Kabanata 2

273 17 1
                                    

Kabanata 2

"SANDALI!" sigaw ni Joanne nang marinig ang sunud-sunod na doorbell galing sa labas ng kanyang apartment. Puyat siya dahil sa dami ng office works na tinapos niya at ngayon sana siya babawi ng tulog pero heto't nabulahaw na siya. "Peste!"

Padarag na bumangon na siya at hindi na nag-abala pang ayusin ang kanyang sarili. Kung sino man ang tao sa labas ng apartment niya, bahala itong matakot sa hitsura niya.

"What?!" asik niya nang buksan ang pinto. Nakangising nakatayo doon ang best friend niyang si Chad.

"Oops, tulog ka ba? Sorry," nakangising anito na halata namang hindi nagi-guilty na nagising siya nito.

"Peste ka!" sikmat niya at pinagbagsakan ito ng pinto.

Pumunta na siya sa maliit niyang sala at narinig niya ang yabag nitong sumusunod sa kanya.

"Sama ng gising mo, ah," puna nito at pabagsak na umupo sa tabi niya.

"Masama talaga ang gising ko dahil kulang ako sa tulog!" nanggigigil na wika niya sa lalaki.

Marahil ay nahalata na nito na badtrip talaga siya kaya nawala ang mapang-asar na ngisi sa labi nito. Napalitan iyon nang masuyo nitong ngiti. "Sorry na, Jo. Akala ko lang gising ka na. Sanay kasi akong gising ka na ng ganitong oras."

"Anong oras na ba?"

"Quarter to eleven."

Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. Mukhang kulang na kulang nga siya sa tulog noong mga nagdaang araw kung ganitong oras na siya nagising. At mukhang hindi pa nga siya magigising kung hindi pa siya pinuntahan nito.

"Ano bang kailangan mo?" tanong niya dito.

"Wala ka namang lakad mamaya, 'di ba? Puwede mo bang sunduin sa airport 'yong mga bago nating boarders?"

Ito ang isa sa mga negosyo ni Chad. Ito ang may-ari ng apartment kung saan siya tumutuloy. Parang boarding house ang apartment na ito. Pwede kang tumuloy kahit ilang linggo o ilang buwan lamang. Bukod dito ay may iba pa itong kinukuhanan ng income.

At dahil dakilang best friend siya ng lalaking ito, libre na ang bayad niya sa pagtira niya sa isang silid dito sa apartment nito. Okay sa parte niya iyon dahil maipangdadagdag niya sa ipon niya ang ipangbabayad niya sana sa upa.

"Saan mo naman napulot 'yang mga darating mong boarders?" kunot-noong tanong niya dito. "At galing pa yata ng ibang bansa!"

Ngumiti ito nang makahulugan. "Kakilala ng kakilala. Anyway, ano? Puwede mo ba silang sunduin?"

Napabuga siya ng hangin. As if naman matatanggihan niya ang isang ito, eh, napakalaki ng utang na loob niya dito. Ito kasi ang naging karamay niya noong...

Napailing siya.

"Huwag ka ng tumanggi, Jo. Please naman, oh."

"Oo na. Huwag ka nang mag-emote diyan. 'Di bagay. Eww."

Pabiro siya nitong kinurot sa pisngi. "Ewan ko sa 'yo. I'll give you the details later, okay? Basta tatlong tao ang susunduin mo. Use my car."

Tumango siya.

"Oo nga pala. Papunta raw sina Kuya Migs dito. May sasabihin raw."

Ang Migs na tinutukoy nito ay ang kuya nito na napangasawa ng Ate Jess niya. Kaya nga naging sobrang close na sila ni Chad dahil parang magkapamilya na rin sila.

"Sure, sure."

Nang makalabas ng apartment niya si Chad ay nag-unat-unat na siya. Mayroon pa siyang ilang oras para mag-ayos ng apartment. Sa sobrang pagka-busy niya sa trabaho ay nawalan na rin siya ng oras para maglinis ng apartment.

Siya ang HR manager sa The Avalanche—isang sikat na kompanya dito sa Maynila na nagpo-produce ng mga games and gadgets sa iba't ibang panig ng bansa. Sa Manila naka-base ang main building ng The Avalanche subalit may mga stalls ito sa iba't-ibang malls at roadside sa buong bansa.

Pinayagan siyang mag-leave ng boss niya dahil santambak na rin ang leave niya. Bihira kasi siyang mag-leave. Pinag-iisipan pa niya kung uuwi siya sa Cebu o mananatili na lang dito sa Maynila.

Simula noong umalis siya ng Cebu at dito namalagi sa Maynila ay hindi na siya bumalik doon. Lungkot, sakit, at panghihinayang lamang kasi ang hatid sa kanya ng lugar na iyon. Pero hindi niya maitatanggi na ang pinakamasayang pangyayari sa buhay niya ay sa lugar na iyon naganap.

Napabuga siya ng hangin. "Don't go there, Jo," aniya sa sarili. Hindi niya gustong maalala ang nakaraan subalit pilit sumisiksik sa isipan niya ang mukha ng isang lalaki. Ang lalaking nagkaroon ng malaking lugar sa puso niya.

Binuksan niya ang DVD player at isinaksak ang USB doon. Isang tinig lamang ang gusto niyang marinig sa mga oras na iyon.

Pabagsak na umupo siya sa sahig at pumikit nang pumainlanglang sa apartment niya ang malamyos na tinig ng lalaking iyon.

We met for seven years
No one knew we would say goodbye this easily
However we still separated
With the memories we built for a long time, now gone.

Sa loob ng pitong taong dumaan, ang mga musika nito ang karamay niya. Pakiramdam niya, kapag naririnig niya ang tinig nito ay magkalapit lamang sila. Pero alam niyang malabo na magkita pa sila. Kuntento na siyang makita ang mukha nito sa malamig na screen ng telebisyon at laptop niya.

Hearing his voice soothed her. Tila ba pinaghehele siya. Pero pagkatapos niyon ay babalot ang sakit sa puso niya. Pero wala siyang ibang masisisi sa sakit at pait na ito kundi ang sarili niya.

His happiness was important than my own.

Napabuntong-hininga siya.

They said saying goodbyes are painful
But I didn't even have time to feel that
I just thought this is the way staying composed
But I cried.

"Will I see you again?" mahinang anas niya sa hangin.

Seven Years Of Love (KRY Trilogy #1) (Published under PHR)Where stories live. Discover now