KAPITULO XLVIII: HUDAS AT BUKAMBIBIG

544 28 0
                                    

Ayaw magpatalo ng diyablo.

Hindi tumikom ang bibig nito, tumangging tumahimik, tahasang sumuway sa utos ni Felix, pumapalag kahit lubhang pinarurusahan ng mga panalangin.

Dumadaldal nang dumadaldal ang diyablo, pero ito'y nagpapanggap lamang na may kakayahan pang lumaban.

Sa katunayan, nanghihina na ito, at sobrang nahihirapan.

Ang mga satsat ng masamang nilalang ay isa na lamang malamyang patalastas para magpamalas ng lakas, sapagkat ito'y unti-unti nang nalulupig.

Naoobserbahan ito ni Felix.

Walang tigil pa rin ang pari sa pagbigkas ng mga panalangin, binabasbasan ng agua bendita ang dalaga, at inuutusang tumahimik ang diyablo.

Sa kabila nito, ang mga sinasabi ng exorcist ay natatabunan ng ingay mula sa sinasapiang putak nang putak.

"Si Ann ay manloloko," dugtong ng diyablo. "At isa siyang malaking kalokohan!"

Itinuloy nitong ibunyag ang 'pitong lagusan'.

"Huwag kayong maniwala rito kay Ann! Hindi ito nagsasabi ng totoo!"

"Lahat ng lalaki, niloloko ni Ann. Lalong-lalo na 'yung Danilong uto-uto!"

"Kahit si Vic na tanga — tatay na inutil at asawang walang silbi," lait ng diyablo. "Araw-araw siyang pinagsisinungalingan nitong Annnnn na puta!"

"Mahinang nilalang si Vic! Mababang kalidad! Pareho sila ni Annnnn!"

"Magkatulad ang mag-ama! Kunyari matapang, pero duwag! Kunyari may malasakit! Kunyari maawain! Kunyari matulungin! Kunyari matino! Nakipagmabutihan pa nga si Ann sa madreng prinsipal na si Javi para magmukhang mabuti! Bait-baitan lang ang putang inang Ann na 'to!"

"Banal-banalan si Ann!! Nakakadiri ang ugali! Nakakasukaaaaahhh!"

"Tunay na si Annnnn ay kasuklam-suklam!!!"

Walang patumanggang nagbibitaw ng paratang ang diyablo.

"Sa ngalan ni Hesus, tumigil ka Beelzebub!" utos ng kura.

"Uuuuuhhhrrmmmm!!!" ungol ng katunggaling espiritu.

Lumiyab ang galit ng diyablo. Lalong nag-amok.

"Ikaapat sa pito," ganti nito. "HUDAS si Annnnn!!!"

"Traydor! Taksil! Kahit sino, ipagkakanulo nito sa halagang tatlumpung pirasong pilak. Hudas si Ann! Hudas Iskaryoteng nagkanulo sa Amo mo!"

"Tatalikuran ka ng putang inang ito nang walang pasabi sa isang iglap! Kayang-kaya ka ni Ann ilaglag sa bangin nang walang alinlangan! Itutulak ka niya sa hukay kapag hindi ka nakatingin!"

"Du'n siya sa marami at malaki ang pakinabang! Hunyango! Balimbing! Kung saan may alak at lalaki, lalo kung may kalokohang ginaganap, du'n didikit at mangungunyapit."

"Pero ang gusto talaga niyang lalaki ay yung mapera — galante, mayaman, limpak-limpak ang salapi!!"

Masaganang binasbasan ni Felix ng agua bendita si Annalyn para patahimikin ito, at ang dalaga nama'y bumalikwas na parang sinampiga ang pagmumukha.

"Aaaaahhhhhhh!!" humiyaw ang maysapi, sapagkat sobrang nasaktan. Nagpupumiglas sa pagkahawak ng mga kamag-anak, ngunit ang bunganga nito'y ayaw pa rin magpapigil.

"Ikalima sa pito," bulalas ng diyablo. "Ako ang BUKAMBIBIG ni Annnnn!!!"

"Demonyo! Dimunyu! Yawa! Pisting yawa! Laman ako madalas ng litanya ni Ann! Lagi niya akong tinatawag!!"

"Malugod akong tumutugon sa mga dumudulog sa akin!" dugtong ng diyablo. "Magiliw ko silang pinauunlakan!"

Kinilabutan ang pari sa sinabing 'bukambibig', sapagkat sa Bibliya nasusulat — 'Kung anong bukambibig, siyang laman ng dibdib'.

"Sa ngalan ni Hesus, magtigil ka Beelzebub! Lisanin mo si Annalyn!" utos ng exorcist.

"Uuuuuwakkkkk!!" sumukang bigla ang maysapi. Tumapon sa sahig ang likidong maasim mula sa sikmura.

Umalingasaw ang nakakasulasok na amoy sa buong pamamahay.

Tumusok ito sa ilong ng bawat isa, maliban kay Annalyn.

Pagkatapos nito'y tumirik ang mata ng maysapi, humandusay at nagkikisay.

Sa sandaling iyon, parang kinukuryente ang panginginig ng kanyang katawan. Mas malala kaysa naunang mga sandali ng eksorsismong iyon.

Wari ito'y kanyang ikamamatay.

Nag-alala nang husto si Jennalisa.

"Tama na, Padre! Tigilan mo na!" umawat ang ina, awang-awa sa kanyang sinasapiang anak.

ITUTULOY

Susundan ang kapitulong ito sa Lunes, 06 Disyembre 2021.

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon