Kabanata 9

211 14 1
                                    

Mayroon kung ano sa mga mata niya habang nakatingin sa akin. Hindi ko mawari kung ano. At hindi ko rin gustong mapagtanto kung ano.

Hinila ko ang kanang kamay ko na hawak niya. Pero mas mahigpit ang pagkakahawak niya dito ngayon kaysa kanina. Pinanatili kong kalmado ang sarili at hindi pinakitang hindi na ako nagiging komportable sa paraan ng pagtingin niya. Madilim ang kanyang ekspresyon, sa unang pagkakataon na kasama ko siya.

"Gagamutin ko na ang iyong sugat upang makabalik ka na sa Vercua." kaswal na sabi ko. Ngunit nanatiling seryoso ang kanyang mukha.

"Anong problema mo?"

Nangunot ang noo ko sa tanong niya.

"Ikaw, anong problema mo? Namimihasa ka na sa mahigpit na paghawak sa akin at namamantal na ang balat ko." giit ko. Hindi n'on nabago ang ekspresyon niya.

"Galit ka sa akin. Bakit ka nagagalit? Naiinis ka, nagtatampo. Kinakausap kita ng mahinahon at pinapaintindi sa 'yo ang nangyari. Subalit lahat ng paliwanag ko ay iyong binabalewala." deretso niyang sabi sa matigas ngunit mahinahong tinig.

"Hindi ako galit. Hindi ako naiinis o nagtatampo. At lalong hindi mo kailangan ipaintindi at ipaliwanag sa akin ang nangyari. Dahil wala akong pakialam." ganti ko na hinaluan din ng tigas ang tinig. Hindi ko ibibigay sa kanya ang kasiyahan na naapektuhan ako kanina.

"Sinungaling ka."

Mariin kong pinagngitngit ang mga ngipin.

"Wala kang karapatang sabihan ng ganyan ang iyong Prinsesa."

May sumilay na pagak na ngisi sa kanyang labi.

"Hindi kita tinatrato bilang Prinsesa Serin Silviuz ngayon, kun'di bilang Serin Madden na lumaki sa bayan." halos bulong niyang sambit. Hindi ako nagpatinag doon.

"Bitiwan mo ang kamay ko, Lucas."

Inalis ko na ang pagkakahawak ko sa buhok niya at hinayaan itong dumikit sa sugat niya. Ang kaliwang kamay ko sana ang gagamitin ko upang ituloy ang panggagamot ngunit hinuli niya din ito. Bahagya niya akong hinila palapit sa kanya.

"Bakit hindi mo nalang aminin? Kung hindi ka nagagalit, naiinis o nagtatampo, ano ang dahilan ng paglabas ng puting usok sa katawan mo?" mapang-uyam niyang wika.

Nakakapanibago sa kalmadong Lucas na nakilala ko. Masyado siyang seryoso ngayon at ang perpekto niyang ngiti ay napapalitan ng isang ngisi.

"Hindi ko kailangang sagutin ang tanong mo."

Sinubukan kong tumayo pero marahas niya akong hinila at muling napaupo. Hinila niya pa ako palapit sa kanya. Ang dibdib ko'y nag-uumpisa nang bumilis sa pagtibok. Isang dangkal ang tantiya kong layo ng mukha niya sa akin.

"Nagseselos ka." mahina niyang sabi nang hindi pinuputol ang pagtama ng mata sa akin.

Selos? Kapal ng mukha.

Pilit akong natawa, "Bakit naman ako magseselos? Walang rason upang maramdaman ko iyon." Sabi ko sa abot ng makakaya.

Mas lalo niya akong hinila palapit. Napalunok ako.

"Hindi ka magaling magsinungaling, Serin." aniya.

Hindi siya dadagdag sa mga taong nagbibigay sa akin ng intimidasyon kaya kinalma ko ang sarili. Punong-puno na ako sa mga malalamig na mata at tinig at gustong-gusto ko na silang pasuin ng puting apoy upang makadama naman sila ng emosyon.

Winged (Sequel To Serin Of Alteria)Where stories live. Discover now