Episode 30: The Lethal Situation

30.4K 744 244
                                    

HUMAMPAS ang malamig na hangin sa mukha ko. Kasabay ng panlalamig ko dulot niyon ang panginginig ko dahil sa matinding kaba. Kusang pinagpawisan ang mga palad ko. Matindi ang panghihina ng mga tuhod ko.

Natuliro ako.

Pero agad iyong napalitan ng pagkataranta nang makita ko si boss. Ngayon ay naglalakad na siya patungo sa lalaking iyon. Nakakuyom ang dalawang kamao. Nakikita ko ang ugat niyon. Handa na siyang umatake.

Agad ko siyang sinundan. Mangiyak-ngiyak, sinubukan ko siyang pigilan. Hinawakan ko ang kanyang braso. Pero malakas siya. Nagawa niyang tabigin ang kamay ko. Sinubukan ko uling pigilan. Pero ganoon pa rin ang nangyari. Madali niya lang akong naisalya papalayo.

Natigilan na lang ako. Nanatiling nakatayo, pinanood ko siyang lumakad papalayo sa akin . . . papalapit sa kanyang panganib. Hanggang sa napatakip na lang ako ng bibig nang hugutin na niya ang baril mula sa kanyang likuran . . .

"You fucking stop right there or I will shoot you to death."

Ngayon, isa akong saksi sa kung papaano naging nakakatakot ang awra ni boss. Kung papaano, naging estranghero siya para sa akin.

Sa ginawa ni boss ay napahinto iyong lalaki. Humarap siya sa direksyon namin. Hanggang sa nanlaki ang kanyang mga mata, kusa niyang naibagsak ang sako sa lupa. Nagtaas siya ng dalawang kamay.

"P-Po? B-Bakit po?!" Nanginginig ang boses ng lalaki. Gumulong ang mga buko mula sa sako.

Hindi siya si Chan . . .

Mabagal na ibinaba ni boss ang kanyang baril. Walang ano-ano niyang tinalikuran ang lalaki. Nagtama ang mga mata namin. At mula doon, kitang-kita ko ang lungkot na sumasalamin laban sa suplado niyang mga kilay.

Napalunok ako ng laway.

Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa dahil hindi si Beatrice ang inakala kong nasa sako. O, patuloy na magpakain sa kaba dahil sa mga oras na ito, hawak pa rin ni Chan ang kapatid ko. Nasa panganib pa rin siya sa kamay ng demonyong iyon.

Napaiyak na lang akong muli.

Natulala.

Patuloy na nanlamig.

Hanggang sa . . .

"That fucker!" Sigaw ni boss. Namumula ang mukha niya sa galit.

Agad akong lumingon sa direksyon kung nasaan nakatuon ang mga mata niya. At doon, nakita ko ang isang sasakyan na lumabas mula sa likuran ng convenience store.

Nakabukas ang bintana niyon.

Nandoon si Chan.

At nakakalokong nakangisi ang demonyo sa aming dalawa.

Hour Three

"Do whatever it takes to take that bastard down!" ani boss mula sa sasakyan. Ngayon ay kausap niyang muli iyong kausap niya sa cell phone kanina lang.

Napuno kami ng tensyon. Maliban kay boss, lahat kami dito sa loob ng sasakyan ay para bang paralisado sa pagkabigla. Walang nagsasalita. Walang umiimik. Iyong tila bang nakakamatay ang magsalita. Iyong parang walang sino man sa amin ang may lakas ng loob para magsalita ng kung ano-anong magpapalakas sa loob ng isa't isa.

Nang iritadong ibinaba ni boss ang kanyang cell phone ay nanatili ang matalim niyang mga mata sa daan. Ngayon kasi ay tinatahak na namin ang daan papunta sa pinakaliblib na lugar ng probinsya. Hinahabol namin sina Chan. Kitang-kita ko ang kotse niya sa harapan ko.

The Lucky Fan (Self-Published Under Talking Pages)Where stories live. Discover now