Ch 9: Ang Babaeng Ila-loveteam kay Papii

247 25 4
                                    


JING-THE SHIPPER

PAGPASOK ko sa bahay namin ay naririnig ko na agad ang iyak ni lola at sigaw ni mama. Sanay man ako sa mga pag-aaway nila, nataranta pa rin ako kapag nangyayari iyon. Kaya nagmamadali akong umakyat ng hagdan para awatin ang tensyon sa pagitan nila.

Naabutan ko si mama sa loob ng kuwato ni lola, hinihila si lola papasok. Si lola ay nakakapit sa pinto at iyak nang iyak na nagpupumiglas.

"Jing," sabi sa 'kin ng mama ko, bahagyang hinihingal. "Tulungan mo ko dito sa lola mo."

Nakatayo lang ako doon at hindi alam ang gagawin.

"Jing, ano ba!" sigaw ng mama ko.

"'Wag mo na kasi siyang itali, ma."

Hindi naman 'yan aso. Nanay mo 'yan, ma. Lola ko 'yan.

"'Pag hindi ko tinali baka kung saan na naman magpunta. Mas lalong delikado. Bilisan mo na!"

Napakalakas na ng sigaw ni mama na napaatras na ako. Tapos ay sumunod ako, hinawakan ang kamay ni lola na nakakapit sa pinto, pilit na tinatanggal ang pagkakakapit ng daliri niya doon. Nakabitaw ito at nahila ito ni mama papasok ng kwarto.

Lalong lumakas ang iyak ni lola. Panay naman ang mura ni mama.

"Mga masasama kayo!" sigaw ng lola niya. "Mga masasama kayong tao!"

Tapos ay nanghingi si lola ng tulong kay lolo--patunay na nabubuhay na siya sa ibang panahon.

Nagawa ni mama na hilahin si lola patungo sa kama. Ihiniga niya si lola doon, hawak ang isang kamay ni lola.

"Hawakan mo sa isang kamay, Jing," sabi ni mama.

Nagdadalawang-isip man ako, sumunod pa rin ako. Sumampa ako sa kama para sana hawakan ang isang kamay ni lola. Pero bago ko magawa iyon ay isang malutong na sampal ang ibinigay niya sa 'kin.

"Masama kang tao!" gigil na sigaw niya sa 'kin, dinuro ako. Dahilan para matigilan ako saglit. At mag-init ang mga mata ko.

"Jing, bilis!" sigaw ni mama.

Padarag kong pinunasan ang mga luha ko bago tumulong kay mama na idiin sa kama si lola. May scarf na nakatali sa headboard ng kama, itinali ni mama ang kabilang dulo sa kamay ni lola. Hawak-hawak ko naman ang isang kamay ni lola. Nang matapos si mama ay tinabig niya ako at sinimulang itali din ang isa pang kamay ni lola sa isa pang scarf na nakatali sa kabilang panig ng headboard.

Umalis ako sa kama. Napaatras sa sulok ng silid. Pinapanood si lola na magwala. Alam kong mamaya, may bahagi ng alaala niya ang babalik. Alam kong mamaya, tatanungin na naman niya ako kung bakit namin siya itinali. Sasagutin ko ang tanong niya pero hindi niya naalala ang sagot. Kaya itatanong niya uli. Kaya parang halos maya't-maya siyang sinasaktan dahil sa 'min.

Hindi ko na kinaya ang nakikita ko, nagpunta agad ako sa silid ko. Nagpunta ako sa mesa ko, dumulog doon, sumubsob at umiyak. Umiyak at humiling na sana, mawala sa alaala ko ang hitsura ni lola habang nakatali sa kama. Puno ng takot ang luhaang mga mata. Umiiyak ako na sana, hindi ko maalala ang galit sa mga mata niya nang sampalin niya ako.

Pero mahirap iyon para sa tulad kong hindi nakakalimot.

Kinuha ko ang cell phone ko sa bulsa. Gusto ko sanang tawagan si Bentley, gusto ko sanang sabihan siya ng problema, iyakan siya, pero pilit kong pinigilan ang sarili. Masyado ko na siyang naabala.

Pinunasan ko ang mga luha ko, kinuha ang laptop ko at binuksan. Nagsearch ako ng litrato nina Off at Gun, tinitigan iyon hanggang sa mapalitan ng imahe nila ang imahe ng mukha ng lola ko. Hanggang sa kahit paano ay maisantabi ko ang alaala ni Lola. Kumilos ang kamay ko para gumuhit ng alaalang gusto kong mangibabaw sa isip ko, gusto kong tumakip sa masasakit na alaalang ayaw magpatahimik.

Papii is for Babii (OFFGUN FANFIC/BXB) [COMPLETE]Where stories live. Discover now