Finding Treasure... Finding Love - Part 7

171 4 0
                                    



Claveria, Cagayan

GUSTONG kumbinsihin ni Elisa ang sarili na tama ang desisyon niya. Maraming beach resorts sa kahabaan ng baybayin ng Claveria. Maputi rin ang buhangin at malinis ang tubig. Kahit may ibang guests sa iba't ibang resort, hindi naman iyon crowded.

Pero iniisip pa rin niya kung halimbawang sa Pagudpud na siya naghanap ng matutuluyan, mas kaakit-akit sa turista ang mga impormasyong nabasa niya tungkol sa Panchian Resort sa Pagudpud. Mas maganda rin ang accommodation doon. Pero siyempre, mas mahal ang gastos.

Pero higit sa mga sinabi ng kanyang ama, nakumbinsi si Elisa ng nabasa sa journal. Nakakalibang ngang basahin ang nakasulat sa bawat pahina niyon. Parang totoo ang mga impormasyon, parang may magnet din iyon para tuklasin niya ang hiwaga ng kayamanang nakasaad doon.

Ngayon ay hindi na siya nakakatiyak kung gusto nga ba niyang magbakasyon o sundan na lang ang bawat detalyeng nababasa sa dala-dalang journal. Pero alin man sa dalawa, isa lang ang ipinagpapasalamat ni Elisa: na malaking bagay ang mga iyon para makalimutan niya si Miguel. Kahit ito pa rin ang pangunahing dahilan ng pagpapasya niyang magbakasyon.

Gusto niyang iwan ang Sierra Carmela kahit pansamantala lang. Sa reunion, narinig niya sa mga kaklase na nanggaling pa sa ibang lugar na medyo magtatagal ang mga ito sa Sierra Carmela. At hindi malabong magyaya uli ng get-together ang mga ito dahil mga sabik pa rin sa isa't isa. Kung naroon siya, hindi siya makakatanggi nang basta-basta. At kung magkakasama na naman sila ni Miguel, natatakot siyang baka mauwi sa isang usapin ang panunukso sa kanila.

Sumilip si Elisa sa bintana. Nakaharap sa beach ang cottage na pinili niya. Mataas pa ang araw pero marami pa rin ang nagsu-swimming sa dagat. At dahil hindi nga siya marunong lumangoy, pinagkakasya na lang niya ang sarili na magmasid sa ibang parang kabisado ang dagat. Mamaya na lang siya lalabas at maglalakad sa dalampasigan. Makakatipid na siya sa pagpapahid ng sunblock ay maipapagpatuloy pa niya ang pagbabasa sa hawak na journal.

Ibinaba niya ang kurtina para hindi pumasok ang sinag ng araw sa kanyang cottage at ipinagpatuloy ang pagbabasa.

ILANG linggo ko nang napapansin ang grupo ng kalalakihang iyon. Araw at gabi ay walang tigil ang ginagawa nilang paghuhukay sa bakuran ng Villa Samaniego. At araw-gabi rin ay maraming taong nag-uusyuso sa paligid ng bakuran.

Subalit si Simon—ang tauhang inatasan ng lider ng grupong iyon—ay mahigpit na nakabantay sa tarangkahan ng bakuran. Kulang na lang ay huwag nitong palapitin sa bakal na bakod ang mga nag-uusyuso. Pero habang binabawalan ang mga tao ay lalo namang nagpupumilit ang mga ito na makabalita kung ano na ang nangyayari sa ginagawang paghuhukay.

"Paniwalang-paniwala silang makikita nila ang nakabaong kayamanan," narinig kong sabi ni Ingkong Jose na hindi ko namalayang nakalapit na sa akin. Siya ang may-ari ng dampang tinutuluyan ko. "Ikaw, Bernardo, naniniwala ka bang makukuha nila ang kayamanan sa bakurang iyan?"

Napatitig ako sa kanya. "Mayroon nga bang kayamanan sa villa, Ingkong?" tanong ko.

"Mayroon, pero nababalot ng hiwaga ang kayamanan," sagot niya. "Hindi nila matatagpuan iyon dahil hindi naman sila ang pinag-uukulan ng kayamanan."

"Ano'ng ibig ninyong sabihin, Ingkong?"

"May iniwang sumpa si Señor Arturo Samaniego na nagbaon ng kayamanan, Bernardo. Hindi mapupunta sa sinumang may maitim na budhi ang kayamanan kundi sa isang taong inosente at tanging sa salinlahi lang niya nararapat na mapunta ang kayamanan."

"Pero paano ang grupong iyan?" tanong ko. "Walang lubay sila sa paghuhukay. Puwede bang hindi nila makita iyon kung buong bakuran ay nahukay na nila?"

Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding LoveDonde viven las historias. Descúbrelo ahora