Kabanata 62

166 11 0
                                    

"Napadali ang paggising niya kaysa sa inaasahan ko." kasalukuyang sinusuri ni Ada Eowyn ang kalagayan niya.

Parang matutunaw ang puso ko nang sandaling magmulat siya at nakita kong muli ang abuhin niyang mga mata. Matapos niyang sambitin ang pangalan ko'y hindi na siya nagsalita ulit. Ngunit hawak niya ang kamay ko.

Sa sobrang antisipasyon ay hindi ko na inalala ang lahat. Sapagkat mas mahalaga sa akin ang kanyang pagmulat. Nakatitig lang siya sa itaas, hindi kumukurap ang walang emosyon niyang mata. Matamlay pa nga ngunit sapat na.

"Gising ka na, kuya Lucas!" magiliw na bigkas ni Lira at magiliw ding lumapit.

Napangiti ako nang yumakap siya sa tiyan ni Lucas.

"Naririnig mo ba kami? Lucas?" si Ada. Tumabi sa kanya si Ina upang makisuri ng maigi.

Wala siyang tugon. Nanatili siyang tulala at naramdaman ko ang mas mahigpit niyang hawak sa kamay ko. Ginantihan ko iyon ngunit sobrang higpit naman yata ng paghawak niya.

"Lucas?"

Pumikit siya at mas humigpit pa ang hawak sa akin, nasasaktan na ako ngunit hindi ko pinahalata. Saka siya dumadaing na tila nasasaktan kaya nag-aalala kaming lahat. Pumipiglas siya sa kanyang higaan. Napalayo si Lira dahil sa takot.

"Anong problema?" tanong ni Hama.

Hindi niya pinapakawalan ang kamay ko habang nagpupumiglas na tila ba may nakabalot sa katawan niya at hindi makagalaw. Lumalakas din ang daing niya at halos lumabas ang ugat niya sa mga braso at leeg.

"Lucas.. Ada, anong nangyayari?" naaalarma na ako.

"Hindi ko... mawari..." aniya at nangungunot ang noo na tinitigan si Lucas.

"S-Serin... Se-Serin..." tinatawag niya ulit ako, nahihirapan pa siyang magsalita. Nagtatagis siya at nagngingitngit.

"Narito ako. Lucas, narito ako. Huminahon ka." nangingimi kong nilapat ang palad sa pisngi niya at hinaplos haplos iyon upang maramdaman niya.

"Hu-huwag.. h-huwag..." marahas siyang nagmulat, nagtatagis pa rin. Sobrang putla ng mukha niya at bigla ay nanlaki ang mata. "Serin!"

Lahat kami ay naguluhan at nagtaka. Ngunit mas lamang ang aking pag-aalala sa asta niya. Anong nangyayari sa kanya?

"Lucas? Lucas!" pumasok ang nagmamadaling si Ada Heshia at si Ser Lumnus. "Anak, gising ka na." emosyonal na sabi ni Ada ngunit agad na napalitan din ng pagtataka dahil nagpupumiglas pa rin si Lucas.

"Bakit siya nagkakaganito?" si Ser Lumnus na nagtanong kay Ada na halata namang naguguluhan din.

"Marahil... marahil nasa proseso pa ang kanyang isip. At wala siyang maalala kun'di ang huli niyang nakita bago siya mawalan ng malay."

Napagtanto ko iyon at nagbalik tanaw. Iniisip kong maigi kung ano ang huli niyang nakita bago siya atakihin ni Zanard. Pangalan ko ang tinatawag niya, at pangalan ko rin ang tinawag niya bago siya mapahamak. Nasaksihan niya nga pala iyon, kung paano ako tamaan ng mga palaso. At ngayon ay marahil iyon ang laman ng isip niya. Naroon pa rin siya sa kaganapang iyon.

"A-ayos lang. Kumalma ka. Narito ako, maayos ako. Kalma na, Lucas. Ssshh, maayos na ang kalagayan ko." sinalubong ko ang mata niya upang makita niya ako.

Marahas ang kanyang paghinga at pumipiglas pa rin. Ngunit nahanap niya ang mga mata ko at natulala rito. Nginitian ko siya kahit ako'y tahimik na lumuluha. Unti-unting humuhupa ang marahas niyang kilos, napapanatag na siya at hindi na pumiglas. Nakatitig siya sa mata ko.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Where stories live. Discover now