Nene

370 15 2
                                    



Ako si Nene. Second year college sa CPU sa kursong BSN. Patay na si Papa bago pa man ako isinilang kaya tiyahin ko na ang nagpalaki sa akin dahil nangibang bansa si Mama. Isa lamang siyang yaya sa Kuwait pero dahil solong anak, lumaki akong sunod ang layaw. Madalas na tumatawag si Mama sa akin pero nakakainis lang dahil nakikita kong kinukulit siya ng kanyang alagang bata na kasing-edad ko lang din. Madalas pa itong nakakalong at yumayakap kay Mama kaya mula noon, madalang ko na lang siyang kinakausap. Isang beses lang siyang nakapagbakasyon at mahigit sampung taon na siyang hindi nakauwi.

Lumaki akong malayo ang loob ko kay Mama at malapit naman ang puso ko sa aking tiya kahit na kay Mama nanggaling ang perang pinanggagastos namin sa pang-araw-araw.

Natuto akong magbarkada, nagkaroon ng karelasyon hanggang nabuntis ako kaya napilitang umuwi si Mama para lang pagsabihan ako.

"Sino ka para pangaralan ako?" galit na tanong ko. "Bakit? Sa tuwing magkasakit ako, nadiyan ka ba? Kapag ba pinapatawag ang mga magulang sa paaralan, ikaw pa ang naroon? Nasaan ka noong graduation at kaarawan ko? Wala, 'di ba? Habang inaalagaan mo ang anak ng iba, naisip mo bang kailangan ko rin ng kalinga  ng isang ina?"

Sa sobrang galit, isinumbat ko na ang sama ng loob na kinimkim ko sa  mahabang panahon. "H—Hindi ko kailangan ng pera kundi kailangan ko ang isang ina!"

"P—Pero napakabata mo pa para maging ina," luhaang sabi niya. "K—Kung may pagkukulang man ako, hayaan mong punan ko iyon. P—Pero sana maunawaan mo na nagsasakripisyo ako para mabigyan ka ng magandang kinabukasan. A—Akala mo lang masaya ako sa ibang b—bansa pero hindi. G—Gabi-gabi wala akong p—pinapanalangin kundi ang makasama ka at mayakap bago ako matulog."

"S—Sinungaling!" umiiyak na sabi ko. "Kung mahal mo ako, sana gumawa ka ng p—paraan na makauwi sa tuwing kaarawan ko o mahalagang okasyon sa buhay ko!"

Pinahidan ko ang aking mga luha at napahawak sa sinapupunan. "P—Papalakihin ko ang supling na ito at ipinapangako kong hindi ako magiging kagaya mong sarili lang ang iniisip!"

"Anak, sobrang hirap magpalaki ng batang walang katuwang sa—"

"Tumahimik ka!" bulyaw ko. "S—Sana si Papa na lang ang nabuhay! S—Sana siya na lang ang narito! S—Siguro masaya pa ang buhay ko at baka hindi pa niya ako iiwan! S—Sana pinalaglag mo na lang ako noon kung ganito lang din ang magiging buhay ko!"

Nakita ko ang labis na paghihinagpis sa kanyang mga mata pero binalewala ko iyon at patakbong lumabas ng bahay pero sa hindi inaasahang pagkakataon, may kotseng paparating at nasagasaan ako.

Nawalan ako ng malay at nang magising ako, nasa loob na ako ng ICU.

"M—Mama . . . " mahinang usal ko pero kagaya ng dati, si Tita ang nasa tabi ko. Malamang, bumalik na naman siya sa ibang bansa at ang rason ay para maipagamot ako at maibigay ang pangangailangan ko.




------------


Dalawang taon na ang nakalipas, namatay na ang aking tiyahin dahil inatake sa puso.

Malungkot na pinagmasdan ko ang aking anak na natutulog sa kuna. Pinahidan ko ang aking mga luha at lumapit sa matalik kong kaibigan.

"I—Ikaw na ang bahala sa aking anak," humihikbing saad ko at hinawakan ang maletang kagabi pa nakahanda.

"Mag-ingat ka roon," sabi niya at mahigpit akong niyakap.

"Oo naman, b—basta videocall tayo palagi ha," sabi ko at lumayo sa kanya. Ayaw kong lumingon dahil baka humagulgol na naman ako.

Dahil sa hirap ng buhay at hindi ko kayang bilhin ang gatas at gamot niya lalo na't isa akong dalagang ina, makikipagsapalaran ako sa ibang bansa.

Mag-isa akong tumungo sa airport. Malungkot na napatingin ako sa aking ticket at passport.

"Nene? Ikaw na ba 'yan?"

Napalingon ako sa babaeng tumawag sa akin.

"Ninang!" bulalas ko at niyakap siya.

"Aba, mag-a-abroad ka na rin pala. Kumusta ka na? Ang laki mo na ah. Pasensya ka na kung hindi ako nakauwi dahil hindi ako pinayagan ng amo ko sa Hongkong," paumanhin niya.

"H—Hongkong?" ulit ko. "Sa Hongkong ka na po ba?"

"Matagal na. Buti at natagalan ng mama mo ang amo naming sadista. Tumakas na ako noon pero sa kasamaang-palad, hindi ko nasama ang ina mo," sabi ni Ninang kaya natigilan ako.

"S—Sadista?" wala sa sariling ulit ko na naman.

"Siya nga pala, balita ko mabibigyan ng parol ang iyong ama," sabi ni Ninang kaya mas lalo akong nagtataka. "Sana habambuhay na makulong ang hayop na 'yon sa bilangguan!" gigil na sabi niya at nagkwento pa.

----------





Wala sa sariling napatingin ako sa baba habang papalipad na ang eroplanong aking sinasakyan. Napahawak ako sa dibdib ko at hindi na napigilan ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Kaya hindi nakakauwi si Mama dahil kinukulong siya sa bahay at hawak nila ang passport niya.

"M—Mama . . . " usal ko habang hawak ang gitna ng aking dibdib at pinakiramdaman ang pintig ng puso ng aking ina na nasa aking katawan. Ang puso niyang nagbigay ng pangalawa kong buhay matapos akong masagasaan noong huling araw naming pagkikita. Ngayon ko lang din nalaman ang katotohanang ang aking tunay na ama ay ang lolo kong nasa kulungan. Sa edad na onse anyos, naging isang siyang dalagang ina dahil ginahasa ng sariling ama. "P—Patawad, Mama," paumahin ko pero huli na ang lahat.



*Nakulangan si Ako. Tamad na akong mag-edit eh.  Hahaha*



One ShotsWhere stories live. Discover now