Chapter 11

3.2K 91 18
                                    

Tahimik lang ang buong byahe at walang nagbabaka sakaling bumasag nito. Ang ingay ng musika sa kanyang kotse ang natatanging nagpapaaliw sa amin. Gusto ko ang ritmo at bawat pagbagsak ng malamyos na musika. Nakakahalina at nakakakalma.

Nang huminto ang kotse ay sinulyapan ko sya. Tahimik lamang nyang hinihintay na maging luntian ang ilaw sa itaas bago nya pinaandar muli.

Maganda ang panahon ngayon. Maaliwalas ang langit at hindi mo kakikitaan ng kaunting ulap. Mataas ang sikat ng araw at sobrang nakakasilaw. Magaan ang daloy ng trapiko ngayon. Wala masyadong mga sasakyan at tanging ang traffic lights lamang ang nagpapahinto sa mga ito.

"Saan tayo tutungo?" Pagbasag ko sa katahimikan.

"Batangas," sagot niya.

Tumango na lamang ako at hindi na muling sinundan ang tanong. Ramdam ko ang pagkaantok ko kahit na kakagising ko pa lamang. Ipinikit ko ang aking mga mata mata at hinayaan na makatulog sa byahe.

Nagising ako sa tunog ng aking telepono. Nang masulyapan ay bahagya akong nalungkot sa nakita ko. Apat na araw na lang pala at matatapos na ang kontrata ko sa kanya. Ang perang ibinibigay nya sa akin ay sapat na upang makabayad sa Mama nya ngunit bahagya akong kinakabahan dahil sa interes ng utang.

Alam ko na ganito palagi kapag may utang. Hindi sila magpapautang kung wala silang porsyento o interes. Hindi iyon makatarungan sa parte nila at bilang isang mangungutang ay alam kong ganoon 'yon.

Hindi ko wari kung ano ang napagkasunduan ni Mama at Mrs. Esquiza pero kapag natapos na siguro ang kontrarang ito ay saka ko pa lamang maaasikaso ang lahat-lahat.

"What are you thinking?" Ani Ethan.

Napalingon ako sa kanya at nangunot ng bahagya ang noo, "Ha?"

"Sabi ko, Anong iniisip mo?" Ulit nya sa lenggwahe naiintindihan ko.

Napatango ako ng paulit-ulit, "Mga kautangan ko," Diretsahan kong sambit.

"Meron ka pa bang hindi nababayaran?"

Oo! Sa Ina mo. Gusto ko 'yan sabihin ngunit sinarili ko na lamang at hindi na sinabi sa kanya. Nanatali akong tahimik lamang habang pinagmamasdan ang dinadaanan. Napatingin ako sa itaas at nakita ang logo ng Starbucks at napatili ako sa sayang nadarama.

"OMG Ethan, bilhan mo ako ng prapi." Sabi ko ng maligaya.

"What??" Takang tanong nya.

Nilingon ko sya habang iginigilid nya ang kotse nya. Nang mahinto ang kotse ay pinagmasdan nya ako. Ang talipandas kong puso ay tumitibok na naman na parang nakawala sa hawla. Pakiramdam ko'y uminit na lamang bigla sa malamig nyang kotse dahil sa pagtitig nya.

Pinagmasdan ko ang pagkagat nya sa pang-ibabang labi nya at paggalaw ng buto nya sa lalamunan dahil sa paglunok.

"Ano ang bibilhin ko?" tanong niya.

Halos takasan ako ng ulirat sa lalim ng boses nya at magarang paggalaw ng baba nya sa pagsasalita.

Tumingin ako sa mga mata nya at napanguso, "Prapi," sabi ko.

"What's that?" Kumunot ang noo nya.

Kinagat ko ang pang-ibabang labi at tumungo, "Yung ininom natin kagabi, prapi."

Kinutkot ko ang kamay ko dahil sa hindi maipaliwanag na pakiramdam. Narinig ko ang magara nyang pagtawa kaya napaangat ang tingin ko sa kanya.

Mangha ko syang pinagmasdan habang siyang-siya ang mukha nya. Ang mata nya'y kumikinang sa tuwa at galak habang ang buto nya sa lalamunan ay sumabay na sa ritmo ng halakhak nya. Lalong lumakas ang tawa nya at hindi napigilan ng sobra. Napanguso ako.

Scorching AvariceWhere stories live. Discover now