro. Hindi nababayaran ang buhay. But it's all over. We must go on living." sinulyapan nito ang pamangkin sa makahulugang paraan. Pagkatapos ay muling itinuon ang mga mata kay Zandro, ngumiti, at kinamayan.


"Naalala mo ba noong una akong pumarito, Bernard?" Tumango ang binata. "I wanted to talk business with you then. Hindi ako iniwanang wala ng Papa. He deposited some considerable amount of money in trust na withdrawable pagdating ko ng twenty-five. And that was four years ago. Sa pakiusap ko ay ginamit ni Senior Leon ang kapangyarihan niya to talk to the bank people kung magkano na dapat ang perang nakatago. Sa puntong iyon ay ikinatuwa kong hindi nakapag-aral ang Mama dahil hindi na nito kinuwestiyon iyon. Si King ay sa pera lang interesado. Less than half of the money ay ginamit ko sa pagbili ng isang lupain hindi rin gaanong nalalayo sa Paso de Blas, by sea.


"It is a wilderness and undeveloped. At walang nakakaalam noon kundi ako. Kaya ako narito noon ay upang mangutang sana ng mga materyales na kakailanganin ko sa pagpapatayo ng mga necessary facility. Ganoon din ang paghingi ng garantiya sa iyo sa iba ko pang mga kailangan. Now, that I have the 15% shares, siguro ay maaari kong magamit iyon bilang garantiya sa uutangin ko." inikot nito ang mga mata sa mga taong naroroon. Nagkatinginan ang bawat isa. All with amusement in their eyes.


Tumikhim si Bernard. "Zandro Fortalejo, with or without the 15% shares, you can have whatever you want... brother."


Kristine Series 6, Amore (Beloved Stranger)(COMPLETED) - (UNEDITED)Where stories live. Discover now