Seis

80 8 0
                                    

Natalo na naman ako sa sugal,
Akala ko ay makukuha ko na ang inaasam.

Tumayo ako at naglakad sa unahan,
Nagwala at umiyak na parang bata lang.

Napatingin ako sa tumalo sa akin,
Kita na agad ang kaniyang lamang sa akin—
Lamang na kahit kailan ay hindi mapapasa'kin

Naglakad ako papalayo na sa direksyong iyon
Dahil alam kong matatalo ako sa lahat ng panahon.

Napangiti ako nang mapait habang naglalakad,
Naisip na sayang ang pagmamahal na ibinukad—
Sayang ang pagmamahal na isinugal,
Sayang dahil ako ay naging talunan.

Lahat ay aking ibinigay para sa pagmamahal,
Nilustay ang mga kayamanang iniingatan,
Isinawalang bahala ang mga kagamitan,
Para lamang sa pagmamahal ay natutong sumugal.

Naging sugarol sa buong buhay ko,
Ngunit mauuwi sa wala ang mga pinaghirapang ito.

Natuto akong lumaban para sa isang 'tulad mo,
Natuto akong sumugal kahit 'di marunong nito,
Natuto ako ng mga bagay na hindi ko alam kung paano,
Ngunit mas masaya ako sa isang natutunan kong ito—
Natutunan kong kahit ikaw ay sumugal nang sumugal,
Kung 'di para sa 'yo'y sayang talaga ang pagmamahal.

Bakit nga ba nang umulan ng pag-asa
Ay ako'y sumilong pa muna bago lumabas sa lungga?

Bakit nang sabihan na ako ng tama na
Ay nagpatuloy pa ring pumusta kahit 'di na kaya?

Bakit nang makita kitang sumaya sa iba
Ay tumuloy pa rin sa sugal kahit talo na nga?

At bakit pa nga ba ako sumugal para sa iyo
Kung alam ko nang mali rin ito—
At alam ko ring sa huli ay wala akong panalo?

Sinugal ko lahat-lahat para lamang sa iyo, mahal ko.
Sumali sa sabong na alam kong sa kabila ay panalo,
Pumusta sa walang katapusang pustahan
Na alam kong mauuwi lamang sa iyakan,
Naglaro ng baraha kahit alam na alam ko na—
Alam kong iba ang sasagutin mong harana.

Bakit ko nga ba ginawa ang lahat—
Lahat ng mga kabaliwang kay aalat?

Narito ako, isang sugarol sa mundong ito,
Lumaban at lumalaban pa rin ako nang patas
Kahit alam kong mananalo ang mandurugas
At siya ang makakatikim ng tagumpay na katas.

Talaga nga namang sa mundo ng pagmamahal,
Kahit ilang beses ka pang 'di sumuko sa sugal,
Kahit matalo ka nang paulit-ulit sa palaruan,
Maaakit ka pa rin kahit mabalot ka ng kalungkutan.

Sa umpisa ng lahat ay ikaw ay kakabahan,
Sa gitna ay makakatikim ng sobrang kasiyahan,
Ngunit sa kasukdulan ay matitikman mo—
Ang matinding sakit dahil sumugal ka at natalo.

Talagang walang kasiguraduhan sa paglalaro,
Sa kalagitnaan ay akala mo'y mananalo
Sa dulo pala ay mapupunta sa kabila ay papremyo.

—ysaqueens

Tiaras [Poetries]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon