FIVE

1.7K 63 16
                                    

Maaga akong gumising kinaumagahan. Nakangiting naggayak at nag-ayos ng sarili para sa pagpasok. Hindi ko maiwasang magalak sa pag-iisip na magkikita kaming muli ni Andrea.

Hawak ang susi sa aking kamay ay nilaro-laro ko iyon habang naglalakad papasok ng eskwelahanan. Gano'n nalang ang pangungunot ng aking noo nang nakakita ng maraming ambulansya sa labas ng gate.

"Ano'ng nangyari?" bulong ko sa aking sarili at marahan na nagpatuloy sa paglalakad.

"Phoebe!" humahagos na salubong ng isa kong kaklase sa akin.

Kunot-noo ko naman siyang tiningnan.

"Si Andrea," aniya.

Pakiramdam ko ay binuhusan ako nang malamig na tubig sandaling narinig ko ang pangalan ng aking kaibigan sa bibig niya.

"A-Ano'ng mayroon kay Andrea?" tanong ko habang pilit pinapatatag ang aking boses.

"Wala na si Andrea, Phoebe. Tumalon siya sa itaas ng building. Nagpakamatay si Andrea, Phoebe," dire-diretyo niyang saad.

Awtomatiko akong napasalampak sa lupa. Pilit isinisiksik sa aking tainga ang mga narinig. Garalgal akong tumawa at umiling.

"H-Hindi... Hindi iyan totoo. Hindi niya ako iiwan," ani ko at tahimik na napaluha.

Agad niya akong dinaluhan at hinaplos ang aking likod ngunit pilit ko siyang itinaboy.

"Nagsisinungaling ka lang. Masaya kami kahapon. Magkasama pa kami kahapon," nahihirapan kong wika.

Nakuha ng isang padaan na stretcher ang aking atensyon. Gamit ang nangangatog kong tuhod at tumayo ako at sinundan iyon patungong ambulansya.

Gano'n nalang ang matindi kong pag-iling sandaling nilipad ng hangin ang kumot na nakatabon sa ibabaw ng taong nakahiga.

"Andrea..."

Tuluyan na akong napahagulhol ng iyak sandaling isinakay siya sa ambulansya. Pakiramdam ko ay hindi lang siya ang nawala kun'di pati ang sarili ko.

Hindi... Hindi maaari. Huwag mo akong iwan.

"Phoebe, tahan na," naaawang alo sa akin ng ilan kong kaklase ngunit tulad kanina ay itinaboy ko sila at nagtatakbo paalis.

Narinig ko ang pagtawag nila sa akin pero hindi ko nagawang intindihin. Tumakbo lang ako nang tumakbo, hindi alam kung saan ang patungo. Ang naramdaman kong saya sa loob ng tatlong araw ay napantayan ng sakit ngayong umaga.

Hawak ang huling ala-ala na iniwan sa akin ni Andrea ay nagtungo ako sa bahay na binili niya. Nanghihina kong ipinasok ang susi sa segundura ng pinto at binuksan.

Napaluhod ako sandaling tumambad sa akin ang kabuuan niyon. Kumpleto ang mga kagamitan ay may ilan ding litrato sa dingding kung saan magkasama kaming dalawa.

"Bakit? Bakit mo ako iniwan, Andrea? Alam mong ikaw lang ang mayroon ako," tumatangis kong usal.

Nanatili ako sa gano'ng posisyon bago tuluyang pumasok sa bahay. Inilibot ko ang aking paningin sa aming litrato hanggang sa matigil iyon sa lamesa kung saan may isang papel na nakapatong doon. Lumapit ako ro'n at saka iniangat ang sulat.

Phoebe,

Kung nababasa mo man ito ngayon ibig sabihin ay tuluyan na akong sumuko. Pasensya kana, Phoebe kung iniwan kitang mag-isa sa malungkot na mundong ito. Ngunit huwag kang mag-alala dahil aalis akong masaya. Masaya sa bawat memorya nating dalawa. Gusto kong magpasalamat sa 'yo dahil nanatili ka sa tabi ko sa kabila ng hindi ko magandang imahe. Alam kong nagtataka ka rin sa mga litrato ko na kumalat noon, alam kong hinihintay mo ang kwento ko kaya pasensya na kung dito ko nalang maidadaan iyon. Phoebe... I am sexually harrassed by my father. Hindi ko magawang ikwento sa 'yo dahil alam ko rin ang bigat ng pinagdadaanan mo.

Sorry, Phoebe. I want to stay with you. Gusto kong sabay nating makuha ang mga pangarap natin sa buhay ngunit masyado na akong lubog sa impyernong pinagdadaanan ko. Inaabuso ako ng ama ko at hindi man lang ako nagagawang paniwalaan ng aking ina. Marumi ang tingin sa akin ng lahat ng tao. Kaya nagpapasalamat ako na nasa buhay kita, Phoebe.

Mahal kita, bilang kaibigan at kapatid. Tuparin mo ang pangako mo sa akin ha. Huwag kang susuko katulad ko. Hanggang sa muli, Phoebe.

Andrea.

Napaupo ako sa sahig at napaiyak nang malakas sa nabasa kong sulat niya. Hindi ko maiwasang sisisihin ang sarili ko na hindi ko man lang nagawang pansinin ang mga pinagdadaanan niya.

Patawad, Andrea. Patawad kung hindi kita naisalba sa pagkakalunod mo.

"Ipinapangako ko, Andrea. Kukuhanin ko ang hustiya para sa 'yo." Umiyak ako at niyakap ang huli niyang sulat para sa akin.

Hanggang sa muli, kaibigan.

~END~

TWO DROWNING HEARTS (Oneshot) ✅COMPLETEDWhere stories live. Discover now