Ikapitong Kabanata Mga Pagbabago

110 3 4
                                    

“Anong iniisip mo?”

                Nakatanaw si Helena sa teresa. Hindi niya mawari ang kanyang mga natatanaw sa gawing ibaba. Ang nakikita lamang niya ay mga usok at kaunting apoy. Pero nananaig pa rin ang mga boses na kanyang naririnig.

                Tumabi sa kanya si Azrael. Napakalaking tao talaga nito. Hanggang baywang lang siya nito. Napansin din niya ang mga maskuladong bisig nito, at ang matipunong dibdib. Kung pagmamasdan ay para isa itong isang magiting na mandirigma na lumaban na sa maraming digmaan. Mukhang pagod na pagod na ito, bakas sa kanyang mga mata.

                “Kanina ko pa napapansin ang iyong pananahimik. Alam kong hindi biro ang iyong pinagdadaanan. Naguguluhan ka, maraming mga tanong. Handa akong sagutin ang lahat ng ito.”

                “Ano ba itong mga boses na naririnig ko?” tanong ni Hel.

                “Baka mga daing ng mga taong malapit ng mamamatay.”

                “Hindi. Hindi ganun. Humihingi sila ng tulong, ng hustisya. At naririnig ko rin ang boses ng mga nananmantala sa kanila. Nakakabingi sila. Sabay-sabay na nagsasalita.”

                Matamang nag-isip si Azrael. Hindi niya pa naririnig ang mga ganitong boses. Ang Aklat ng Buhay lamang ang nagiging gabay niya sa pagsundo ng mga kaluluwa. Maaaring isa ito sa kapangyarihan ng talisman. Hindi pa nailalahad sa kanya ang kapangyarihan nito. Ang alam lang niya ay nanunumbalik ang pagiging tao ni Hel kapag suot niya ito. Hindi kaya may mas malaki pang misyon ang babaeng at hindi lamang magiging kahalili niya?

                “Nais kong ituro sa iyo ang aking mga pamamaraan. Ipapakita ko sa iyo ang Aklat ng Buhay. Mahalaga ito sa iyong gampanin bilang aking kahalili.”

                Pumunta sila sa silid kung saan naroon ang aklat. Katulad ng nakagawian ay sinalat niya muna ang mga titik at nagsabi ng orasyon. Bumukas ito at lumipat ang mga pahina. Nakita ni Hel ang mga pangalan ng mga taong kanilang susunduin. Nakalagay na rin doon ang sanhi ng kanilang kamatayan. Kung hindi nga siya nagkakamali, nakita niya rin ang kanyang pangalan na nakalista doon. Sa katabing mesa ay kinuha ni Azrael ang orasa at ang kanyang kalawit. Iniabot niya ang mga ito kay Hel. Pagkahawak ay parang napaso siya sa mga bagay na ito. Ilang sandali pa ay nagliyab ang kanyang mga bisig. Nabitawan niya ang orasa at ang kalawit. Nagsisisigaw si Helena sa sakit. Ramdam niya ang pagtusta ng kanyang balat. Nakamasid lamang si Azrael at hindi rin niya alam ang gagawin upang maibsan ang dalaga. Laking gulat niya ng may napansin siyang kung anong mga bagay ang nabubuo sa balat ni Helena. Mga titik ng baybayin:

Isa-isa itong inuukit sa kanyang balat. At bawat letra ay nagdudulot ng nakakawalang ulirat na sakit. Ang mga letrang ito ay katulad ng nakaukit sa Aklat ng Buhay, na ang ibig sabihin ay kamatayan. Nang natapos iukit ang mga letrang ito sa kanyang mga bisig ay tuluyan ng nawalan ng malay si Helena. Nasalo siya ni Azrael. Kinapa nito ang mga marka sa bisig nito. Naramdaman niya ang namamagang laman at pagdurugo ng sugat na naidulot nito. Nakakamangha ang mga pangyayari para sa kanya. Totoo nga sigurong hindi pangkaraniwan si Helena. Biglang nagising si Helena. Hinahabol ang hininga nito. Tiningnan ang mga marka sa bisig. Nanlaki ang mga mata. Hindi makapaniwala sa nakita.

“Anong nangyayari, Azrael? Ano itong mga letra na ito?”

“Mga letra sa Aklat  ng Buhay. Hindi ko rin alam kung bakit nagkaganyan ang iyong mga bisig. Sa totoo lang, hindi ko pa alam masyadong alam ang kapangyarihan ng talisman. Ipagpatawad mo, Helena, ang mga sakit na nararanasan mo ngayon. Kung mayroon lang sana akong magagawa upang maibsan ang...”

                “Ha! Tama na, manahimik na kayong lahat! Anong magagawa ko? Hindi ko alam kung paano kayo tutulungan. Azrael, patahimikin mo sila, utang na loob!” hiyaw ni Helena habang nakatakip ang dalawang kamay sa magkabilang tainga.

“Hindi ko alam kung paano sila patatahimikin. Ayaw ko itong sabihin sa iyo pero hindi kita matutulungan sa ganitong pagkakataon.”

Bumangon si Helena. Tinungo ang teresa. Pinagmasdan ang gawing ibaba. Sa parteng iyon ay lalong lumalakas ang mga boses. Nilingon niya si Azrael na nakatulala lang sa kanya.

“Paano ako makakabalik sa mundo ng mga tao?”

“Sa pamamagitan ng orasa. Pero hindi ka pa ganoon kalakas upang bumalik. Hindi lamang naman lakas ng katawan ang kailangan mo, kundi ang lakas din ng kalooban. Hindi na dapat pa bumalik ang mga mapait na alaala na iyong naranasan habang ikaw ay nabubuhay. Maaaring maging kahinaan mo ito.” Pagpapaalala ni Azrael.

“Ito lang ang tanging paraan. Mababaliw ako sa mga boses na ito. Kailangan ko silang tulungan, kailangan nila ako. Doon lang titigil ang mga boses na ito.”

Lumapit si Azrael, hinawakan niya ang magkabilang balikat nito. Madiin.

“Hindi ka pa handa. Ni hindi mo alam kung paano mo sila tutulungan. Baka ikapahamak mo ito. Makinig ka sana sa akin.”

“Bahala na. Malalaman ko din ang lahat, sa sarili kong diskarte. Payagan mo na ako. Hindi ba’t mababantayan mo pa rin naman ako kahit nasa mundo ako ng mga buhay?”

Niluwagan niya ang pagkakakapit sa dalaga. Yumuko ito at nalungkot ang mukha. Hindi niya na talaga siguro mapipigil kung ano ang nakatadhana. Nag-aalala siya kay Helena, sa maaaring mangyari dito. Hindi ang simpleng pagsundo sa mga mamamatay ang gagawin nito, kundi ang pagtulong sa mga naaapi. Ang paglaban sa mga taong gumagawa ng masama sa kanyang kapwa. Mga kriminal na halang ang bituka. Mga mamamatay tao. Ano nga ba ang kanyang magiging sandata? Ang kalawit ng kamatayan? O higit pa? Kahit naman sino ay kinatatakutan makita ang kamatayan, hindi ito makakaalma. Siguro ay magiging maayos naman si Helena sa kamay ng mga tao. Ito na lang ang tulong na kanyang magagawa upang maibsan si Helena. Hindi niya pababayaan ang dalaga, babantayan niya ito at darating kung kailangan niya ng tulong. Niyakap niya ng mahigpit si Helena. Nagparaya naman ito.

“Sige, kung ito ang makakaalis ng iyong nararamdamang sakit. Papayagan kitang bumalik sa lupa.”

“Salamat, Azrael.”

Humikbi si Helena. Saya at takot ang namamayani sa kanyang puso. Hindi niya alam kung anong mga bagay ang naghihintay sa kanya roon. Pinalitan ni Helena ng leather na pang-itaas at pantalon ang manipis na bestidang suot niya. Nagsuot din siya ng balabal upang itago ang mukha. Hindi dapat malaman ng mga taong malapit sa kanya na buhay siya. O buhay na patay, na mas tamang pakinggan. Kinuha niya ang kalawit at ang orasa. Maya-maya pa ay nagbukas ang isang lagusan. Bago tinungo ito ay minasdan niya si Azrael. Bakas pa rin ang pag-aalala sa mukha nito. Para siyang isang magulang na nagpapaalam sa anak na sa unang pagkakataon ay aalis ng kanilang tahanan.

“Babalik ako. Paalam, Azrael.”

Tinahak niya ang lagusan at lumusot ito. Tuluyan na siyang nawala.

“Nawa’y gabayan ka ni Bathala sa iyong paglalakbay, Helena.”

HelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon