Chapter 67

37 4 0
                                    

Habang nagkakaroon ng rambol sa lugar na iyon, sa pagitan ng grupo nina Vince ng ng mga tambay na naninirahan sa lugar na iyon, lingid sa kaalaman ng lahat, isa sa mga myembro ng kinabibilangang grupo na hinahanap nina Vince ay narinig at nakita ang buong pangyayari. Hindi ito nakisali sa rambol na nangyayari nang mga oras na iyon, bagkus ay nagmamadali itong tumakbo pabalik sa hideout nila upang iparating ang balita sa kaniyang Amo.

Mabibilis ang bawat pagtakbo na ginawa ng lalakeng iyon para mabilis na makabalik sa hideout nila. Lumiko ito sa bawat eskinita na kaniyang nadadaanan at habang tumatakbo ay hindi nito maiwasan na makaramdam ng pagkabog nang mabilis ng kaniyang puso dahil alam niya na hinahanap ni Vince ang kanilang grupo, idagdag pa na may mga dala itong mga baril kaya alam niya na delikado ang lagay nila ngayon.

"Boss, boss!" paulit-ulit at malakas na pagtawag ng lalake nang makarating na ito sa hideout nila.

Mula sa loob no'n ay sabay-sabay namang napalingon sa kaniya ang iba pa nitong mga kasamahan na may nagtatanong na ekspresyon sa kanilang mga mukha, nagtataka dahil bakit pagod na pagod ang kanilang kasamahan at tila nagmamadali.

"Hoy, bakit ngayon ka lang? Hindi ba at kanina ka pa umalis? Nasaan na ang mga pinabili namin?" pagtatanong ng isang lalake ngunit bagkus na sagutin ang tanong ay ipinagsawalang bahala na lang ito ng lalake.

"Kailangan ko makausap si Boss. May ibabalita ako—"

"Ano ang ibabalita mo?" wika ng isang lalake na malaki ang pangangatawan na kagaya na lang ng boses nito, tadtad ng mga tattoo sa katawan, walang suot pang-itaas a humihithit ng sigarilyo, na kalalabas lang mula sa isang kuwarto.

"B-Boss," nauutal na wika ng lalake bago mabilis na lumapit sa kaniyang Amo mo. "Nagkakaroon po ngayon ng rambol sa may labas sa pagitan ng grupo nina Makoy, iba pang mga tambay at sa grupo no'ng lalake na nagpunta sa atin noon para humingi ng alyansa sa pambubugbog doon sa Nicollo Palmeiri."

"Bumalik sila?" pagtatanong ng Amo ng lalake at tumango naman ang tauhan nito dahilan para mapangisi ang Amo. "Edi, magaling. Hindi na tayo mahihirapan na singilin ang mga iyon dahil nabawasan tayo."

"Boss, nakita ko na may mga dala silang—" Ngunit bago pa maituloy ng tauhan ang kaniyang sasabihin ay sunod-sunod na putok ng mga baril ang umalingawngaw sa lugar dahilan para maalarma ang mga ito.

"Boss, mukhang balak nila tayong patayin!"

"Tarantando ang mga putangina!" pagmumura ng Amo dahil sa narinig. "Sila na nga itong may atraso sa atin, sila pa ang may ganang sumugod? Nang dahil sa kanila, nabawasan tayong myembro at nakabangga pa natin ang isang makapangyarihan na tao. Ngayon papatayin nila tayo? Putangina nila!" sigaw nito bago hinarap ang kaniyang mga tauhan.

"Boss, paano na iyan? Ano na ang gagawin natin? Kung totoo na nandito sila para patayin tayo at may dala silang mga baril, sigurado na walang laban sina Makoy doon."

"Tutulungan ba natin sina Makoy?"

"Nasisiraan ka ba? May mga baril nga ang kalaban, gusto mo ba mamatay?!"

"Kayong lahat!" pagtawag ng Amo. "Kuhanin ang lahat ng mga mahahalagang mga bagay at magmadali. Hindi tayo dapat maabutan ng mga iyon—" At natigil sa kaniyang sasabihin ang Amo nang malakas na tumalsik ang pintuang kahoy ng mga ito dahil sa malakas na pagsipa na ginawa ni Vince.

"Kumusta?" nakangiting pagbati ni Vince na nasa may pintuan ng hideout habang may kasamang dalawang mga tauhan at lahat sila ay armado. Kahit na may tumutulong dugo mula sa ulo ng binata dahil sa nangyaring rambol kanina ay nakangiti pa rin ito sa harap ng kaniyang mga kausap. "Sila ba?" pagtatanong ni Vince sa kaniyang tauhan na nakipag-transaksyon sa mga ito.

Bago tumugon ang lalakeng tinanong ni Vince ay pinasadahan muna ng tingin ng lalake ang mga pagmumukha ng mga ito at nang napansin niya na pamilyar ang mukha ng isa sa kanila ay tumango ito kay Vince.

"Positive, Boss. Sila nga ang inutusan natin noon."

"Nalintikan na," mahinang bulong ng Amo ngunit sapat na para marinig ni Vince dahilan para malakas itong tumawa na parang baliw.

"So, mukhang hindi ko na kailangan pa magpaliwanag kung bakit kami nandito. Mukhang alam ninyo naman na kung bakit, hindi ba?"

"Ano pa ba ang problema? Ginawa naman namin ang utos ninyo. Malinis ang naging trabaho, nabugbog ng mga tauhan ko ang taong gusto mong mabugbog. Bakit ngayon ay babalik ka sa amin at gusto mo kaming patayin?!" hindi mapigilan na sigaw ng Amo kay Vince.

"Bakit nga ba?" tila naglalarong tanong ni Vince habang kinakamot ang kaniyang ulo gamit ang dulong bahagi ng kaniyang hawak na baril. "Siguro iyon ay dahil tanga ang mga ipinadala mong tauhan para gawin ang utos?" seryosong tanong nito habang daretsong nakatingin sa mga mata ng kaniyang kausap.

"Kalokohan!" sigaw ng isa. "Kayo itong may atraso sa amin dahil hindi ninyo sinabi na anak ng isang makapangyarihan na tao ang gusto ninyong ipabugbog! Dahil sa inyo, nawalan kami ng mga kasamahan!"

Nakangiwi namang napakamot nang mas matindi sa kaniyang ulo si Vince gamit pa rin ang dulo ng hawak nitong baril dahil sa inis na naramdaman nito matapos nang kaniyang narinig.

"Kung hindi kayo mga tanga at bobo, kung nilinis ninyo lang sana nang mabuti ang trabaho ninyo, sana hindi nalaman ng gumanti sa inyo na ako ang nagpautos!" sigaw ni Vince sa mga ito.

Sandali namang hindi nakaimik ang mga kausap ni Vince hanggang sa nagsalita na ang Amo.

"Ang tungkol sa bagay na iyan ay labas na sa napag-usapan. Ang sinabi mo lang sa amin ay bugbugin ang lalakeng target, nagawa naman namin iyon, ah? Kung nalaman ng pumo-protekta sa lalakeng nabugbog na ikaw ang nagpautos, problema mo na iyon at labas na kami r'on!"

"Ano ang karapatan mong isisi sa Amo namin ang—" Ngunit bago pa maituloy ng tauhan ni Vince ang kaniyang sasabihin ay nagsalita na ang binata.

"Tama," wika ni Vince habang tumatango. "Tama ka naman doon."

"Boss, ano ba ang—"

"Kaya para hindi na madagdagan ang problema ko at mabawasan ang inis ko dahil sa katangahan mo at ng mga tauhan mo, kailangan ninyong mawala," sabay tutok nito ng kaniyang baril, dahilan para gayahin siya ng dalawa pa niyang mga kasamang tauhan.

"A-Ano ang gagawin ninyo?" pagtatanong ng Amo kay Vince na bakas ang takot sa mukha dahil kahit na marami sila, kung may hawak namang baril ang mga kalaban nila, lugi at talo pa rin sila.

"E-li-mi-nate," dahan-dahan na wika ni Vince bago walang pakundangan na kinalabit ang gatilyo ng baril ngunit naging maagap ang mga tauhan ng kalaban para itulak ang kanilang Amo at hindi ito natamaan.

"Takbo!" malakas na sigaw ng mga kalaban ni Vince at doon na nagkani-kaniya sa pagtakbo ang mga ito, na miski ang pagtakas sa pamamagitan ng pagtalon sa bintana ay kanilang ginawa.

"I missed," tila malungkot na wika ni Vince habang daretso lang ang tingin sa kaniyang harapan kung saan doon tumama ang bala ng kaniyang baril, at hindi iniintindi ang mga nagtatakbuhan nitong mga kalaban na abala sa pagtakas.

"Boss," tawag ng tauhan ni Vince sa kaniya.

"Don't worry. Hindi sila makakatakas. They can run but they can't hide. They can scream but they can't escape my bullet," wika ni Vince bago nilingon ang dalawa niyang mga tauhan. "Go, siguraduhin na bago sumikat ang araw na wala ng hangin sa katawan ang mga iyon," utos nito at tumango naman ang dalawa bago nagtatakbo palabas.

SERIE ALFA DOMINANTE 2: NICOLLO PALMEIRIWhere stories live. Discover now