Panimula

30 1 0
                                    

Majarlica: The First Story

~*~

Tahimik na tumuntong sa entablado ang matandang Cesar Diosdado. Sa kaliwang kamay ay hawak niya ang tungkod pambalanse sa paralisadong bahagi ng kanyang katawan, sa kanan ay kitang akay siya ni Lucan Martem, ang middle child sa pamilya at nag-iisang babae sa kasalukuyang henerasyon. Makikita naman sa likod ng matanda ang pagbuntot ng kanyang dalawang lalaking anak, sina Lucco (lu-cho) at Lucian, ang panganay at bunso.

"Mabuhay Maestro Cesar Diosdado! Mabuhay Majarlica!" bati ng lahat sa buong mag-anak.

Tunay ang kasiyahan sa mukha ng lahat; mula sa puso ang masiglang pagbati ng mga Binhi, ang mamamayan ng bayang Majarlica. Magkakaiba man ang kulay ay mayroon silang pagkakaisa, buo ang tiwala't paggalang para sa matandang Maestro at para sa mga pinili nitong maglingkod bilang miyembro ng Konseho.

Nang makarating sa gitnang bahagi ang Maestro Cesar Diosdado ay inalalayan siya ni Lucan Martem sa pagyuko at pagbibigay pugay sa harapan ng mga estudyanteng Binhi. "Mabuhay mga Binhi! Mabuhay Majarlica!" ganting bati nito matapos tumugon sa paggalang ng mga estudyante. Pagkatapos ay naglakad na palayo ang mag-ama mula sa mikropono. Nagtungo sila sa kabiserang mga upuan na nakalaan para sa kanilang pamilya, katabi nila ang ang isang dosenang Konseho.

"Maupo ka na lamang, Papa," ani Lucan Martem sa ama. Tumango lamang ang matandang Cesar de Vuenevo (vu-we-ne-vo) bago naupo habang ang lahat ay nanatiling nakatayo.

Pumainlalang naman sa pandinig ng lahat ang musika para sa hymnal march ng Majarlica at ang lahat ay masiglang isinabay rito ang taos-pusong pagkanta.

Ang bayang Majarlica ay ipinangako

Malaya mula sa gulo ng mundo

Ito ang lupaing masagana, perpekto

Ito ang lupaing maligaya, makatao

Ito ang lupaing nag-iisa sa puso ko

Kung lilingunin ang nakaraan, may ngiting magpapasalamat ang mga Binhi sa kanilang mga ninuno. Hindi nagkamali ang unang henerasyon, ang kanilang itinanim ay mayroong bungang mapakikinabangan at pinakikinabangan ng mga sumunod sa kanila. Tama rin ang desisyon ng mga naunang Binhi nang lumipat sila sa lupaing ito at itinatag ang Majarlica.

Ayon sa kwentong nasa libro ng kasaysayan, naitatag ang Majarlica 30 taon matapos ang ikatlong digmaang pandaigdig. Nagsimula ito bilang isang akademya na naglalayong magbigay ng libreng edukasyon at tirahan para sa mga batang edad isang araw hanggang 18 taong gulang na inulila ng kasakiman at digmaan. Nang dumating ang era of Technological Warfare ay nagsimulang umusbong ang mumunting komunidad sa loob ng akademya. Mula sa noo'y isang paaralan at dormitoryo ay napalago ito patungo sa pagkakaroon ng mga karagdagang gusali upang mapunan ang pangunahing pangangailangan ng mga refugee. Naipatayo ang mga gusaling pamilihan, klinika, poultry farm at lilim para sa mga hayop, at dagdag pang gusali para sa mga silid-aralan at dormitoryo. Ang sobrang lupain ay nagsilbing taniman ng halaman, gulay, palay at mga namumungang kahoy, pastulan para sa mga kalabaw, kabayo, baka, karnero, at kambing. Nagsimula ring magtalaga ng mga opisyal na bubuo sa Konseho bilang kaagapay ng Maestro Patriyarka sa pagpapatakbo at pagkontrol ng sistema sa loob ng Majarlica.

Ngunit sa kabila ng lahat ng mga tagumpay at paglagong nabanggit, tila kulang pa rin ang seguridad na nakalaan para sa mga Binhi. Humiling sila ng dagdag na pisikal na proteksyon nang walang itinatayang buhay ng kahit na sinuman sa kanila. Matapos pag-isipang mabuti at ang pagkakaroon ng sapat na supply ay nagdesisyon ang Maestro at ang Konseho na ipatayo ang Murus, ang dakilang pader ng kalayaan at pagkabuhay – makalipas ang isang dekada ay natapos ang unang hanay ng mga pader nito. Nagbunyi ang mga Binhi; ang mga biktima ng digmaan ay labis na nagalak at marami ang naiyak sa tuwa. Isang kakaibang bayanihan ang nangyari upang maipatayo ang unang hanay ng mga pader at proteksyon para sa umusbong na komunidad ng mga refugee, at isa iyon sa mga tagumpay nilang nakatala sa libro ng kanilang kasaysayan. Isang tagumpay na hindi kinailangan ng digmaan kundi siya lamang pagkakaisa nilang lahat.

Cool Stories I Tell My FriendsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon