Chapter 1

381 137 180
                                    

Aoi







Ang buhay ay isang paglalakbay na naglalayon na yakapin ng buong puso araw-araw. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugang palagi kang gumising na nakatalaga na upang sakupin ang araw. Kung hindi mo man nais ang landas na iyong nilalakaran, maaari kang magsimulang maghanda ng isa pa— dahil ang buhay ay isang magandang regalo mula sa ating manlilikha.

LAHAT tayo ay may kanya-kanyang kahinaan, at sa mundong ito, s’werte ka kung ipinanganak kang mariwasa, habang kariwaraan naman naming maituturing ang buhay na kahirapan ang kinamulatan.

Ang sabi ng marami, basta't mayroong propesyon sa buhay ay madaling makaaangat, kasabay nang maraming may kakayanang makapagtapos ng pag-aaral. Ngunit sa panahon ngayon, sigurado ako na basta't may pangarap ka at kung sasabayan iyon ng gawa, sasamahan ng kasipagan at katiyagaan ay p'wedeng maging posible ano man ang mga bagay na imposible. Kahit pa hindi makatuntong ng entablado, suot ang itim na toga— tulad nang pangarap ng marami.

Bata pa lang ako ay namulat na ‘ko sa kahirapan, lumaki akong walang kinilalang ama dahil isang bayarang babae ang ina ko— noon.

Base sa mga naririnig ko.

Kung hindi ako nabuo dahil sa isang naging kostumer nito nang gabing pumayag siya na may mangyari sa kanila, hanggang ngayon ay maayos sana ang pamumuhay ni nanay, hindi sana ito natigil sa bagay kung saan siya masaya at hindi rin ito nagkasakit sa baga na nakuha niya nang magkaroon siya ng depresyon simula nang matigil ito sa trabaho niya.

Pumayag ang inay noon para sa malaking bayad nang sinasabi nilang ama ko, dahil nangailangan ang bunsong kapatid nito nang pangpa-hospital noong magkasakit ito. 

Si Toyang Jera. Pinagsama ‘yung Tito at Tiyang. 

Masaya ang Toyang sa gano'ng tawag ko sa kanya, dahil kahit lalaki raw ang itsura niya ay pang babae naman ang puso na mayroon siya.

Nakasanayan ko na rin tawagin siya sa gano'ng pangalan kaya ayos lang din, dahil para sa akin ay nasa puso ang totoong kasarian. Iyon ang pinaka importante, dahil walang araw na hindi pinaramdam sa akin ni Toyang kung gaano niya ako kamahal. Sa katunayan, siya ang nag-alaga at nagpalaki sa akin simula nang isilang ako ni inay. 

Noong una ay hindi ko pa maintindihan kung bakit, pero nang magkaroon ako ng sariling isip, doon ko nalaman at madaling naunawaan kung bakit siya ang gumawa ng gampaning dapat ay ang nanay. Iyon ay dahil— galit ito sa akin. 

Hindi lang pala galit, kundi galit na galit.

Mula nang mamulat ako sa mundong ito, walang araw akong hindi nakatatanggap ng sumbat mula sa sarili kong ina. Sa babaeng nagluwal sa akin sa mundong ito. Dahil ako ang sinisisi nito kung bakit nagkanda letse-letse ang buhay niya simula nang ipinagbuntis niya ako. 

'Malas ka!’
'Wala kang k'wenta!’
'Dahil sa 'yo, nasira ang buhay ko!’
'B'wisit ka!’
'Kahit kailan ay hindi kita matatanggap, dahil katulad ka ng ama mo na walang bilang sa mundo!'

Iyon ang mga salitang madalas niyang sabihin sa akin, sa tuwing mahahagip ako nang dalawang pares niyang mga mata.

Noon, wala akong ibang magawa kundi ang manahimik habang umiiyak nang hindi pa ako sanay sa trato nito sa akin, pero ngayon ay halos tingnan ko na lang siya sa tuwing magagalit ito dahil naiintindihan ko siya kung bakit.

Hindi ko alam, pero siguro nga ay tama si Toyang sa k’wento nito patungkol sa dating kasintahan ni nanay noon na sobrang mahal na mahal niya, pero nang malaman niyon ang tungkol sa akin ay iniwan siya nito.

Kaya hindi ko siya masisisi kung hanggang ngayon ay mainit ang mga mata nito sa akin, siguro nga ay may kanya-kanya lang talagang kapalaran at gampanin ang bawat isa sa mundong ito at ang akin— habang nabubuhay ako ay wala akong ibang gagawin kundi ang intindihin at tanggapin ang lahat nang galit niya sa akin. Dahil ano man at sino man ito, siya lang ang dahilan kung bakit mayroong ako. 

Sublimation Where stories live. Discover now