Finding Treasure... Finding Love - Part 16

189 4 0
                                    


HINDI rin natutong lumangoy si Elisa. Pero maano ba? Hindi naman matatawaran ang mga oras na inilagi nila ni Art sa resort. Nag-enjoy sila na parang totoong magkasintahan. Ang unang halik ay nasundan pa hanggang sa hindi na niya iyon mabilang.

Masaya siya. Lumabas ang natural na lambing ng binata at lumabas din ang natural niyang kilos.

Nakagaan siguro sa kanila ang pagtatapat nito. He was right, mahirap magkunwari para lang masabing mayroon silang relasyon. Mas mabuti pang ganoon; malinaw na gusto lang nilang maging masaya ang bawat sandali at walang commitment pagkatapos, walang obligasyon.

Bago tuluyang humapon ay bumiyahe na sila pabalik sa Claveria. Napag-usapan na rin nila na sasama siya rito pabalik sa villa. At nang makapag-check out siya ay isinakay na nito sa pickup ang mga gamit niya. Mayamaya lang ay bumibiyahe na uli sila.

Pero bago sila tumuloy sa villa ay inihinto muna ni Art ang sasakyan sa tapat ng isang karinderya.

"Masarap ang pagkain dito. Malinis din," sabi nito. "Kumain na tayo. Aabutin tayo ng gutom sa daan. Kung magluluto pa tayo pagdating sa bahay, malilipasan na tayo ng gutom." Inalalayan siya nitong bumaba ng sasakyan.

"Sinigang na baboy ito?" tanong ni Elisa nang iangat ang takip ng isang kaserola.

Tumango ang tindera.

"Sige, iyan ang sa akin. Mainit ang sabaw, ha?"

Nag-order pa si Art ng ibang pagkain. Sandali lang silang naghintay at isinilbi na rin iyon sa kanila.

"Ang dami naman," aniya nang makitang apat na putahe ang isinilbi sa kanilang mesa.

"Ipapabalot natin kung hindi natin mauubos. Mahirap naman kung mabitin tayo, 'di ba?"

Napangiti si Elisa. "Oo nga pala, natatandaan ko na. 'Sabi mo sa akin, basta nagmaneho ka, madali kang magutom. Sa tingin ko, wala tayong matitirang pagkain."

"In the meantime, let's eat," nakangising sabi ni Art at nagsimula nang sumubo.

Pagdating nila sa villa ay nagsisimula nang dumilim. Nagpatiunang bumaba si Art habang ang bukas na headlights ng sasakyan ay nakatutok sa harap ng villa.

"Papaandarin ko na muna ang generator. Huwag ka munang bumaba," sabi nito.

Tumango si Elisa. At kahit siguro pilitin siya ng binata na bumaba ay hindi niya gagawin. Madilim ang paligid. Ni hindi niya gustong tumingin sa ibang direksiyon. Natatakot siyang baka may makitang kung ano. Hindi naman siya nainip dahil mayamaya lang ay narinig na niya ang ugong ng generator. Mayamaya pa ay nagliwanag na rin ang paligid.

"Hindi pa abot ng kuryente ang lugar na ito. Nakasanayan ko nang generator ang gamit," sabi ni Art pagkabalik.

"Mabuti at hindi ka nauubusan ng gas?"

"May stock ako. Isa pa, marami rin akong nakahandang kandila at flashlight." Binitbit na nito ang gamit niya na inalalayan siya sa pagbaba. "Careful. Baka matapilok ka na naman," paalala nito.

"Tinitingnan ko na po ngayon ang dinaraanan ko," sagot niya.

Inakyat nila ang hagdan. Pagdating sa itaas ay huminto ito at humarap sa kanya. "Kung ako ang masusunod, I would like to share my room with you," matapat na sabi ni Art. "Pero alam kong hindi dapat na madaliin ang mga bagay-bagay. Gusto kong makontento muna na nagtiwala ka at sumama sa akin ngayon."

"Thanks, Art," sabi niya. "Doon na lang ako sa kuwartong ipinagamit mo sa akin noong isang gabi."

Tumango ito. "Of course. Wala namang ibang pagpipilian maliban doon at sa kuwarto ko. Kailangan ko pang ipaayos ang ibang kuwarto para matulugan nang maayos. Bukas, dito muna tayo sa villa. Puwede tayong mag-picnic sa likod kung gusto mo. Maraming puno roon. Masarap ang simoy ng hangin."

Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon