Capítulo Siyete

109 4 1
                                    


ANG PAGSAKSI


SIGURADO AKO sa nakita ko. Hindi ako namamalik-mata, lalong hindi ako puwedeng magkamali. Totoo iyon, totoong nangyari ang kaganapang iyon sa akin kahapon. Tangina! Kailangan ko na talagang umalis dito!

Wala na akong pakialam sa pakay at dahilan ko kung bakit ko pinaunlakan ang paanyaya sa akin ni Iblis na pumunta rito. Ang mas importanti sa akin ngayon ay ang makaalis at makalabas dito nang hindi nalalaman ng manggagamot. Sinubukan ko kasing magpaalam sa naturang babae kaninang umaga, pero hindi niya ako binigyan ng pagkakataon na magsalita. Basta ang sabi niya sa akin, huwag daw akong magkamaling baliin ang napagkasunduan namin.

Iba ang pakiramdam ko. Malakas ang kutob ko na may mangyayaring masama sa akin kapag hindi ako sumunod sa usapan. Subalit ayaw ko namang magtagal pa ng isang araw dito. Aalis ako. Sa ayaw man o sa gusto ni Iblis. Bahala na!

Tinignan ko ang oras matapos kong iligpit ang mga gamit at inilagay ito sa loob ng aking backpack. Alas-nuebe kuwarenta y dos pa lang ng gabi. Sigurado akong gising pa ang manggagamot kaya mas mainam na manatili muna ako sa loob ng kuwarto, at balikan muna sa isipan ang pasikot-sikot patungo sa pintuan doon sa may likuran.

Nasa ganoong kalagayan ako nang muntikan ng malaglag sa kinauupuang kama. May narinig kasi akong kalabog sa may pintuan ng aking kuwarto. Dagli akong tumayo, at mahigpit na hinawakan ang busol ng pinto. Tangina! Ano 'yon?

Nanlaki ang mga mata ko, at nahagit ang hininga nang sunod kong narinig ang tila mabangis na ihip ng hangin na sumasampilong sa kabilang panig ng pader. Naiharang ko nang wala sa oras ang sariling katawan sa pinto nang may tila pilit na bumubukas nito. Ano'ng nangyayari!

Halos madaos-os na ako sa sahig sa kakapigil ko sa pinto. Kaya halos manghina rin ako nang kumalma na ang paligid. Mura ako ng mura habang hinahabol ang hininga. Hindi ko kasi lubos maisip kung saan nanggaling ang malakas na hangin na iyon gayung nasa loob kami ng mansion. Impossible pa sa lahat ng impossible na magkakaroon ng bagyo sa loob.

Ilang hugot-buga muna ng hininga ang ginawa ko bago ako tuluyang nakapagdesisyon na tignan ang labas. Atras-abante ako bago makahakbang palabas ng kuwarto. Gamit ang ilaw ng cellphone, tinahak ko ang madilim na pasilyo.

Ano'ng ibig sabihin nito! hindi mapigilang tanong ng aking sarili. Wala kasi akong nakitang danyos kahit man lang isang pinto ng isa sa mga kuwarto na nasira o di kaya naman ay nabukas. Tila ba walang napakalakas na hangin ang dumaan sa buong lugar. Impossible!

Lukot ang mukha ko nang magtangkang bumalik sa sariling kuwarto. Ngunit bago pa man ako makatalikod, may napansin ako sa pinakadulong silid dahilan upang mas lalong lumukot ang aking mukha. May nakita kasi akong silahis ng liwanang na nagmumula roon at tila bulto ng isang tao.

Ayaw ko sanang i-check. Ngunit malaking parte ng sarili ko ang rinding-rindi na makita kung ano ang nasa silid na iyon. Kaya kahit halos hindi ko maihakbang ang mga paa dahil sa pag-aalinlangan, nagawa ko pa ring lumapit.

Subalit ang distansya sa pagitan ko at ang pinto ay hindi pa bastante upang masilip ang loob. Kaya hinubad ko na ang suot na tsinelas at inilagay sa aking dibdib. Muli ay magaan at dahan-dahan akong humakbang, ikinubli ang sarili sa pader, at pilit na kinokontrol ang mabilis na paghinga.

"H-huwag... p-po."

Dagli akong kumilos nang marinig ang mga katagang iyon mula sa nanghihinang boses. Sumilip ako, at nakita ko ang nakatalikod sa akin na si Iblis.

"Ito'y kailangan at sa inyo'y isang karangalan. Magiging parte kayo ng panibagong bukas sa kamay ng napiling ngayon sa 'ki'y 'di na makakatakas."

Humakbang si Iblis palayo sa kausap, at doo'y halos malagutan ako ng hininga sa nakita. Natutop ko ang bibig. Lumuwa ang dalawang mata ko, at nanlata ang aking mga binti.

H-hindi!

Ang inaakala kong mga pasyenteng may seryosong karamdaman ay wala ng mga buhay na nakahilera sa nagmistulang paanan ng isang malaking altar. Lahat ng mga ito, maliban sa isa na naghihingalo na rin, ay putol-putol ang mga parte ng katawan. Wakwak din ang mga tiyan, at nagsilabasan ang mga kolor biyoletang bituka at iba pang lamang-loob. Bumaligtad ang sikmura ko, ngunit nang makita ang mga ulo ng mga pasyente, halos mawalan ako ng bait. Durog na durog ang mga bungo ng mga ito na parang walang humpay na pinukpok ng maso.

Hindi! Hindi! Hindi!

Nanginginig ang buong katawan ko. Gusto kong tumakbo paalis, ngunit hindi ko magawang gumalaw sa aking kinaroroonan. Umalis ka na rito, Sacred! Umalis ka na!

Tuluyan akong nasemento sa kinatatayuan nang napunta sa akin ang tingin ng naghihingalong pasyente. Lumuluha ang mga mata niya ngunit bakas doon ang gulat at takot nang makita ako. Ibinuka niya ang bibig, at pilit iginalaw ang ulo.

"Alis! Alis! Alis!" Iyon ang nababasa ko sa kanyang bibig.

"Ngayon ay susunod ka na sa iyong mga kasama," entrada ni Iblis na kakabalik lang mula sa sulok. May bitbit itong malaking masong nababalot ng dugo.

Iling ng iling ang pasyente habang pinapanood ang demonyong manggagamot na itinaas ang metal na hawak.

H-huwag... Huwag! sigaw ng utak ko.

"Ito na ang pagtatapos ng iyong paghihirap," dagdag pa ng hayop.

Bago pa nagkawasak-wasak ang ulo ng pasyente ay nagawa pa nitong sumigaw sa akin, "Umalis ka na!"

Dahilan upang mapalingon sa akin ang demonyong manggagamot. Ngising-ngisi ito nang makita ako na para bang nasisiyahan na nasaksihan ko ang kademonyohan niya.

"Oh, ikaw pala, Sacred. Halika at samahan ako rito."

Sa sinabi niyang iyon ako tila nagising. Mabilis akong umatras nang makitang palapit na siya sa akin.

"D-demonyo!" sigaw ko. "Demonyo ka!"

Tumalilis na ako ng takbo kahit hindi ko na halos maramdaman ang mga paa dahil sa panlalambot at pamamanhid ng mga ito. Namimigat ang dibdib ko, at halos kapusin na ako ng hangin.

"Saan ka pupunta?"

Napatili ako nang nasa harapan ko na siya, hinaharangan ako.

"Hindi ka makakatakas, Sacred." Tinangka niyang hawakan ako kaya sinapok ko siya gamit ang cellphone na hawak ko. Halos madurog ang mga buto ko sa daliri, at namundi naman ang screen ng aking aparato.

Muli akong tumakbo nang hindi nalalaman kung saan patungo. Madilim ang buong lugar kaya kung saan-saan ako nababangga at nadadapa. Ramdam na ramdam ko man ang sakit at hapdi sa iba't-ibang parte ng katawan ko, hindi ko na iyon inintindi pa.

"Sacred."

Impit akong sumigaw habang tumatakbo pa rin nang walang sapin sa paa. Kahit paghinga ko ay halos pigilan ko na huwag lamang niyang marinig kung nasaan na ako.

"Nasaan ka na, Sacred?" mapanudyong tawag sa akin ni Iblis na umalingawngaw sa buong mansion.

Nilabanan ko ang sindak at napaluhod na. Hindi ko na kaya. Masyado ng masakit sa likod, tagiliran, dibdib, at lalamunan ang paghinga. Ngunit kailangan kong umalis! Kahit ikamatay ko pa, gagawin ko makaalis lamang dito!

Tahimik akong napamura, at napadaing nang iginalaw kong muli ang katawan at gumapang.

"Narito ka lang pala. Kanina pa kita hinanap."

Gumuho ang mundo ko nang maaninag ang pigura ni Iblis sa aking harapan.

"Pinahirapan mo pa ako, ha."

Nagtangka akong manlaban at magpumiglas nang may kung ano siyang hinampas sa aking ulo dahilan ng kusang pagpikit ng aking mga mata. Ngunit bago pa man tuluyang nanlabo ang pandinig ko, rinig ko pa ang huling sinabi niya sa akin.

"Sa wakas ay magagampanan mo na ang iyong tungkulin bilang aking napili, Sacred."

La Confesión De Un Libertador Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin