CHAPTER TWO

992 27 0
                                    


"PATRIZ Nicole!"

Oh, pakiwari niya nang mga oras na 'yon ay namatanda siya. Kung hindi siya tinapik ni Edna, hindi maibabaling dito ang kanyang tingin.

Oh, pakiwari niya ay bigla siyang sumemplang. Sa ilang sandali kasi ay para siyang inilipad ng anghel. Feeling nga niya ay mayroong mga anghel na nag-aawitan sa kanyang paligid at pagkaraan ay biglang lumitaw si Kupido.

Huwag! Hiyaw niya. Naimagine kasi niyang papanain siya nito.

"Anong nangyayari sa'yo?" nag-aalalang tanong ni Edna.

"Ha?"

"Bigla kang sumigaw."

Bumuka ang bibig niya pero wala namang kataga na lumabas doon. Hindi niya kasi alam kung ano ang kanyang sasabihin at hindi rin niya alam kung paano nga ba siya magpapaliwanag.

"May diprensiya ba ang bago mong contact lens?" Nag-aalalang tanong nito.

"Wala."

"Hindi ako naniniwala."

"Malinaw na malinaw ko nga siyang nakikita," mariin niyang sabi.

"What?"

"He's here," mariin niyang sabi. Ewan nga lang niya kung bakit hindi purong pagkamuhi ang nararamdaman niya rito.

"Sino?" wika nito saka sinundan ang tinitingnan niya. "Ohhh, ang guwapo."

Gusto sana niyang ayunan ang sinabi nito pero sinaway niya ng husto ang sarili. Kailangan ay lagi niyang aalalahanin kung ano ang kasalanang nagawa nito sa kanyang kapatid.

Ang kanyang Ate Vergie, mariin na naman niyang sabi sa sarili. Sa isang dekada na iyon, wala siyang kislap na nakikita sa mga mata nito at alam niyang dahil iyon kay Diamond.

Iyon lang ba ang dahilan? Alam niyang hindi. Mas nakakaramdam siya ng galit dito dahil pakiramdam niya kahit naging napakasama nito sa kanyang ate, hindi pa rin niya maitaboy ang nararamdaman niya para rito.

Sabi ng marami, natural lang naman daw sa teenager ang magka-crush ngunit ang paghanga na iyon ay matatabunan kapag nakakita na ng higit pa. Kaya naman lalo siyang naiinis, pakiwari niya kasi, walang nakakahigit kay Diamond. Eh, para namang imposible iyon dahil nga nagawa nitong saktan ang kanyang Ate.

"Siya ang ex ng ate ko," naiinis niyang sabi pagkaraan. Ngunit hindi para sa kanyang kaibigan o kay Diamond, kundi sa kanyang sarili. Dahil kasi sa kaguwapuhan nito, ilang sandali pa siyang natulala. Sa paningin kasi niya'y lalong iyong nadagdagan. Hindi lang dahil sa pusturang-pustura na ito kundi dahil parang ang porma nito ngayon ay nagpapahiwatig ng kumpiyansa sa sarili.

Malalim na buntunghininga ang pinawalan niya pagkaraan. Nakaramdam siya ng inis dahil lahat na lang ng babaeng makasalubong nito ay panay ang pag-'hi' at 'hello' nito with matching kaway. Wari'y enjoy na enjoy ito sa atensyong ibinibigay nito.

"Ngayon ay naiintindihan ko na."

Tumatangu-tango pa ito nang tingnan niya. "Ang alin?"

"Kung bakit ka nagkakaganyan." Nakangisi nitong sabi. Hindi maipagkakaila ang panunudyo. "Uyyy..."

"Hindi ko siya type, ano?" inis niyang sabi rito.

"Sinungaling!" tudyo nito sa kanya.

Gusto niyang sabihin dito na totoo naman ang kanyang sinabi pero hindi niya magawa. Para kasing may tumadyak sa kanya nang may babaeng lumapit dito. Siyempre dapat itong nagpaka-gentleman kaya tumayo ito at sinalubong ang babae na biglang humalik sa labi ni Diamond.

Mapaghiganting Puso (PHR 2016)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon