Capítulo Onse

25 2 0
                                    


ANG BABAENG NAKAPUTING BALABAL


PUMASOK AKO kinabukasan sa unibersidad. Lahat ng mga nakakasalubong ko ay nakatingin sa akin. Iisa lang din ang ekspresyong mababasa sa kanilang mga mukha, at iyon ay ang pakikiramay sa akin na kulang na lang ay maiiyak na sa awa. Mabuti na lang talaga at alam kong totoo ang nakikita ko sa kanila dahil kung hindi, sila ang pagbubuntonan ko sa inis na nadarama kanina pa man doon sa bahay.

Hindi pa man tuluyang nagising ang katawan ko, gising na gising naman ang diwa ko dahil sa ingay na gawa ng mga awtoridad sa labas ng aking tinitirhan. Kung tutuusin, kayang-kaya ko silang patahimikin, pero ang alam kong paraan ay masyadong madali.

Ayaw ko man, napilitan akong humarap sa mga police at medya kanina. Sinagot ko ang lahat ng mga katanungan nila, at binigay ko rin ang gusto nilang makuhang impormasyon na maaaring makakatulong daw ’di umano sa kanilang imbestigasyon. Hindi naman sila nagtagal, maliban sa babaeng nakaputing balabal kanina. Hindi ko makita ang mukha niya, hindi ko rin marinig ang iniisip niya. Lalong hindi ko maamoy kung ano siya, tao ba o ano.

At iyon ang ikinabahala ko lalo na no’ng bigla na lamang siyang naglaho, naging isa ng hangin. Tila ba mayroon din siyang kakayahan na mayroon ako ngayon.

“Sacred?” Napakurap ako nang may tumawag sa akin. Nang makita ko kung sino ay bahagyang nagsalubong ang dalawang kilay ko. Kilala ko ang mukha niya, pero hindi ang pangalan.

“Hindi na naman ako naalala nitong si Sacred. May ikapagtataka pa ba roon?”

Bumuntonghininga ang babaeng sigurado akong kaklase ko- dahil ito naman palagi ang katabi ko sa upuan- saka napakamot sa kilay.

“Jay Ann Barrete, ’yan ang pangalan ko,” anito. “Tara, sabay na tayo papuntang classroom. Kanina ka pa tinitignan ng mga kaiskuwela natin, eh.”

Nauna na siyang maglakad. Tahimik naman akong sumunod nang matigilan din kaagad. Pinagmasdan ko ang likod ng kaklase kong nagngangalang Jay Ann. Doon ay nakikita ko ang badha ng negatibong enerhiya mula sa kanya na siyang nagpaangat sa gilid ng aking labi.

“Sacred?” Muli siyang humarap sa akin. “Hindi ka ba naaasiwa sa mga titig nila sa ’yo?”

Umiling lang ako. Alinlangan naman siyang tumango bago muling naglakad.

Pagdating sa silid-aralan ay kanya-kanya namang lapit sa akin ang aking mga kaklase. Lahat sila ay nagparating ng kanilang pakikiramay sa akin. Kamuntik ko na ngang matanong sa kanila kung sino sa dalawang natitira kong pamilya ang namatay. Mabuti na lamang talaga at naalala ko rin kaagad.

“Siya na naman?” bigla ay bulalas ng katabi ko, si Jay Ann, kaya napunta sa kanya ang tingin ko na nakatoon lang sa ballpen na hawak ko. Bakanteng oras kasi kaya walang propesor.

“Ano ang sabi mo?” pag-uulit ko. May nginuso naman siya sa labas ng bintana kaya sinundan ko ito ng tingin. Ang babaeng nakaputing balabal!

“Kanina ko pa siya nahuling nakatitig sa ’yo. Hindi ko lang muna pinaalam dahil akala ko, alam mo at nararamdaman mo, at hindi mo lang pinansin.”

Naningkit ang mga mata ko, at hindi kalauna’y napatiim din ng bagang. Ngayon ko lang natanto na kaya siya pamilyar dahil siya ang kaparehong tao na nakatitig din sa akin noong mga nakaraang buwan. Gaya ng kinatatayuan niya ngayon ay doon din siya nakatayo noon.

La Confesión De Un Libertador Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon