Chapter 3

244 131 168
                                    

Aoi






MAIMIS na kapaligiran, sariwang hangin, puro, at maayos na mga tao ang sa aki’y nakapalibot. Ibang-iba, kaysa sa atmospera na mayroon sa loob ng aming tahanan, iyon ang aking pakiramdam kapag narito sa lugar na itinuturing kong pangalawang tahanan. Dito, sa Carpio’s band café.

Nakatayo ako at nakatingin sa kawalan habang dinadama ang preskong hangin malapit sa entrance ng CBC. Maya-maya lang ay bahagya akong napaigtad, nang biglang may tumawag sa akin. Agad ko ‘yong nilingon, sapagkat mabilis kong nakilala ang pinanggalingan ng tinig na iyon. Maging kung paano ako nito tawagin sa aking pangalan.

"Ms. Awie, pasensya na,” sabi niya habang papalapit sa akin. “Nakaiistorbo ba ako sa ‘yo?” tanong niya.

Mahina akong tumikhim saka diretsong tumingin sa kanya. 

“Hindi naman,” tipid ko siyang nginitian. “May kailangan ka ba?” dagdag ko.

Ngumiti siya sa akin.

“Wala, Ms. Awie. Sasabihin ko lang sana na hinahanap ka sa akin ni Ma'am Van, baka kasi may kailangan sa 'yo,” mahinahon niyang imporma sa akin. “Ang sabi ko ay naka-break ka, puntahan mo na lang siya,” dagdag pa niya.

"Gano'n ba— okay sige, salamat,” muli ko siyang nginitian matapos kong sabihin iyon, pagkatapos ay tumango siya sa akin saka tumalikod para bumalik sa loob.

Siya si Calvin. Nauna ito sa ‘kin na magtrabaho rito sa CBC. Hindi ko lang sigurado kung gaano na siya katagal dito, dahil hindi kami nakapag-uusap nang matagal. Maliban kay Kuya Axel na mas nauna sa amin ay siya lamang ang lalaki na nakikita kong nagdu-duty o nagtatrabaho rito. Hindi ko alam kung bakit, pero tila may lihim yata na pagkamuhi si Ma’am Vansha sa mga lalaki?

Bahagya kong ipinilig ang aking ulo dahil sa ‘king naiisip. Sige, Aoi. Husga pa more . . . 

Makapasok na nga lang.

Huminga ako nang malalim saka inihakbang ang aking mga paa. Hindi na 'ko magtatagal dito sa labas, dahil thirty minutes naman na akong narito. Ewan ko ba, pero simula nang payagan kami ni Ma'am Van sa area na ito ay dito ko na nakasanayang magpalipas ng oras sa tuwing magbi-break time ako. Ang presko kasi ng hangin at tunay na napakaganda nang tanawin, nakagagaang sa pakiramdam at kahit na mag-isa lang ako ay hindi ako nakararamdam nang pagkainip.

Nang makapasok ako sa loob ay agad na bumungad sa akin ang mabangong aroma na dala ng iba't ibang uri ng kape. Simula nang magtrabaho ako rito ay hindi pa rin nagbabago ang nadatnan kong halimuyak sa lugar na ito. Sobrang consistent at nakaka-relax.

"Skinny Mocha for Mr. D!" anunsyo nang baristang si Kuya Axel na mula sa counter. 

Nagmadali ako sa aking pagkilos nang mapansin ko na tila walang iba na lumalapit sa kanya, para kunin ang tray kung saan nakalagay ang order ng isang customer. 

Papalapit na sana ako sa counter, nang bigla kong naramdaman na tila may mainit na lunaw na bumuhos sa aking braso at dibdib na lubos kong ikinagulat dahil sa pagbangga ng isang magandang babae na hindi pamilyar sa akin.

"Awie!” rinig kong sigaw ni Kuya Axel. 

Gustuhin ko man na lumingon sa kanya ay hindi ko magawa, sapagkat hindi ko maialis ang tingin ko sa babaeng nasa harapan ko dahil sa hindi maipintang mukha nito.

"Ano ba ‘yan, tatanga-tanga ka naman!” hiyaw niya sa akin, kasabay nang pagtikwas ng isang kilay nito.

Nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi niya. Gulat na gulat at takang-taka ako dahil ako na ang binangga niya, pero kung umasta siya ay para bang kasalanan ko pa ang nangyari. 

Sublimation Where stories live. Discover now