III

1K 59 15
                                    

ᜁᜃᜆ᜔ᜎᜓᜅ᜔ ᜃᜊᜈᜆ
Ikatlong Kabanata

Isang araw pa lang ang nakakalipas, nabalot na malalakas na hagulgol ang buong kagubatan. Nakahilera ang mga bangkay ng mga mamamayan ng namayapang si Dakum. Gabi ang oras ng pagpaslang sa kanila, at wala pang impormasyon kung paano sila dinala rito. Dugo ang nagsilbing kulay ng damuhan. Lubos na nagdadalamhati ang mga kaanak ng mga namaalam.

"Pinuno, hindi pa rin po namin matukoy kung sino salarin. Kailangan pa namin ng oras upang tukuyin kung sino talaga ang may gawa nito," ani ng isang lalaki na nakabihis hukbo. Bakit ko nga pala 'to isinugo upang imbestigahan ang pangyayari kung wala naman itong sapat na pinag-aralan?

"Hindi pa ba sapat na ebidensya ang nakita niyong mga butas sa kanilang mga leeg? Kinagat sila ng isang bampira. Marahil isang tao lang ang naiisip kong may kagagawan nito," sabi ko sa kaniya.

Tao nga ba talaga yung taong tinutukoy ko?

"Mahirap pong sabihin na ang pinunong si Tarim ang may kagagawan nito, kamahalan. Maaaring may iba pa pong nilalang na gumawa nito sa kanila, o may iba pang bampira na nakapalibot dito sa ating lupain na hindi natin alintana. Kailangan pa po natin ng matibay na dahilan upang tukuyin kung sino ang salarin."

Napahinto ako sa sinabi ng kawal na ito. Napabilib niya ako sa kaniyang sinabi. Kung sabagay, may punto siya.

"Sige. Bibigyan ko kayo ng oras para pag-isipan ang bagay na iyan, pero huwag sanang humantong na maulit pa ang pangyayaring 'to hanggang sa maubos tayo ng nilalang na hindi pa natin nalalaman," saad ko sa kaniya at tinignan siya ng mariin sa mata. "Kaya kong maghintay, pero oras din ang kalaban natin. Binibigyan natin ng pagkakataon ang salarin na 'to para sugurin tayo kung kailan niya gusto."

"Magtiwala po kayo sa amin, kamahalan. Ipapatawag po namin ang mga may matataas na antas ng karunungan upang mas mapadali ang misyong ito."

"Nararapat lang," saad ko at agad na nagtungo palayo sa kaniya upang lapitan ang mga bangkay.

Idiniin ko ang aking panga. Pinipilit kong magmukhang matapang sa harap ng mga tao, kahit sa loob-loob ko ay nangangamba ako na baka pati ako ay patayin din ng pumaslang sa kapatid ko.

Nangangamba rin ako na baka ubusin niya kami. Sa bilang ng limampung bangkay, hindi namin alam kung hanggang saan umaabot ang uhaw ni Tarim. Bukod pa sa mga natamong kagat ay may sugat din ang mga ito sa iba't ibang parte ng katawan na waring mga kalmot kaya tumatagas ang dugo sa kanila.

Nanginginig ang aking mga kamay. Sinusubukan ko itong pigilan ngunit nakikisabay ang malakas na pagtambol ng aking dibdib.

Aparo, tulungan mo 'ko. Hindi ako kasing galing mo mag-isip. Kailangan ko ang iyong karunungan, dahil kahit isang desisyon ay walang pumapasok sa aking isipan.

Bakit ba kasi humantong ang lahat sa ganito?

Nakaramdam ako ng matinding pagyakap mula sa aking likuran.

"Ayos ka lang?" tanong sa'kin ni Kiron habang nakadantay ang kaniyang baba sa aking balikat.

Napabuntong-hininga ako.

"Hindi ko alam, Kiron. Mahirap sabihin na nahihirapan na agad ako, samantalang wala pa akong nagagawang progreso," sagot ko.

"Kung kailangan mo ng tulong, handa 'kong tulungan ka," aniya.

Napangiti ako sa sinabi niya.

"Hindi na. Kaya na namin 'to," sabi ko at unti-unti kong kinalas ang kaniyang yakap. Humarap ako sa kaniya. "Ako dapat ang maging responsable sa lahat ng pangyayaring 'to."

Pangil Ni Tarim [MxM, SPG]حيث تعيش القصص. اكتشف الآن