ᜂᜎ᜔ᜆᜒᜋᜓᜅ᜔ ᜁᜈ᜔ᜇᜃ᜔。

57 4 3
                                    

nang kumagat ang hatinggabi at niyakap ng kulimlim ang kalupaan ay may kumatok sa abang pintuan ng tahanan ni seulgi. atubili niyang pinagbuksan ang hindi inaasahang panauhin. lumitaw sa kaniyang harapan ang pinakamarikit na binibining kaniyang tinatangi, walang iba kundi si—

"bae joohyun, a-anong maipaglilingkod ko sa iyo?" maumid niyang wika, boses ay unti-unting humihina sa bawat segundong pinagmamasdan niya ang mas nakatatanda. pero ang kaniyang hangal na mga mata'y nanliit na tila ba ay mga gasuklay sa alapaap, isang galak na ngiti ang nalabi sa kaniyang labi.

walang kaimik-imik na pumasok si joohyun sa loob, hindi man lamang sinagot ang musmos na katanungan ni seulgi. tahimik niyang sinundan si joohyun patungo sa teresa. doo'y nahihimbing ang mga luntiang halamang banayad na kinalinga ni seulgi sa nagdaang mga taon.

"hyun–ah, may nangyari na naman ba sa inyo ni seungw—"

sumabad agad si joohyun, kaniyang hintuturo ay nakatabon sa matuksong labi ni seulgi. marahan siyang lumapit sa kinatatayuan ng nakababata, isang di maipangatwirang ekspresyon ang nakaukit sa kaniyang mala–paralumang wangis.

bumulong kay seulgi ang tinig ng mga kerubin, "ngayong gabi, sasayaw tayo sa kumpas ng ating tinitimping pagsinta. hanggang sa bumigay ang ating mga paa— hanggang sa hindi na natin mapanghawakan ang ating nadarama"

tumango na lamang ang walang muwang na si seulgi, mangmang para sa maluwalhating nilalang na si joohyun— mangmang sa pagkasi. daig pa ang kisapmata nang ikirin ni joohyun ang kaniyang bisig sa kaayon-ayong baywang ni seulgi.

— at sila'y umindak.

sa ilalim ng matinag na buwan, noo sa noo at mata sa mata. magkahawak kamay. tanging ang mga tala at kapwa katawang selestiyal ang saksi sa pag-ikot ng kanilang mundo, kung gaano kabaga ang mga sabik na titig— kung gaano kaliyong dumampi ang mayuming labi ni joohyun sa kaniyang kalimbahing pares.

mga matamis na hagkang kanilang ibinahagi sa isa't isa habang umiindak nang matalik. amorosang buklod na lingid sa kaalaman ng masa bukod na lamang sa diyos... kung mayroon man sa mundong ito. kung kasalanan mang ibigin ang isang taong tulad ni joohyun, hindi bale kay seulgi na buong buhay magkasala.

tanging ang kanilang mga umuugong na puso, humahalubilong paghinga at himig ng yapak ng kanilang mga binti sa sahig ng teresa ang kaniyang nadidinggin.

para kay seulgi sapat na ito. pagkaiingat-ingatan niya lahat sandaling nakasama niya ang pinakamarikit na binibini habang siya'y humihinga. habambuhay.

dumanak nanaman ang mga luha mula sa kaniyang hapong mata kasama ng buhos ng ulan...

dahil pagsapit ng haring araw ay lumihis na naman si joohyun sa kaniyang piling.

dahil pagsapit ng haring araw ay magigising na naman siyang mag-isa.

dahil pagsapit ng haring araw ay babalik na naman si joohyun sa kaniyang tunay, dalisay at ultimong iniirog








— at kailanman, hinding hindi iyon  magiging si seulgi.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 17, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

ULTIMONG INDAKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon