CHAPTER 2

172 12 1
                                    

"LINTEK 'YANG babaeng 'yan! Kung sana'y lumabas agad 'yan ng apartment hindi tayo maaabala ng ganito! At ang lintek na intsek na 'yon hinihingi ang pera niya! Putangina, kung hindi rin naman natin mapapakinabangan 'yang babaeng 'yan ay ibenta na natin ng tuluyan."

"Tumahimik ka! Kung hindi mo siya iniwan at hinintay si tabachoy hindi mangyayari 'to!" balik na singhal ng babaeng nakaupo sa passenger's seat sa harapan. "Bakit sa apartment na iyon pa ang napagkasunduan niyo ni tabachoy na lugar? Ang dami niyang pera kung tutuusin!"

"Kung hindi roon, saan? Sa bahay niya nang mahuli siya ni Mrs. Cheng?" ang matabang na tanong nito.

Marahas na napabuntung-hininga ang babae sa may passenger's seat, nakakunot pa rin ang noo nito at lukot ang mukha habang nakatingin sa nagmamaneho ng van.

Tahimik na nakikinig si Catalina sa usupan ng dalawang kasama sa loob ng van na iyon. Kung mag-usap ang mga ito ay tila wala siya roon at hindi naman iyon bago sa kanya.

Nakatuon ang kanyang mga mata sa labas ng van, sa totoo lang ay gusto niyang bumaba dahil tila hindi siya makahinga sa loob. Marahil ay dahil iyon sa kanyang mga kasama, o sa sakit na nararamdaman niya sa katawan na pinili niyang balewalain?

"Nasiguro mo bang wala 'yang sinabi sa mga pulis o kung sinong poncio pilato?" tanong ni Miriam.

"Kalalabas lang ng babaeng 'yan sa ICU, at duda ako kung magsusumbong siya," sagot ng driver na taglay ang pangalang Rigor kasabay nang pag-ismid.

Kalalabas lang ni Catalina sa ICU nang itakas siya ng dalawa mula sa ospital. Wala rin siyang napagsabihan ng tungkol sa nangyari sa kanya bago ang sunog.

Ipinikit ni Catalina ang mga mata nang makaramdam ng pamimintig ng ulo dahil sa ingay na naririnig mula sa dalawa. Binalikan niya sa isipan ang nangyari sa loob ng apartment at napahawak sa kanyang tiyan. May nararamdaman siyang hapdi roon dahil hindi pa naghihilom mula sa natamong pasa.

Bago ang sunog ay nagkaroon sila ng pagtatalo ni Rigor. Pilit siyang nanlaban dito upang makatakas mula sa apartment na puwersahan nitong pinagdalhan sa kanya. Sa huli'y nadaig siya ng lakas nito na tanging kalmot lang sa mukha ang natamo habang siyang bugbog ang tiyan at may nabaling buto sa katawan dahil sa mga suntok at tadyak.

Sandali siyang nawalan ng malay at nang magising ay nag-iisa nalang siya roon. Kahit na masakit na masakit ang kanyang buong katawan ay pinilit niyang makatayo upang makatakas. Mas pipiliin niyang mamatay kaysa gamitin ang kanyang katawan ng Filipino-Chinese na si Mr. Cheng. Ibinugaw siya ng kanyang stepmother at ang kinakasama nitong si Rigor dito.

Malapit na siya sa pinto nang marinig ang mga sigaw sa labas at ang pagtunog ng fire alarm sa apartment building. May kumatok din sa pilit ng unit na kinaroroonan niya at sinabing lumikas ang lahat dahil may sunog.

Sa halip na lumabas ay inihakbang niya ang paa paatras hanggang sa mapaupo sa ibabaw ng sofa na naroon sa sala. Nanghihinang napasandal siya sa upuan at ipinikit ang mga mata. Naririnig niya ang mga ingay mula sa labas, ang tunog ng mga nagsisigawang tao. Hindi katagalan ay nalanghap na niya ang usok na bumabara sa kanyang ilong. Ngunit sa halip na mabahala ay nanatili siyang kalmante.

Iyon na ang matagal niyang hinihintay. Wala siyang ibang gusto kung 'di ang makalaya mula sa kamay ng kanyang madrasta at sa kinakasama nito, iyon ang maituturing niyang pinakapangarap niya.

Sa paglipas ng mga segundo ay unti-unti niyang naramdaman ang pag-iiniit ng paligid. Nahirapan siyang huminga at napaubo. Iyon na ang hudyat ng kanyang paglaya.

Humiga siya sa ibabaw ng sofa at doon hinintay ang pagkaubos ng kanyang hininga. Nakikita niya ang makapal na usok sa paligid at isang ngiti ang kumawala sa kanyang mga labi. Kapagkuwan ay ipinikit niya ang mga mata at buong loob na niyakap ang kamatayan.

Stitches And Burns (Sedulous Series #7)Where stories live. Discover now