Kabanata 4

617 72 0
                                    


"Don Lucio, dumating na po sila." kasalukuyan kaming kumakain nang biglang magsalita si Risa.

Napatingin ako kay ama na mabilis tinapos ang kaniyang pagkain at pinupunasan na ang labi.

"Sabihin mo hintayin ako sa aking opisina." sagot ni ama.

Binalingan ko ang aking kapatid, "Anong meron?"

Nagkibit lang siya ng balikat, "Baka may bisita."

Ipinagpatuloy ko ang pagkain pero hindi ako mapakali. May bisita sa bahay? Hindi naman bago 'yon pero nakakapagtaka na hindi sila inimbitahan ng aking ama sa hapag. Sinulyapan ko si ina na kumakain, pansin ko ang bawat sulyap niya sa hagdan na patungo sa opisina ni ama.

Iyon na. Pinunasan ko ang aking labi, "Tapos na po ako."

Ginawa kong normal ang boses ko at umakyat na sa taas. Lumiko ako sa pasilyo at dumiretso sa opisina ni ama. Nakasarado 'yon pero natitiyak kong hindi nakatarangka. Dahan dahan ko itong pinihit at binuksan ng kaunti.

Hindi iyon napansin ni ama dahil mukha siyang abala sa mga tatlong bisita. Panay sila nakaitim, nakakaloka na talaga ang nakikita ko sa bahay na ito. Nakaupo ang isang lalaking seryoso sa upuang dapat ay kay ama dahil opisina niya ito. Samantalang ang isang babae at isang lalaki ay nakaupo sa kaniyang gilid. Si ama naman ay nakatalikod sa akin, nakaupo rin na parang siya pa ang bisita.

"Nakarating sa akin ang ginawa ng inyong anak sa aking kapatid na si Milandro." panimula ng lalaking seryoso, napakatikas niya, unang tingin pa lang halatang hindi siya kung sino lang. Animo'y isang hari sa mga napapanood kong palabas.

Tumawa si ama, "Nabanggit din sa akin ng aking anak ang tungkol doon. Gayunpama'y sasabihin ko pa rin sa inyo na ang aking Ashanti ay mahinhin at mabait. Nagkataon lang na galit siya noong araw na 'yon at nagkasalubong sila ng prinsipe, kamahalan."

Kamahalan? Ano ito? May shooting ba ang mga taong ito ngayon? Palihim bang nag-audition ang aking ama para sa isang movie?

Mas sumilip ako sa loob para tingnan kung may camera ba na nakapalibot pero wala akong makita. Napansin kong bahagyang gumalaw ang mata ng babaeng nakaupo sa gilid kaya nagtago ako.

"Wala kang dapat ipaliwanag pa. Hindi papayag si Milandro na makasal kung hindi mabait ang iyong anak at maganda. Sadyang kaakit akit." pagkatapos ay bumaling siya sa akin, nagtama ang aming mga mata.

Sa gulat ay mabilis akong kumaripas ng takbo papasok sa kwarto ko. Ang tatlong iyon ay kapatid ni Milandro? Grabe, pamilya ba sila ng mga makikisig at magaganda?

Hindi maayos ang unang pagkikita namin ni Milandro ngunit inaamin kong makisig siya, makapal ang kilay at may mapupulang labi. Kasing itim ng dilim ang kaniyang mata ngunit hindi ako nahumaling doon gaya ng pagkahumaling ko sa bughaw na mga mata ng isang tao.

Nilibang ko ang sarili sa kwarto hanggang sa dumilim na. Sigurado akong wala na ang mga taong 'yon sa bahay. Pagsapit ng umaga ay balik ako sa dating gawi. Hindi pa ako kumain, pumasok ako sa kusina at naglagay ng napakaraming pagkain sa bayong. Bumungisngis ako habang iniisip kung ano ang magiging reaksyon ni Kashro pagkakita sa akin.

Natigil lang ako nang biglang naisip ang sinabi niya noong nakaraan. Ayos na raw siya sa amoy ng mga bulaklak. Kung ganoon baka hindi niya rin kainin ang mga ito.

Binalik ko ang lahat ng pagkain sa lalagyan at nagpuntang hardin. Kinuha ko ang mga magagandang bulaklak na sa mansyon lamang nakikita. Pati ang tanim ng aking kapatid ay hindi ko pinaglagpas. Pagagalitan ako ni Amorah sa oras na malaman niyang nawawala ang kaniyang tanim pero problema ko na 'yon.

Tumakbo ako papasok sa kakahuyan. Mas lumalamig talaga kada araw.

"Hindi ba ay pinapabalik ka na sa inyong palasyo, kamahalan?" rinig kong sambit ng isang babae.

Natigilan ako sa paghakbang. Nakita ko si Kashro na nakatayo sa harap ng talon... at may kausap na babae. Ang babaeng iyon ang nakita ko kahapon na isa sa bisita ni ama. Bakit sila magkausap? Umawang ang labi ko nang may naramdaman. Parang tinarakan ng punyal ang aking puso sa sakit.

"Umalis ka na." sambit ni Kashro at nagtangkang umiwas pero hinawakan ng babae ang braso niya.

"Kashro..." malambing nitong ani, "Naniniwala akong tayong dalawa ang nakatakda sa isa't isa. Hindi mo ba 'yon nararamdaman sa akin?"

Nabigla ako nang bumaling si Kashro sa gawi ko at nagtama ang aming mga mata, "Hindi." sagot niya habang hindi inaalis sa akin ang tingin.

Biglang bumaling sa akin ang babae. Agad na tumalim ang kaniyang tingin, "Sino ka?"

Umatras ako sa takot. Halos mabitawan ko na ang dala kong bayong. Bumagsak ang tingin ng babae roon.

"Papaanong nagawang makapasok ng isang mortal sa kakahuyang ito?" baling niya kay Kashro.

Hindi ko agad naunawaan ang kaniyang sinabi.

"Sagutin mo ako, Kashro. Pinahintulutan mo bang makapasok ang isang babaeng mortal-"

"Alam mong hindi ko gawain iyon. Kung ang isang babaeng gaya niya ay narito sa kakahuyang tanging mga imortal lang ang may kayang makapasok... ano sa tingin mo ang dahilan?"

"Is she one of us?" bulong niya iyon pero narinig ko, "Huwag mong sabihing inamoy mo siya, Kashro."

Umiling si Kashro, "Ginamit ko lang ang aking utak."

Saglit kong naalala ang ginawa niyang paglapit sa akin noong una kaming magkita. Hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin ang labi niyang lumapat sa leeg ko.

"Hindi nababagay ang isang katulad mo rito. Umalis ka na!" galit niyang sigaw sa akin.

Umiling ako at umatras ng isang beses, "I-ikaw ang hindi nababagay dito... sa kakahuyan."

Kumunot ang noo niya, "Anong sinabi mo?"

Kinagat ko ang aking labi at pinigilang magsalita pa. Humakbang siya papalapit sa akin, kuyom ang mga kamay na tila nanggigigil.

"Ulitin mo nga." mariin niyang sinabi.

Hindi ko aakalain na ganito pala ang kapatid ni Milandro. Nanatiling tahimik si Kashro at pinapanood lang kami.

Ang kuyom na kamay ng babae ay unti-unting umangat. Nanlaki ang mga mata ko nang nakitang mabilis na namuo ang apoy sa kaniyang mga kamay. Umatras na ako at naghandang tumakbo.

Akala ko ay papatayin niya ako. Nakahanda na akong masunog ng apoy kung sakali. Pumikit ako at hinintay iyon.

"Subukan mong ituloy." natigilan ako pagkarinig sa mariing boses ni Kashro.

Dumilat ako at naabutan ang muling pag-iiba ng kulay ng kaniyang mata. Naging itim iyon, mas itim pa sa kulay ng mata ng babaeng nakatingin sa kaniya. Nasa kamay pa rin ng babae ang apoy, walang balak na patigilan iyon pero wala rin balak na ituon sa akin.

"Kapag pinatay mo siya papatayin din kita." pagpapatuloy ni Kashro gamit ang malamig na boses.

Natigilan ako at napatitig sa kaniya. Nakadirekta ang malamig niyang tingin sa babaeng natigilan din ngayon.

"Kapag napatay kita magiging sanhi 'yon para magkaroon ng digmaan sa walong kaharian. Ayaw kong gumawa ng bagay na pagsisisihan ko at ng aking mga kapatid sa huli. Ngunit kung ipagpipilitin mong patayin ang babaeng 'yan... wala akong pakialam sa kaharian at sa galit ng iyong ama. Papatayin kita ngayon din."

Book 1: Immortal Half (Mortal Series #1)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora