Finding Treasure... Finding Love - Part 12

168 4 0
                                    


"ANO NGA pala ang ginagawa mo sa lugar na iyon?" tanong ni Art kay Elisa. Pagkatapos maghapunan ay niyaya siya ng lalaki na magkape sa veranda. Pero pinanindigan niyang kaya na niyang lakarin ang pagpunta roon kahit umiika.

"May hinahanap kasi akong kaibigan. Nagbaka-sakali ako na makita siya rito. Kaso wala palang nakakakilala sa kanya rito. Malas pa dahil bihira pala ang biyahe ng jeepney. Binalak ko nang maglakad hanggang sa may masalubong akong sasakyan, kaso natapilok nga ako." Halo-halo na ang totoo at kasinungalingan sa mga sinabi ni Elisa. Hindi naman niya puwedeng aminin na ang mismong Villa Samaniego ang pakay niya.

Pumalatak si Art. "Importante bang mapuntahan mo ang kaibigan mo? Liblib ang lugar na ito. Kung nagkataon na hindi kita nadaanan, malamang ay inumaga ka na sa kinaroroonan mo kanina. Tagasaan ka ba?"

"Sa Sierra Carmela. Ewan ko kung narinig mo na ang bayan namin. Sa kabilang bundok kami nitong Sta. Praxedes. I mean, sa bandang Aurora province kasi kami."

"Aurora? Ang layo na n'on dito, ah. Malamang na may dahilan para hanapin mo ang kaibigan mo. Ano ba ang pangalan niya? Ipagtatanong ko bukas."

"Hayaan mo na," paiwas na sagot niya. "Actually, nagbabakasyon ako sa isang resort sa Claveria. Naalala ko lang ang kaibigan ko. Nabanggit niya kasi sa akin noon na taga-San Luis siya. Eh, matagal na kasi no'ng huli kaming nagkita. Noong college pa. Baka lumipat na siya."

Tinitigan siya nito na parang inaarok ang katotohanan sa sinabi niya. "Delikado ang ginawa mo. Pasalamat ka at hindi ka nakita ng mga taong-labas."

"Taong-labas?"

"Iyong mga namumundok. Hindi ko lang alam kung ano ang tawag sa grupo nila pero alam mo na, wala rin silang ipinagkaiba sa mga rebelde ng gobyerno. At hindi nila patatawarin ang kagaya mo na bagong mukha sa kanila. Baka mapagkamalan kang espiya ng gobyerno."

"Papatayin nila ako?"

Nagkibit-balikat ang lalaki. "Wala pa naman akong nabalitaang pinatay nila. Binibihag, marami."

Kinilabutan si Elisa. Naalala niya ang matandang katutubo na nakasalubong niya. Hindi kaya iyon ang dahilan kaya parang pinipigil siya nito kanina?

"Ikaw, Art, hindi ka ba natatakot dito? Baka lusubin ng mga taong-labas itong bahay mo."

"Isa akong Samaniego. Dito sa San Luis, halos lahat ng tao ay may dugong Samaniego. Well, iilan lang naman ang tao dito, wala pa sigurong limandaan. Napansin mo naman siguro sa dinaanan mo kanina, halos walang kabahayan sa lugar."

"Pero may ganito pala kalaking bahay dito," kaswal na sabi niya.

"Ang lolo ko ang nagtayo nito. Hindi ko masyadong alam ang kuwento. Basta ang sabi ng papa ko, huwag ko raw kalimutang may property kami rito. Sa Maynila ipinanganak at lumaki ang papa ko. Ni hindi siya natuntong dito pero alam niya ang tungkol dito sa villa. Nang mamatay siya, kasama sa mga ari-ariang minana ko ang papeles nitong villa."

"Mag-isa ka lang ba rito?"

"Sa ngayon, dalawa tayo," nakangising sagot nito. "The truth is, ilang beses ko nang niyaya si Mama na pasyalan ang lugar na ito. Kinunan ko pa nga ng picture ang buong villa para maging interesado siyang puntahan. Sad to say, gaya ng papa ko noong nabubuhay pa ito, mas gusto ni Mama ang buhay sa Maynila. Mamamatay daw siya sa pagkainip sa ganitong lugar na huni ng kuliglig lang ang maririnig."

"W-wala ka pang asawa?" maingat na tanong ni Elisa. Iyon ang tanong na kanina pa niya gustong isatinig pero inihahanap pa niya ng tiyempo.

"Muntik na noon." Umiling-iling si Art. "For the record, wala kahit girlfriend. How about you?"

Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon