Chapter 9

2.2K 154 23
                                    

Tadeo's Answer

Ilang ulit kong hiniling na makita kung hanggang saan ang sukdulan ng sakit na mayroon si Tadeo. Kung anong klaseng mga kilos ang magagawa niyang gawin na hindi naaayon sa kagustuhan niya. Ngunit ngayon na nakikita ko na, hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman. Sa isang simpleng bagay lang katulad nang pagkuha ng damit na susuotin niya ay pahirap na sa kaniya.

"It's fine, Tadeo. Ako na," pag-ako ko sa ginagawa niya.

Kung tama ang bilang ko, higit limang minuto na kaming ganito. Siya na kukuha ng damit gamit ang kanang kamay habang ang kaliwa naman ay aagawin at ibabalik sa pinaglalagyan. Nanatili lang akong nakatayo sa gilid niya, pinagmamasdan siya dahil gusto kong makita kung alin ang nakakapagod pagdating sa pag-aalaga sa kaniya. Hindi ko pa lubos na maintindihan sa ngayon at hindi ko rin masukat kung dapat ko rin bang maramdaman ang mga bagay na dahilan nang pag-alis ng mga nauna na sa akin. Marahil ay dahil na rin sa kasisimula ko pa lang kaya hindi ko pa magawang maramdaman ang pagod na kanilang unang naramdaman.

O siguro dahil hindi ko pa lang talaga mahanap ang dahilan kung bakit parang ang bilis naman nilang sumuko imbes na ang intindihin ang kalagayan ni Tadeo. Gusto kong patunayan sa sarili ko na nagkakamali lang sila. Ngunit mas lumalamang sa akin ang kagustuhan na patunayan kay Tadeo mismo na mayroon pang pag-asa. Gusto kong buhayin ang namamatay na lakas ng loob na mayroon siya. Gusto kong buksan ang mga mata niya sa nga bagay na hindi niya nagagawang makita dahil nabulag siya ng konseptong pabigat siya at pahirap sa iba.

Masyado pang maaga para magsalita ako ng tapos. Ayokong umabot sa punto na lulunukin ko rin ang sariling mga salitang binitawan ko. Ngunit higit na ayokong biguin ang taong higit na nangangailangan ng suporta ko, at ng iba pang taong nakapaligid sa kaniya. Dahil kung hindi namin sisimulan ngayon, kailan pa namin mararating ang bagay na gusto namin para sa kaniya at sa buhay na masasayang kung mananatili siya rito at nag-iisa?

"Sir Theo asked me again to help you shave. Okay lang ba?" maingat na tanong ko.

Kung tutuusin hindi ko na kailangang magtanong. Kaso pagdating kay Tadeo ay parang kailangan kong maging maingat sa lahat ng kilos na gagawin ko.

"Will you be okay?" tanong niya pabalik sa akin.

"Bakit naman hindi?" natatawang tugon ko. "Kukuha lang ako ng razor sa baba. Mabilis lang ako."

Hahakbang na sana ako paalis pero hindi ko magawang igalaw ang mga paa ko. Nanatilig akong nakatingin sa kaniya habang ibinabalanse ang dapat na gawin. Kung ang iwan na ba siya o ang mas unahin ang tulungan siya sa pagbibihis.

"Hindi kita sasaktan, Clementine," may bahid ng lungkot na sabi niya sa akin.

Mabilis na kumurba ang ngiti sa mga labi ko para payapain ang kalooban niya dahil mukhang mali ang interpretasyon niya sa matagal na pagkilos ko. Sa huli, napagdesisyunan kong humakbang palapit sa kaniya na siyang dahilan nang pagsasalubong ng dalawang kilay niya.

Muli ko siyang nginitian habang paunti-unting lumalapit. Nang sa tingin ko ay sapat na ang distansya sa pagitan namin na kung susukatin ay lalagpas lang ng kaunti sa isang dangkal, iniangat ko ang dalawang kamay ko para magawa ko siyang maitulak paupo sa kamang naroon.

"Wait lang," paalam ko matapos ay mabilis na tumalikod para kuhanin ang damit niya na kanina niya pang pilit na kinukuha. Inilapag ko 'yon sa gilid niya sa maayos na paraan. "Kung kaya mo, do it on your own. Pero kung hindi at nagpasaway na naman ang kamay mo, wait for me. Huwag mong ipilit kung ayaw at huwag mo ring pahirapan ang sarili mo. Okay?"

Hindi ko agad natanggap ang tugon na inaasahan ko. Nanatili lang siyang nakatingin sa akin na para bang napakahirap unawain ng mga sinabi ko gayong simpleng utos lang naman 'yon.

A Manacled Patient (Rare Disorder Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon