KABANATA 4

447 31 0
                                    

KABANATA 4

Tahimik kaming nagdarasal nang marinig naming may lalaking sumisigaw sa labas kaya napalingon kaming lahat.


"Ano'ng ginawa niyo sa nanay ko?!" galit na galit na sigaw ng isang lalaki. Nagmamadali siyang pumasok habang hatak-hatak ng kasama niyang babae.


"Tama na Rudy!" sabi ng babaeng nakakapit sa braso ng lalaking pilit hinahatak palayo.


"Pinatay niyo'ng nanay ko! Mamamatay tao kayo!" Wala pa ring tigil sa pagsigaw ang lalaki. Halos manigas na ang panga nito sa sobrang galit.


Unti-unti dumarami na ang mga taong nakikiusyoso. Bulungan sila nang bulungan. Hindi ko dinig kung ano'ng mga sinasabi nila dahil nasa loob kami ng chapel, malapit sa kabaong ni Inang.


Tatayo na sana si Mommy pero pinigilan siya ni Dad. "Dito ka lang. 'Wag mong iwan ang mga bata." Naglakad si Dad palapit sa lalaki. "Huminahon ho muna kayo. Hindi namin alam kung ano'ng mga sinasabi niyo."


"Hindi alam? 'Yang anak niyo raw ang huling nakausap ng nanay ko kagabi!" Tiningnan ako nang masama ng lalaki. "Ano'ng ginawa mo sa nanay ko?! May pinakain ka ba?! Nilason mo ba siya?! Anong sumpa ang binitawan mo?!" Mukhang balak akong sugurin ng lalaki pero pilit pa rin siyang hinahatak ng babaeng kasama niya. Takot na takot na kami ni Enzo kaya niyakap kaming pareho ni Mommy na parang maiiyak na.


"Mommy, what's happening? Totoo po ba 'yung sinasabi niya?" takot na tanong ni Enzo.


"No. Hindi totoo. That guy is crazy. Pati tayong inosente dinaramay."


"Mga kampon kayo ng demonyo! Mamamatay tao! Mamatay din kayo! Mamamatay din kayo!" Nakawala sa pagkakahawak ng babae 'yung lalaki. Mabuti na lang at napigilan siya ni Dad bago pa ito makalapit sa 'min. Itinulak ni Dad 'yung lalaki at napaupo ito sa sahig. Mabilis itong nilapitan ng babaeng kasama.


"Pwede kitang kasuhan dahil sa mga sinasabi mo. Umalis na kayo bago pa 'ko tumawag ng mga pulis para ipadampot kayo," pagbabanta ni Dad sa kanila.


"Salot! Salot!" galit na galit na sigaw ng lalaki habang nakaupo pa rin ito sa sahig. Halos lumabas na 'yung ugat niya sa leeg sa sobrang galit.


"Tama na Rudy. Tama na," nagmamakaawang sabi ng babae.


"Darating ang araw at sisingilin rin kayo ng langit! Mga salot kayo!"


***

Nang dahil sa ginawang eskandalo ng lalaki at dahil na rin wala namang nakikiramay sa amin ay minabuti na ni Mommy na ipalibing si Inang kinabukasan rin. Wala naman kaming kamag-anak na hinihintay dahil sa side ni Mommy, wala na kaming kamag-anak. Sa side naman nina Dad, lahat ng kamag-anak namin ay nasa ibang bansa na. Kami na lang ang nandito sa Pilipinas.


Sa chapel na ginawa ang misa para kay Inang. Tahimik kaming nakikinig habang nagsasalita 'yung pari nang bigla na lang humangin nang malakas at namatay lahat ng apoy ng mga nakasinding kandila. Mabilis naman itong sinindihan uli ng isa sa mga staff ng punerarya na kasama namin. Pero ilang minuto pa lang ang nakalilipas nang mamatay uli ang mga ito nang humangin muli nang malakas.

INANGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon