Ikasampung Kabanata

249 79 78
                                    

Hunter

Hindi ko namalayan na nakaidlip pala ako kanina. Tahimik na ang paligid kaya sa tingin ko ay tapos na ang ginawang pagpupulong.

"Hunter, mabuti naman at gising ka na. Kung hinahanap mo si Trinity, magkasama silang umalis ni Dylan. Sa palagay ko, gumagawa na naman sila ng milagro, " sambit sa akin ni Blake.

Sa sinabi niyang 'yon ay mariin ko siyang tinignan. Wala akong pakialam kung sino ang kasama ni Trinity at mga sumisiping sa kanya. Sa trabaho lang kami magkasama, hindi sa totoong buhay.

"Ano bang pakialam ko? Umalis ka nga sa aking harapan dahil naaalibadbaran ako sa mukha mo. Baka mapatay kita kapag hindi ako nakapagpigil." Nagtatangis ang aking bagang sa kanya mga tinuran.

Bahagya naman siyang lumayo ng kaunti sa akin at itinaas pa ang dalawang kamay, tanda na sumusuko siya. Inis akong naglakad palabas ng silid at diretsong tinahak ang kusina.

"Tang*na namang bahay 'to. Wala ba silang inihandang pagkain? Marami namang salapi ang samahan subalit simpleng kanin at ulam, wala sila?" naiinis kong sambit at bahagya pang hinampas ang lamesa.

Sa halip na mainis pa lalo ay kumuha na lang ako ng tasa at nag-init ng tubig. Kaagad akong naghanap ng matitimplang inumin at masuwerte namang nakakita ako ng kapeng barako.

"Siguro naman masarap ang kapeng barako rito, kahit 'yon lang. Kumakalam na ang aking sikmura. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, kumain na sana ako ng marami sa bahay ni Karen, " nanghihinayang na sambit ko.

Matapos kumulo ng tubig ay isinalin ko na ito sa tasa. Kumuha ako ng dalawang kutsarang kape at kaagad na hinalo sa tubig. Akmang iinom na ako subalit biglang nagsalita si Benedic.

"Pasado-alas dos na at tirik na tirik pa ang araw subalit nagkakape ka? Bakit hindi ka lumabas at bumili ng makakain?" nagtatakang tanong niya sa akin.

Mariin ko siyang tinignan dahil sa kanyang sinabi. Ang lakas ng loob niyang sabihin na lumabas ako at humanap ng pagkain. Kung ibinili nila ng makakain ang nakukuha naming pera, hindi sana ako nagkakape ngayon.

"Inuutusan mo akong lumabas para bumili ng pagkain? Benedic, matanong lang kita. Saan niyo dinadala ang mga perang pinaghihirapan naming kunin sa mga biktima?" nakangising tanong ko.

Bahagya namang nag-iba ang timpla ng kanyang mukha at tinapunan ako ng matatalim na tingin. Nanlilisik ang mga mata niya at malakas akong kinuwelyuhan.

Nagtatangis ang kanyang bagang na suminghal siya sa akin, "Sino ka sa tingin mo? Sino ka para tanungin ako kung anong ginagawa namin sa pera? Alam mo naman na para ito sa ikatitibay at ikalalakas ng ating samahan, " nanggagalaiting sambit niya sa akin.

Sa halip na makaramdam ng matinding pagkatakot ay nginisian ko na lang siya. Masyadong halata ang ikinikilos niya na sa kanilang luho napupunta ang mga salaping pinaghihirapan namin.

"Benedic, nagsisilbing ulo ng ating samahan. Nais kong ipaalala sa iyo na kung wala kami, wala kang saysay sa mundo. Nagsisilbi kaming ilaw sa madilim mong mundo, " natatawang sambit ko sa kanya.

Hindi na ako nagtaka na mas humigpit pa ang kanyang pagkakakuwelyo at ginawaran ako ng malakas na suntok. Bahagya akong napaatras dahil sa puwersang pinakawalan niya.

Maingat kong hinawakan ang aking labi na siyang napuruhan sa ginawa niyang suntok. Napangisi na lang muli ako nang maramdaman na bahagya itong nagdurugo.

"Nakakaawa ka. Nagpapanggap kang malakas at pilit kaming pinasusunod sa iyong palad ngunit hirap kang tanggapin ang masaklap na katotohanan. Malapit ka ng mawala sa puwesto at sisiguraduhin ko na ako ang papalit sa'yo, " mariing giit ko sa kanya bago hawakan ng mahigpit ang tasa.

Hunter's Mail ( COMPLETED)Where stories live. Discover now