CHAPTER 21

1.8K 24 5
                                    


"Arya! Tara pasok na tayo!" sigaw ni Morgan na nagmula pa sa labas ng kusina. Nasa kusina ako ngayon dahil katatapos ko lang mag-almusal. Ang lakas talaga lagi ng boses nito ni Morgan! Tahiin ko 'yan, eh!

"Gaga ka! Marinig ka ni Daddy sa lakas ng boses mo!" agad kong saway sa kaniya at mabilis niya namang tinakpan ang bibig niya. Pareho kaming takot kay Daddy. 

"Sorry," paumanhin niya at umupo sa tabi kong silya. Inalok ko naman agad siya na kumain muna ngunit tumanggi dahil late na raw kami. Sa huli ay pinabaunan kami ni Lola Mildred ng tag-isang lunch box. "Late na ata tayo... Nasaan na si Sophia?" tanong niya sa akin nang makaupo kami sa loob ng van. 

"Hi! Sorry, I'm late!" Nag-peace sign siya sa aming dalawa nang makapasok siya sa loob ng van. Nagsimula namang umandar ang sasakyan dahil wala na kaming iniintay. "Arya, anong oras uwian niyo ni Morgan?" ngiting-ngiti tanong ni Sophia sa akin. 

"2 pm pa, bakit?" nagtataka kong tanong. Si Morgan ay tahimik lang sa tabi ko na nakikinig sa amin. Hindi kasi sila close na dalawa dahil magkaiba raw sila ng trip sa buhay. 

"Playground tayo!" pag-aya niya. Mabilis naman akong tumango at lumingon kay Morgan. 

"Tara, sama ka!" niyugyog ko pa si Morgan. Dahil sa pangungulit ko kay Morgan, wala siyang nagawa kung hindi pumayag. 

"Mamaya, huh? Bye!" paalam niya sa amin at bumaba na sa sasakyan nang makarating kami sa school niya. 

Magkahiwalay kami ng school. Private school ang pinapasukan niya samantalang public school ang sa amin ni Morgan. Hindi ko nga alam kung bakit ba hindi kami pinagsasamang dalawa. Kambal ko naman siya, ah? Bakit hindi ko siya pwedeng kasama sa school? Inalis ko na iyon sa aking isipan dahil baka malungkot lang ako at masira ang araw ko. Nang makarating kami sa school ay dumiretso na kami sa classroom namin. Grade 5 na kami at malapit nang maging grade 6. Wala akong kaibagan sa school maliban kay Morgan. Hindi ko alam kung bakit ayaw nila sa akin. Mabait naman ako, ah? 

"Saan mo na naman nakuha ang pasa mo?!" pasigaw na sabi ni Morgan sa akin nang makita niya ang pasa sa kaliwang kamay ko. Kumakain na kami ngayon ng lunch at nakatambay sa may halamanan banda ng school. Ayaw namin sa canteen dahil maraming tao at wala naman kaming kaibigan na iba. Kaming dalawa lang ang magkasama sa lahat. 

"Napagalitan lang," sabay subo ng kinakain kong adobong baboy. "Gawin na pala natin 'yung project natin mamaya." Pag-iiba ko ng usapan. 

"Ang hilig mong ibahin ang usapan, Arya." Inis niyang saad. "Bakit ba kasi ang init ng dugo sa'yo ng mga magulang mo? Pero bakit kay Sophia ay parang prinsesa kung ituring? Hindi naman ata patas iyon!" Singhal niya sa akin na ikinatawa ko. 

"Makulit lang talaga ako, Morgan! 'Wag ka ngang ganiyan! Tsaka mas okay sa akin na ganito, kaysa kay Sophia." Nagtunog mapait iyon kaya nilingon ako ni Morgan nang may pag-aalala. Sino ba'ng anak na hindi maghahangad ng pagmamahal ng magulang? "Tigilan mo ako sa ganiyang tingin, Morgan. Ayos lang ako," ngiti ko sa kaniya at sinabihan na lang siya na kumain na lang dahil malapit na ulit magsimula ang klase. 

Hindi ko mapigilang mag-isip kung mahal ba ako ng mga magulang ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa malikot at makulit ako kung bakit ayaw nila sa akin. Pero... Ganoon din naman si Sophia, ah? Mas makulit nga at mas malikot pa sa akin si Sophia pero bakit hindi nila pinapagalitan? Bakit ako lang? Pero hindi ako nakaramdam ng pagseselos kay Sophia. Pero hindi mawawala sa akin ang tampo dahil bakit hindi ganoon ang turing sa akin ng mga magulang namin? Masaya ako na hindi nararanasan ni Sophia ang nararanasan ko. Hindi niya rin alam na lagi akong pinagagalitan at pinapalo nina Mommy at Daddy. Close kami ni Sophia dahil masiyahin siya at siyempre, kambal kami. Naghihiwalay lang ata kami kapag may pasok. 

Verge of LifeWhere stories live. Discover now