Kabanata 5: Salamat Ofelia

12.7K 432 33
                                    

Copyright © ajeomma
All Rights Reserved

KABANATA 5

Salamat Ofelia

DAHIL TATLO ang sanggol na inaalagaan, kumuha si Ofelia ng makakatulong upang gumawa ng mga gawaing bahay. Hindi niya problema ang pera sapagkat buwan-buwan ay may tinatanggap si Anastacia mula sa mga namayapang magulang. Interes pa lang ng pera ng mga ito sa bangko ay sobra pa para sa pangangailangan nila. Ang atensiyon niya ay itinutok sa pag-aalaga sa mag-iina. Noong wala pa ang tatlong bata ay halos hindi na siya magkandauga-uga, at ngayong may tatlong sanggol na kailangang bantayang maigi ay lalo na siyang kinapos sa oras. 

Ang mga unang buwan makaraang isilang ang triplets ay hindi masyadong mahirap. Puro tulog ang ginagawa ng mga ito. Sinisiguro lamang niyang palaging tuyo at malinis ang mga lamping suot ng mga alaga upang maiwasang magkaroon ng hadhad at impeksiyon. Matiyaga niyang nililinis at niluluto ang ari ng tatlong sanggol sa pamamagitan ng paglalagay ng langis sa palad. Pagkikiskisin ang mga iyon at idadampi sa kaselanan ng mga ito. Maingat niyang hinihilot ang singit, ang mga hita, tuhod, binti, balikat at siko. Nililinisan ang bawat singit-singit ng katawan upang mapanatiling malinis at mabango. 

Pasikat pa lamang ang araw ay nakahanda na siya upang paarawan ang magkakapatid. Salit-salitan niyang kinakarga at ibinibilad. May marka ang petsa sa malaking kalendaryong nakasabit sa dingding ng kanilang silid upang hindi mawaglit sa isip niya kung kailan babalik sa pediatrician na tumitingin sa mga ito. Siya mismo ang nagdikit ng makulay at maliwanag na wall paper sa masters bedroom na gamit nila ng tatlong alaga. 

Sa pinasadyang patungan nakahilera ang mga feeding bottles na araw-araw ay pinakukuluan niya. Nakapaloob ang mga iyon sa mga transparent na lalagyan, upang masigurong hindi magagapangan ng maliliit na insekto, madadapuan ng langaw at maaalikabukan. May malalaking airpot para sa mainit at maligamgam na tubig para sa kanyang mga alaga. Ang lata ng gatas ay nakahanay naman sa bandang ibaba kung saan ang tamang bilang ng takal at taas ng tubig ay nakasulat sa isang maliit na blackboard. Ganoon din ang mga bitaminang dapat ipainom tuwing umaga ay masinop na nakaayos at mga pamahid sa tiyan at likod kapag hapon. Naglalakihan ang mga bulak, alkohol, pulbos, petroleum jelly, sabon, lotion, moisturizer, cologne, baby oil, shampoo, wipes, cotton buds at kung ano-ano pa. May mga baby diapers rin ang mga ito ngunit madalang niyang gamitin. Tuwing gabi lamang, kung lalabas ng bahay at kung mayroon siyang gagawin sa labas ng silid. Para sa kanya'y masasakang ang mga ito at mabababad sa ihi o dumi kung parating naka-diaper.

Buong tiyaga niya ring pinaplantsa ang mga damit, bigkis, supot sa kamay, medyas, bonet at mga lampin ng tatlong sanggol upang tiyaking mapapatay ang mga kwitib o insektong posibleng kumapit sa tela. Sinisiguro rin niyang walang maliliit na himulmol o sinulid sa mga isinusuot na supot at medyas ng mga ito. 

Siya ang personal na naglalaba ng mga gamit ng triplets. Hindi niya hinahayaang mahamugan ang mga damit ng alaga upang hindi sipunin. Payo iyon ng kapitbahay nilang maraming anak na siya niyang sinusunod. Ang katwiran niya'y wala namang mawawala kung gagawin nga ang mga sinabi nito. May mapansin lang kakaiba sa boses, pagkasag at sa balat ng tatlo ay tumatakbo agad siya sa klinika ng manggagamot.  Madalas ay napagtatawanan pa siya ng nurse na naroon dahil mga normal na bagay lamang ay namumutla na siya at natatakot. Maingat niyang pinadidighay ang tatlo gaya ng itinuro ng pedia. Lahat ng bagay na may kinalaman sa tatlong alaga ay intindido niya at kinabisa. 

Minsa'y nangingiti rin siya at naiisip ang tila over acting na pag-aalala. Pero mainam na ang nakasisiguro, 'yon ang katwiran niya. Maliliit pa ang mga ito at hindi pa kayang sabihin o ituro kung ano ang masakit. Isa pa'y natataranta siya kapag umiiyak ang mga ito at ayaw tumigil. At para mawala ang takot at pag-aalala, sa doktor agad ang takbo nila. Mas alam ng manggagamot ang dapat gawin, maituturo sa kanya ang tama. 

Anna Marga Rita (Lagim ng Nakaraan) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon