Panimula (lolo)

669 19 4
                                    





Sa probinsya ng Iloilo ako isinilang. Namulat na walang mga magulang at lolo't lola ko ang kinagisnang mga magulang.

Sa paaralan, palagi akong tinutukso. Putok sa butas, lumabas sa kawayan at kung ano-ano pa pero dahil isa lamang akong bata, wala akong ginawa kundi ang umiyak nang umiyak. Wala naman akong laban sa kanila dahil totoo naman e.

Iniwan ako ng mama ko sa mga magulang niya. Labin isa silang magkakapatid. Ang lolo ko ay nagtutuba at sikat na barbero sa aming bayan. Ang lola ko naman ay sa bahay lang at paminsan-minsan ay nagbebenta ng kangkong sa palengke para may pera.Ang bahay namin ay parang may pinturang pula ang dingding. Mahilig mag nganga ang lolo ko tapos kapag dumura, sa dingding lang, ganun.

Hindi kami nawawalan ng ulam dahil masipag ang lolo kong maghanap buhay. Kuripot ang lola ko. Iyong kapag humingi ako ng baon, hahabulin pa ako ng pamalo kaya pumapasok ako sa paaralang umiiyak na nga, wala pang baon.

Naalala ko nga noon, puro tuyo at dilis ang ulam ko. Kapag may okasyon sa paaralan, special na ang itlog. Sinasara lang namin ang bintana kapag lunch time na.

Naranasan ko ring pumasok na sira ang tsinelas.

Wala akong bagong damit at luma ang mga bestida kong sinusuot kapag magsimba. Likas na maka-Diyos ang pamilya ko lalo na ang mga tao sa amin. Kapag Linggo, walang tao ang bahay sa umaga dahil lahat ay nasa simbahan.

Hindi naman maiwasan ang bully sa church. Mayroon ding mayaman na may masasabing hindi maganda sa damit ko.

Nasa star section ako kahit na hindi naman matalino.

Ang lolo ko, maraming barya 'yan sa pitaka kaya nagnanakaw ako. Halimbawa dalawang piso kaya may baon ako. Hindi naman niya malalaman dahil walang pakialam sa barya at minsan ay lasing pa. Sa bayan naggugupit ang lolo ko kaya kapag umaga, sabay kami. May bike siya kaya pinapasakay niya ako. Ang sarap ng ulam ko kasi bumibili siya sa tindahan ng lutong ulam. Pero dahil nga barbero siya, minsan nasusugatan din ang daliri ko ng blade o labaha kapag mangalikot ako sa bag niya.

Naalala ko noon, kapag tanungin ako kung sino ang parents ko o ano ang parents name ko, palagi kong sinasagot ang pangalan ng grandparents ko.

Pero sadyang malupit ang mundo, may kaklase akong nagsabing "lolo mo naman 'yon eh, hindi mo tatay."

Umiyak ako. Siguro dahil kahit na ilang beses kong sinabing matatag na ako, nasasaktan pa rin ako. Hindi iyon makalimutan.

Ang kwento ng mga tita ko, umalis daw si Mama at pumunta sa Maynila tapos hindi na nagparamdam. Pumunta raw ang tunay kong papa sa bahay kasama ang mga kapatid para magpakasal sila ni mama pero si mama ang may ayaw.

Mula noon, sinabi ko sa sarili ko na hindi na ako magiging katulad niyang tatakbo sa lalaki at iiwan na lang ang anak sa ibang tao. Ayaw ko nang ganun. Hahanap ako ng lalaking handa akong panindigan kapag lumaki na ako.

Ang saya namin sa bahay. Naalala ko noon, wala kaming kuryente at nakikinood kami sa kapitbahay. Mabait naman sila sa amin. Paborito ng lolo kong artista ay si John Lloyd at si Sharon naman sa babae. Tuwang-tuwa talaga 'yon. Kaya nang magkaroon na kami ng kuryente at bumili ang tito ko ng karaoke, sobrang saya namin. Pero ganun nga talaga ang buhay, paunti-unti silang nagsialisan at nakipagsapalaran sa Maynila kaya kami na lang ang naiwan sa bahay.

Kapag mag-isa ako sa bahay, hinahanap ko ang lolo ko. Kung wala sa ibabaw ng niyog, nasa gilid lang siya ng fishpond namin, namimingwit para may maiulam kami. Nakikita ko sa kanya kung gaano kahalaga ang fishpond na iyon. May kangkungan at puno ng tilapia kaya ito ang naging sandigan namin kapag walang ulam. Kangkong, suso, gabi, labong at tilapia.

Ang lola ko ay manghihilot o manggagamot. Family tradition na iyon. Naalala ko, kapag may magkasakit, dinadala nila ang damit kay nanay tapos kung ano-anong sinasabi niya tapos nilalagyan ng luya.

Pero totoo nga yata ang kasabihan na kapag manggagamot, may kapalit. Isa sa pinakamaganda niyang anak ay nasiraan ng bait. May maliit na kubo siya sa gilid ng bahay at inaalagaan na lang namin. Madalas siyang maghubad at nagsisigaw. "Nay, makaon na ko nay!" (nay kakain na ako nay!)

Minsan nakakahiyang magpapunta sa bahay kaya hindi kami nagpapapunta ng bisita. Ni wala ngang pumupunta na kaklase ko sa bahay dahil nahihiya ako. Alam naman ng mga tao e.

I did everything para mapasaya ang lolo't lola ko.

Grade 4. Mabilis ako sa Math. Iyong sagutan ko yung 100 items na minus, divide, times at plus sa loob ng 1 minute, ako ang pinakamabilis sa klase namin. May pa-kontes na ganoon kaya ang saya ko dahil hindi man ako honored student pero alam kong mananalo ako. Nape-perfect ko iyon.

Hindi ko alam kung malas nga lang ba talaga ako o ano. Pinalitan iyon ng Da-mAth. Basta parang Dama na parang chess tapos add, minus ganun. Syempre hindi ako ang pinanlaban. Malay ko ba don.

Mula noon, isinumpa ko na ang Math. Sorry sa Math lovers, na-depress lang ako.

Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko hanggang sa grade 6, napasama ako sa top 8 sa fourth grading. Sa wakas, mapapaakyat ko ang lolo't lola ko sa stage ngayong graduation.

Pero dumating ang nakakalungkot na balita. Hanggang top 5 lang daw ang bibigyan ng ribbon kaya iyak ako nang iyak. Ngayon na nga lang napasama sa top 10, malas pa.

After ng graduation, nahospital ang lolo ko. Bata pa ako, hindi ko alam kung bakit basta lumaki ang tiyan niya. Ilang araw lang siya sa hospital tapos pinauwi rin ng doktor.

Kwento nang kwento ang tita ko. Sabi niya kinakausap daw ni Tatay ang nurse at sinasabing gusto rin niyang maging nurse ako kaya natatawa na lang ako. Ang taas kasi ng pangarap ng lolo ko. Hahahaha.

Mahal ako ng lolo ko. Wala akong naalalang pinalo niya ako kahit na tido kastigo ang mga anak niyang lalaki sa kanya. Sabi nila, mas mahal pa raw ako ng tatay nila. Siyempre apo at ako ang bunso. Kwento nga nila noong pinuntahan ako ni papa, sabo raw ng lolo ko, "magkamatayan na tayo pero hindi ninyo makukuha ang apo ko."

Palagi rin niya akong ginagawan ng saranggola. Well, kilalang magaling sa saranggola ang lolo ko. Kapag may makita ang taong lumilipad na malaking saranggola, alam nilang sa lolo ko iyon.

April 4 ng madaling araw, nasa kwarto ako at sa labas ang lolo ko. Nagising ako sa iyak ng tita ko. Sabi niya wala na raw si tatay. Wala naman akong luha. Tinitigan ko lang siya.

Kinaumagahan, ibinalita na nila sa buong bayan na wala na nga ang tatay ko. Wala na ang lalaking nagmahal at nagtanggol sa akin. Wala na akong nakikitang tao na umaakyat sa puno ng niyog para sa tuba at wala nang nakaupo at namimingwit sa gilid ng fishpond namin para may maiulam kami. Wala na akong nanakawan ng barya para may pambili ng Muncher o Safari kada recess. Wala nang magpapasakay sa akin sa bisiklita at gagawa ng napakagandang saranggola. Wala nang bibili sa akin ng ice buko at velvet.





----------------------Itutuloy-------------------











Kung Hindi Ngayon ang PanahonWhere stories live. Discover now