Kabanata 4: Balat ng triplets

12.6K 408 24
                                    

Copyright © ajeomma
All Rights Reserved

KABANATA 4

Balat ng Triplets

NAPAWI ANG lahat ng pagod na nararamdaman ni Ofelia nang masilayan ang mukha ng tatlong sanggol na inilagay sa kabilang panig ng malaki at malapad na kama ni Anastacia. Nagluluha ang kanyang mga mata habang pinagmamasdan ang mga munting anghel na hindi niya sukat akalaing makakayang sinuping mag-isa. Ang maliliit na pisngi, ang dunggot ng mga ilong na kitang-kita na pagkasilang pa lang, mga labing maganda ang hugis at animo nakangiti sa kanya. Masayang-masaya ang pakiramdam niya sa kabila ng luhang patuloy na dumadaloy sa magkabilang pisngi. Pakiwari niya'y sa sariling sinapupunan nagmula ang mga ito; sa kanilang magpinsan nanggaling; sila ang nagluwal. Hindi niya alam kung saan nagmula ang lakas at kaalamang mistulang mabuting espiritong sumanib sa kanya. Kung babalikan sa alaala ay baka ikalito na niya. Siya man ay hindi makapaniwalang nagawang tama ang lahat para sa mag-iina. Pinahid niya ang luhang humihilam sa mga mata. Ang matamis na ngiting nakaguhit sa mga labi ay hindi nabubura.

"Napakagagandang bata, mga mukhang anghel! Magkamukhang-magkamukha talaga at walang pinagkaiba. Paano ko kaya matatandaan kung sino sa kanila ang sino?"

Maingat niyang hinawakan ang bawat sanggol, at isa-isang ipinihit na tila sinusuri. Naghahanap siya ng magiging palatandaan upang madaling makilala ang bawat isa. Natitiyak niyang may sari-sariling pagkakakilanlan ang mga ito kahit mistulang pinagbiyak na bunga ang itsura. Nasa gawing dulo ang unang sanggol na lumabas. Matingkad na kulay pula ang sinulid na nakaburda sa baru-baruan nitong suot. Nasa bungad naman ang huling sanggol na inuluwal. Maputlang pula ang disenyo ng sinulid sa suot nitong damit. Ang ikalawang sanggol na ipinanganak ay nasa pagitan ng dalawang katabi. Matingkad sa huli at mapusyaw sa una ang pulang sinulid na nakapalamuti. 

Siya ang nagburda sa laylayan ng mga baru-baruan ng mga ito upang malaman kung sino ang panganay, ikalawa at bunso. Bagama't hindi nagpa-ultra sound ang pinsan, sinabi ng doktor na tatlo ang naririnig na pusong pumipintig sa loob ng sinapupunan nito. Kaya naman para sa tatlo ang inihanda niyang gamit. Hindi nila alam kung lalaki o babae kaya pulang sinulid ang ginamit niya sa pagbuburda ng mga hugis puso sa baru-baruan. Unisex ang mga binili niya upang mapa-lalaki man o babae ay maganda at hindi alanganing tignan para sa tatlong sanggol. Wala siyang narinig na pagtutol mula kay Anastacia. Hindi ito kumikibo at nakatingin lang. Kung nakikinig sa mga sinasabi niya ay hindi niya alam, basta ang importante hindi ito sumisigaw, at lalong hindi siya pinigilan. Siya ang nasasabik, ang aligaga sa pagdating ng tatlong sanggol na alam niyang magpapabago sa takbo ng kanilang buhay, at positibo ang inaasahan niya sa pagbabagong iyon.

Lumapad ang pagkakangiti niya nang matagpuan ang hanap. May birthmark sa magkakaibang parte ng katawan ang mga sanggol, hindi na siya malilito.

"Ikaw si Ate, dahil ikaw ang unang lumabas." Nakangiti niyang turan sa sanggol na may balat sa kaliwang talampakan. Hinaplos niya pa ang paa nito bago muling ibinalik sa pagkakabalot at saka pumaling sa susunod na sanggol.

"Ikaw naman si Ditse, kasi pangalawa kang lumabas." Sabi niya sa sanggol na sikad nang sikad. Natawa pa siya nang gumalaw ang mga daliri nito at kumapit nang mahigpit sa daliri niyang ipinangbubutingting sa kaliwa nitong kamay. May balat ito sa kaliwang pulso. Nakangiti siya ngunit muling namuo ang luha. Pagsamo ang naging pakahulugan sa mahigpit nitong pagkapit sa kanya. 

"H-huwag kang mag-alala Ditse, aalagan kayo ni Ninang, ha?" Pinahid niya ang luha sa mata at dahan-dahang inalis ang daliri sa mga kamay nito. Nakangiti niyang hinarap ang isa pa.

"At ikaw naman, si Bunso." Sabi niya sa sanggol na tulog pa rin kahit binubutingting niya ang katawan. Nasa likod naman ang balat nito.

"Namana ninyong tatlo ang balat ng mama niyo sa kanang hita. Ang hugis na animo mapa, ang laki at ang mamula-mulang kulay ay kagayang-kagaya rin. Nakakatuwa! Magpalaki kayo agad, ha? Huwag magtitigas ang mga ulo niyo. Huwag na huwag niyo akong pahihirapan sa pag aalaga sa inyo. Kawawa naman si Ninang kapag 'di kayo naging good girls. Ipangako niyo 'yan, ha?" Nakangiti niyang sabi na para namang naiintindihan siya ng mga kinakausap.

Anna Marga Rita (Lagim ng Nakaraan) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon