Kabanata VIII

197 18 0
                                    

MABAIT si Tiya Fely. Ituring ko raw na bisita ako sa bahay niya ngunit nahihiya ako sa kanya kaya pinipilit ko na tumulong sa mga gawain doon kapalit ng pagtira ko. Napapayag ko rin siya sa katagalan.

Kapag wala akong ginagawa ay tinuturuan ako ni Ningning ng iba't ibang bagay na natututunan niya sa paaralan. Tinuruan niya rin ako na tumugtog ng piano at violin, na napakatagal bago ko natutunan. Itinuro niya rin sa akin kung paano magluto ng kung anu-anong putahe na mayayaman lamang ang nakakakain. Nakilala ko na rin ang mga malalapit na kaibigan nila ni Noni sa paaralan.

Masaya ako sa lugar na ito pero hindi ko pa rin maiwasang isipin sina Itay at Kuya. Nangungulila na rin ako kay Cita at sa iba ko pang mga kaibigan. Mabuti na lang talaga at narito ang pinakamatalik kong kaibigan at hindi niya ako pinababayaang mag-isa.

Tatlong taon na akong naninirahan dito kina Tiya Fely. Itinuring na rin nila akong pamilya. Lahat ng mayroon sina Ningning ay mayroon na rin ako. Sa totoo lang ay nakakahiya na kung minsan.

Gusto na rin nga akong pag-aralin nina Tiya Fely pero tinatanggihan ko sila tuwing tatanungin ako kung gusto ko. Sinasabi ko na wala akong interes sa bagay na iyon kahit na ang totoo ay gustong-gusto kong makapag-aral dahil napakahirap talagang maging mahirap.

Labis na ang kabutihang ibinigay nila, hindi ko alam kung kaya ko pa masuklian ang mga ito kapag pumayag pa ako sa alok nila

NAGULAT ako nang biglang tumabi sa akin si Tiya Fely. Akala ko ay ako na lamang ang gising sa mga oras na ito pero nagkamali pala ako.

"Gabi na, Anak." paalala niya. "Hindi ka pa ba matutulog?"

"Hindi pa po," magalang kong sagot. "Hindi po ako makatulog, e."

"Marunong kang gumuhit?" Nakatingin pala siya sa ginagawa ko.

Ngumiti ako. "Sakto lang po."

"Sino siya?" tanong niya sabay turo sa iginuguhit ko.

"Si Cita po," sagot ko sa kanya.

"Parang nagkita na kami. Hindi ko lang alam kung saan."

"Kababata po namin siya. Nakakapunta na po siya rito, kasama po siya sa mga batang pinapasundo ninyo 'pag birthday nina Ning."

"Ah. Kaya pala pamilyar ang mukha niya."

Ngumiti lang ako.

"Mahal mo ba siya?"

Nabigla ako sa tanong niya. "Po?"

"Mahal mo siya. Alam ko." Nakangiti si Tiya Fely.

"Paano po? Sinabi po ba ni Ning?"

"Nabasa ko sa mga mata mo. Alam na ba niya?"

Umiling ako. "Hindi po, Tiya."

"Bakit hindi mo sabihin?" usisa niya.

"Hindi pa po perpekto ang panahon, e, saka na lang po."

"Kailan ba ang 'perpektong panahon'?"

"Hindi ko pa po alam, e, kaya wala pa po ako ginagawa."

"Anak, walang perpektong panahon. Palaging may kulang, palaging may mali. Kung hihintayin mo ang perpektong panahon, matatapos na ang walang hanggan pero wala pa rin darating sa iyo."

"Paano ko po gagawin 'yon kung 'di ako makauwi sa lugar namin?"

"Maaari mo siyang sulatan. Isa pa, nararamdaman kong 'di mo rin kayang sabihin nang harapan ang nararamdaman mo para sa kanya."

NAPAISIP ako sa sinabing iyon ni Tiya Fely. Pagkalipas ng ilang araw, matapos naming mag-usap, ay nabuo ang pasya ko na ipagtapat na kay Cita ang lahat. Bakit pa nga ba ako naghihintay sa kung anu-ano? Alam ko naman na mahal niya rin ako, tiyak na magiging positibo ang tugon niya sa akin.

Isinulat ko ang lahat ng gusto kong iparating kay Cita. Sinimulan ko ang pagpapahayag sa panahon kung kailan ipinangako ko sa harap ng simbahan na siya ang pakakasalan ko pagdating ng araw. Sinabi ko rin na noon ay nagseselos ako kay Pael kaya iniwasan ko sila. Ipinaalam ko rin sa kanya na siya ang inspirasyon ko kaya gusto kong makagawa ng sarili kong komiks. Inilakip ko rin sa sulat ang mga larawan ng kanyang mukha na halos gabi-gabi kong iginuguhit sa loob ng tatlong taong malayo ako sa kanya.

Isinali ko na rin ang pangungumusta sa naiwan kong pamilya roon. Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung paano ko naisama ang pangungumusta sa kalagayan ng pamilya ko. Noon kasi, ayaw kong nagkukuwento sila tungkol sa kapatid at ama ko kapag sumusulat o tumatawag sila sa akin. Marahil, may parte sa akin na nangungulila sa kanila na ngayon ko lang nailabas.

Natuwa ako sa sagot ni Cita. Hindi lamang ito dahil sa sinabi niya na tatanggapin na niya ang pag-ibig ko sa oras na makabalik na ako sa amin, kung hindi dahil sa nalaman ko na maayos na ulit ang pamilya ko at si Kuya ay may anak na. May trabaho na rin daw sila ni Itay bilang tagawalis ng kalsada, mas mainam na sa dati.

GUMUHIT ang lungkot sa kanina lamang ay masayang mukha ni Ningning. May halo ito ng pagkabigla.

"Maayos na naman ang lahat, e," paliwanag ko, "kaya babalik na ako sa amin. Nakakahiya na rin kay Tiya Fely."

"Pero pamilya ka na rito," malungkot na sabi niya.

"May isa pa akong pamilya, Ning."

"Nagsabi ka na ba kina Tiya?" siyasat niya.

"Oo," sagot ko. "Mamaya na ang alis ko."

"Mamaya na kaagad? Biglaan naman masyado, Fer."

"Pasensya na. Nasabik lang kasi ako." Napangiti ako. "Sasagutin na niya ako, Ning! Sabi niya sa sulat e magiging magkasintahan na kami 'pag bumalik na ako ro'n. E nagkataon na maayos na ang lahat. Sobrang saya ko, Ning! Masayang-masaya ako!"

"Si Cyn pala."

"Oo, Ning," nakangiting sagot ko. "Babalitaan agad kita kapag naroon na ako, ikaw pa! Best friend kita, e."

"Bisitahin mo kami, ha?"

"Oo naman. Sa susunod, kasama ko na si Cita!"

Ngumiti lang siya, halatang nalulungkot pa rin.

Niyakap ko ang pinakamatalik kong kaibigan. Sa kabila ng kasabikan ko na bumalik sa nilisan kong lugar—na makasama muli ang mga mahal ko sa buhay at makamit ang matamis na "oo" ng kaisa-isang babaeng inibig ko—ay hindi pa rin mawawala ang lungkot dahil lilisanin ko na ang pook na kumupkop sa akin sa loob ng ilang taon. Nasanay na rin ako rito—sa kapaligiran, sa sistema ng buhay, sa pangalawa kong pamilya. Tiyak na mangungulila ako sa kanilang lahat, lalo na kay Ning.

***

(Ang Cynthia ay nailathala sa pahayagang Balita, ang tabloid ng Manila Bulletin, simula 2013 hanggang 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

CynthiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon