Kalinga

691 31 0
                                    







Peterpan ang aking pangalan. Sa edad na 6 na taong gulang, iniwan ako ng aking mga magulang dito sa isang tahanang puro bata ang nakatira. Roommate ko si Maria, ang pinakamagandang bata rito sa bahay-ampunan. Mahal na mahal ko siya dahil palagi kaming naglalarong dalawa. Minsan sabay pa nga kaming pinapalitan ng diaper ng aming tiga-alaga. Ang ibang batang narito ay palaging nakahiga sa kama at ang iba ay naman ay gumagala sa labas.

Nalungkot ako nang paggising ko ay hindi ko na nakita si Maria dahil may umampon na sa kanya. Araw-araw akong nag-aabang pero hindi na siya bumalik pa.

Palagi kong inaabangan na bisitahin ako ng aking mga magulang pero ni anino ay wala. Bakit ang iba, madalas namang binibisita rito tapos may dalang pagkain at laruang maliit na bola? Hindi ba ako mahal ng aking mga magulang at iniwan na lang nila ako rito? Wala bang may gusto sa akin at hanggang ngayon ay nandito pa rin ako? Gusto kong palaging may kakwentuhan pero ayaw nilang makipag-usap sa akin kaya ginuguhitan ko na lang ang malaking kalendaryo na nakasabit sa dingding para malibang. Masama bang humiling sa Maykapal na sana minsan ay maranasan ko rin na mahalin ng aking ama't ina?

Isang araw, dumating ang pinakamasayang yugto ng aking buhay. Matapos ang mahabang paghihintay, binalikan ako ng aking mga magulang, sina Pedro at Petra. May dala silang pasalubong sa akin. Ikinuwento ko sa kanila kung gaano ko kamahal si Maria at kung gaano ito kabait sa akin pero nakikita kong hindi sila natutuwa kaya napayuko ako.

"Uuwi na kami," paalam ni Petra na nagdulot ng kirot sa aking dibdib. Napatingala ako sa malaking orasan dito sa kwarto. Labis akong nangungulila sa kanila pero wala pang isang oras ay aalis na naman sila.

"H—Hindi ba ninyo ako isasama?" garalgal ang boses na tanong ko. "H—Hindi ba ninyo ako mahal?"

Kailangan daw nilang magtrabaho kaya hindi rin nila ako maalagaan sa bahay. Laylay ang balikat na hinatid ko sila sa pintuan tapos mahigpit na niyakap. Sinubukan kong magmakaawa ulit para isama na nila ako pero muli akong nabigo.  Siguro masyado na akong pabigat sa kanila kaya wala akong magawa nang talikuran na naman nila ako.

"G—Gusto ko lang naman kayong makasama eh," pabulong na sabi ko at bumalik sa kama.

Napasulyap ako sa lumang litrato namin ni Maria sa ibabaw ng mesa. Inabot ko ito at masuyong hinaplos saka pinakawalan ang nangingilid na mga luha.

"Mahal kong Maria," bulong ko at humagulgol sa pag-iyak. Hindi na babalik ang mga batang umalis dito lalo na si Maria dahil nasa libingan na sila.

Pinahidan ko ang aking mga luha at dali-daling tumungo sa bintana habang hawak pa rin ang litrato namin ni Maria. Hinawi ko ang puting kurtina at dinungaw sina Pedro at Petra na sumasakay sa itim na sasakyan. Kung pwede ko lang sanang maibalik ang panahong malakas pa ako at inaalagaan ko pa silang magkapatid. Napatingin ako sa papalubog na araw habang yakap ko ang litrato naming mag-asawa. Naalala ko na ganito rin ang eksena ilang dekada na ang nakalipas . . . noong panahong iniwan ko rin dito sa home for the aged ang aking ama't ina!















A/n:

Life is a cycle....

Peter Pan syndrome





One ShotsWhere stories live. Discover now