Magkasalungat na Dyosa

4K 58 17
                                    

Si Miya ay isang napakagandang Dyosa ng kasiyahan. Habang ang kan'yang kambal na si Lina ay Dyosa ng kalungkutan. Maraming nagkakagusto kay Miya dahil sa taglay niyang kagandahan, kabutihan at kasiglahan. Samantalang walang pumapansin ni isa kay Lina dahil sa kan'yang kawalang gana. Lagi lamang s'yang tahimik at mag-isa sa sulok dahil wala namang nais kumausap sa kaniya.

Ni minsan ay hindi sila nagkasundo sa lahat ng bagay sapagkat laging magkasalungat ang kanilang nais. Ang nais ni Miya ay pangitiin ang mga tao ngunit dahil sa taglay na inggit ni Lina sa kaniya ay lagi niya siyang sinusundan upang sundan ng lungkot ang mga taong kaniyang napasaya.

Isang araw, sa kanilang kaarawan, dumating ang mga kaibigan ni Miya sa kanilang tahanan upang ipagdiwang ang kanilang kaarawan—o mas mabuting sabihin na ipagdiwang ang kaarawan ni Miya. Hindi lumabas ng kan'yang k'warto si Lina sa buong  araw sapagkat nahihiya s'yang wala siyang kaibigan na maaring dumalo at ayaw niyang magmukmok na lamang sa sulok habang nagkakasiyahan ang kan'yang kapatid at ang mga bisita nito.

Naging masaya ang pagdiriwang ngunit hindi niya ito naramdaman. Parang isang pangkaraniwang araw lamang ang dumaan sa kaniyang buhay. Sa inggit niya kay Miya, dahil hindi naman niya makakayang gawin itong malungkot dahil isa itong Dyosa ng kasiyahan, ay ang mga kaibigan na lamang nito ang kaniyang sinundan pauwi upang gawing malungkot ang pagtatapos ng mga araw nito.

Nakita ni Miya si Lina'ng lumabas ng kanilang tahanan kung kaya't nagtaka ito kung bakit ngayon lamang ito lumabas. Sinundan ni Miya si Lina sa pagtataka kung saan ito patutungo. Nalaman ni Miya na sinusundan ni Lina ang mga kaibigan niya na lalong nagpataka sa kaniya. Nakita ni Miya kung paanong pinaiyak ni Lina ang kaniyang mga kaibigan.

Nang pauwi na dapat si Lina ay nakasalubong niya si Miya sa daan at gulat itong tinignan. Hindi man sinasabi ni Miya ngunit alam ni Lina na nakita nito ang kaniyang ginawa. Tinanong ni Miya kung bakit niya ito ginawa sa kaniyang mga kaibigan ngunit hindi pa man ito sumasagot ay tumulo na ang luha ni Lina.

"Masaya ka bang naipagdiwang mo ang iyong kaarawan?" Hindi nakasagot si Miya at lalo itong nagtaka. "Lagi nalang ikaw Miya. Ikaw ang nakikita ng lahat. Ikaw ang paborito ng lahat. At para akong anino sa likod mo na hindi pinapansin." Umamin si Lina na mula pagkabata ay naiingit na siya kay Miya sa pagiging masaya nito. At sa kauna-unahang pagkakataon ay nakaramdam ng lungkot si Miya para sa kaniyang kapatid. Naawa siya rito na isa siyang Dyosa ng kasiyahan ngunit hindi niya magawang pasiyahin ang kaniyang kapatid sapagkat isa itong Dyosa ng kalungkutan.

Ang hindi niya alam ay naging masaya si Lina sapagkat sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niyang naging malungkot si Miya. Isa itong sumpa sa kanilang ina ng Inang Dyosa na kapag masaya ang isa, magiging malungkot naman ang pangalawa.

Lumipas ang mga araw na hindi na muling ngumiti si Miya. Dinamdam niya ang mga sinabi ni Lina sa kaniya. Maraming nagtataka kung bakit hindi man lang ngumiting muli si ang Dyosa ng kasiyahan samantalang naging masiyahin si ang Dyosa ng kalungkutan. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ng mga kaibigan si Lina dahil palagi na siyang nakikihalubilo sa ibang mga Diyos at Dyosa. At sa kauna-unahang pagkakataon ay naranasan niyang ngumiti kasama ang mga ito.

Isang beses ay nakita ni Lina si Miya'ng tulala sa kawalan na para bang napakarami nitong iniisip. Naalala niya ang kaniyang sarili no'ng mga panahong wala siyang makausap. Nahabag siya kay Miya sapagkat alam niya ang pakiramdam ng mag-isa, malungkot at walang makausap.

Batid niya ang sumpa kung kaya't upang matigil na ito ay tumungo siya sa lawa ng luha at nagpakalunod. Ginawa niya ito sapagkat kahit na labis ang inggit na nararamdaman niya sa kaniyang kapatid ay mas nangingibabaw parin ang pagmamahal niya rito. Nais niyang maging masaya ang Dyosa ng kasiyahan at patuloy itong magbigay saya sa marami.

Nakita ni Faye, ang Dyosa na naninirahan sa lawa ng luha ang nangyari kay Lina. Agad niyang itong ibinalita sa lahat ng mga Diyos at Dyosa. Nang kumalat ang balita na wala na ang Dyosa ng kalungkutan ay wala man lang ni isang nagluksa para rito. Naawa ng lubos si Miya para sa kapatid. Kung kaya't imbis na mangyari ang nais ni Lina sa kaniyang pagkamatay ay kabaliktaran ng nangyari. Lalong nalungkot si Miya at labis na nagluksa. Umiyak ito ng umiyak sa mga nagdaang araw. Ang Dyosa ng kasiyahan ay naging matamlay at malungkot.

Sa sobrang lungkot na nararamdaman ni Miya ay nagtungo siya sa lugar kung saan nagpakalunod si Lina. Naiisip niya na kung hindi dahil sa kaniya ay hindi maiisip ni Lina'ng gawin iyon. Lumusong siya sa tubig at sumunod sa Dyosa ng kalungkutan. At sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkasundo ang laging magkasalungat na mga Dyosa.

Simula noon ay nagiging masaya at malungkot na lamang ang mga tao dahil sa kapwa nila tao.

Wakas.

Magkasalungat na Dyosaजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें