╹Prologue╹

987 52 16
                                    

Kailangan kong makausap si Sherez sa lalong madaling panahon. Dahil hindi na maganda ang kutob ko sa mga nangyayari.

Huminto ako sa tapat ng opisina niya at kumatok pero, walang sumasagot. Kaya may pagdadalawang isip na hinawakan ang doorknob. Pinihit ko ito at mabagal na binuksan ang pinto. Ang unang nakapukaw sa atensyon ko? Ang kurtina na sumasayaw sa ihip ng hangin, at liwanag na nagmumula sa buwan.

Pumasok ako sa loob at naglakad patungo sa bintana para tingnan kung naroon si Sherez pero, bago pa makalapit? Tumalsik ako at tumama ang likuran ko sa pader. Napahawak ako sa baba ng dibdib ko dahil nararamdaman ko pa rin ang malakas na pagsipa niya sa akin.

Habang nakaupo nag-angat ako ng tingin para malaman kung sino ang gumawa non.

Sa mga ipinintang larawan ko lang siya nakikita ngunit ngayon, nakatayo na siya sa harapan ko habang may malaking ngisi sa mga labi.

"Ikaw si Keira Moonworth, tama ba?" Nawala ang ngisi niya at taas noong nakatingin sa akin. "Ano ang pakiramdam na makakamit mo na ang matagal nang inaasam ng Moonworth Clan?"

"A-Alexandra Centrias?" Tumayo ako at naguguluhan sa nakikita. "B-buhay ka?"

Totoo ba 'to?

Pero bakit narito siya?

At bakit inatake niya ako?

Naghahalo ang mga katanungan sa isipan ko.

Ayon sa mga naririnig kong usapan, bigla raw siya nawala noon matapos ipasa sa nakababatang kapatid ang posisyon. Pagkatapos ay para na itong bula na nawala at wala raw silang balita kung saan ito nagtungo. Katulad ng ginawa niya, ipinasa ni Lexus ang posisyon sa kanyang anak na si Connor Centrias.

At matapos ipasa ni Connor Centrias ang posisyon kay Sherez, siya naman ang nawala.

May iba't ibang opinyon ang mga Clans. Isa na rito kapag mismong nasa posisyon ang bumaba, kailangan patayin ng bagong pinuno ang pinalitan niya.

Masyadong kumplikado ang mga patakaran at nakagawian ng mga Royal Blood Vampires.

Kahit pa ang pagkakaroon ng anak ng kasalukuyang pinuno ay limitado. Kaya nga hindi na nasundan si Dawn. Dahil kapag nagkaroon pa ng ibang anak si Sherez bukod kay Dawn, kailangan paslangin ang sanggol sa araw mismo ng pagkasilang nito. Ginagawa ito ng mga mahaharlikang bampira para maiwasan ang agawan sa posisyon.

Naipagtagpi-tagpi ko ang mga nangyayari at pagtatangka sa buhay ni Dawn.

"Ikaw ba ang nasa likod ng lahat?"

Maaaring hindi niya matanggap na galing sa Moonworth Clan ang susunod kay Sherez.

"At kaya ka ba bumalik ay para bawiin ang posisyon at maghiganti?"

Umangat ang gilid ng mga labi niya dahil sa ikalawang tanong ko.

"Keira, buong akala ko ay matalino ka ngunit wala kang ipinagkaiba sa mga nilalang na madaling paikutin."

The Vampire Princess: VengeanceWhere stories live. Discover now