KABANATA 10

2.1K 76 3
                                    

Nakatanaw si Kaira sa papalubog na araw pero katulad ng dati hindi naman siya totoong nakatingin sa kagandahan ng paglubog nito. Pati ang banayad na paghalik ng alon sa kanyang mga paa ay hindi niya alintana kahit pa basang-basa na ang laylayan ng kanyang puting-puting palda.

Milya-milya ang layo niya mula sa Pilipinas ngunit ang nilalaman ng puso niya ay hindi naman naiwanan.

Sa Ihuru Island siya tumakas, isa sa magagandang isla ng Maldives sa Indian Ocean, na alam niyang hindi siya masusundan at makikilala ng mga tao. Isang lugar na paraiso sa kagandahan.

Kahit papaano’y binibigyan siya ng katahimikan ng dagat sa tuwing titigan ang kagandahan ng pagka-asul nito. At ang puting-puting buhangin nakalatag sa kanyang paanan ay sumisindi sa kanyang umaandap na pag-asa.

Tinakasan niya ang nagpi-pyestang press sa kanya dahil lumabag sa kanilang kasunduan ang mga magulang ni Kane na magiging tahimik ang pagdinig sa kanilang kaso. Nakita ng mga ito na matatalo sila sa kaso kaya tinira siya sa media.

Ngunit hindi naman lahat ay salungat sa kanya dahil nabunyag din ang itinatagong lihim ni Kane. Ngunit ang karamihan ay siya pa rin ang sinisisi kung bakit nanumbalik ang dating sakit nito dahil kung hindi sa kanyang makamandag na kagandahan ay hindi magagawa ni Kane ang krimen.

Ngunit hindi lamang ito ang tinatakasan niya mas higit niyang tinatakasan ang nararamdang sakit sa dibdib.

Hinaplos ni Kaira ang itaas na bahagi ng kanyang dibdib kung saan tinamaan ng bala ng baril. Wala na ni isang bakas ng pilat dahil sa surgery.

Mabuti pa ang sugat nagagawan ng lunas dahil sa makabagong teknolohiya ngayon at naitatago ang ano mang pangit tingnan sa paningin pero paano kaya ang sugat sa pagkatao? Naitatago rin ba? O gumagaling din kaya?

Maari nga sigurong itago o gumaling pero kapag maaalala mo kikirot pa rin.

Ikinurap-kurap niya ang mga mata ayaw niyang tumulo ang mga luha niya pero may nakaalpas pa rin. Dagli niya itong pinunasan.

Hindi lamang ang paghanga ng mga tao ang nawala sa kanya dahil sa isang iglap nawala rin ng tuluyan si Nigel sa kanya.

Hindi nga ba’t ilang ulit na siyang sinabihan ni Nigel noon na hinding-hindi ito magpapabitag sa kanyang patibong? Hindi nga ba’t kay Margot na mismo nanggaling na ito na ang nagmamay-ari sa puso ni Nigel?

Sabagay nga noon pa man ay wala na talaga itong pagtingin sa kanya. Di nga ba’t ito parati ang nangunguna noon sa pang-iinis sa kanya dahil noon pa man malaki na ang disgusto nito sa kanya?

Ngayon nga na muling nag-krus ang kanilang landas ay ipinamukha na nito sa kanya na hindi ang isang katulad niya ang makakapukaw sa interes nito dahil mababa ang tingin nito sa kanya. 

Napasigok si Kaira. Pinaghirapan niyang makarating sa kanyang katayuan upang tingalain at hangaan ni Nigel pero lalo lang lumayo ang loob nito sa kanya.

Oh God, ang nais lamang naman niya’y patunayan kay Nigel na hindi siya mahirap ibigin.

Panay ang pahid niya sa luha at itinuon ang pansin sa papalubog na araw upang maalis sa isipan si Nigel.

“Hindi ko akalain na ang isang katulad mo ay magmumukhang inosente sa puting kasuotan. Bagay na bagay sa iyo.”

“Nigel!” nabiglang napatayo si Kaira mula sa buhanginan.

Gusto niyang isigaw na talaga namang inosente siya. Pero ang unang instinct niya ay takbuhin ito at yakapin kasunod ang nananabik niyang halik na tinugon ni Nigel.           

ANG HANGIN AT ANG BUHAWIWhere stories live. Discover now