Simula ng Katapusan

28 2 8
                                    

Sa gitna ng magulong siyudad sa ilalim ng malakas na ulan sa loob ng masikip na dyip kung saan kalahati na lang ng pwet mo ang nakakaupo, nakilala kita.
Sariwa pa sa alaala ko ang panginginig ng mga binti mo at ang mahigpit na pagkapit ng mga kamay mo sa malamig na bakal na nakakabit sa kisame ng dyip.
Puno nang pagkukunwaring sapat na ang kakarampot na espasyong kinauupuan mo.
Bigla mo akong nginitian nang mapansin mo ang pagtitig ko.
Pansamantala akong nalunod sa tamis ng mga ngiti mo.
Hindi ko na napansin ang paglipat mo sa tabi ko gayundin ang mga salitang lumabas sa bibig mo kaya inulit mo ito.

Isang simpleng pagtatagpo sa siksikang dyip sa malamig na gabi ng Oktubre ang siya palang sagot sa hiling ko.
Hindi nasayang ang mga pasko, bagong taon, buwan ng nutrisyon at kung ano ano pang okasyon na pilit kong hinilingan para lang mapakinggan ng nasa itaas.
Tunay nga na sa mga hindi inaasahang pagkakataon sinasagot ng langit ang kahilingan ng puso.
Hindi ko man lubos na maintindihan ang hiwagang bumabalot sa damdaming ito, sumugal ako.
At sa sugal laging may talo.

Ilang taon na rin ang nakakaraan nang tayo'y nagtagpo at tulad ng lahat ng umibig at patuloy na pinipiling umibig, hindi ko inasahan ang ating pagtatapos.
Bigla na lang natuldukan.
Walang pasabi.
Wala.

Hanggang ngayon hinahanap ko pa rin ang sagot sa pagitan ng mga alaalang naiwan mo.
Nagbabaka sakaling may nakaipit na paliwanag na maaaring magbigay sa akin ng kahit na katiting na ideya kung paano tayo nauwi rito pero hindi ko pa rin matagpuan ang mga ito.
Hindi ko pa rin maintindihan kaya babalikan ko ang simula ng ating katapusan.
Hayaan mo akong sariwain ang mga kasinungalingan mo habang sinusuyod ang lahat ng daang tinahak mo maging ang mga mali mong pagliko na dahilan nang pagkaligaw mo at hindi pag-uwi sa piling ko.

Dito Sa Dulo (On Hold)Where stories live. Discover now