Kabanata 11

48 8 0
                                    

Parehong bagsak ang balikat ko nang umuwi ako sa aming bahay. Alas otso ng gabi na ako nakauwi dahil ni-recall pa nila at pinraktis ang mga nabuo nilang choreography—para ipakita sa akin. Hindi ko naman inaasahang pagkatapos ng panandaliang meeting kanina ay magti-training sila. Hindi naman nila ako inobliga pero nagpaturo na rin ako kay Zel ng dance steps dahil nakakahiya naman kung manonood lang ako lalo na’t official member na ako ng grupo. Kung alam ko lang magpa-practice edi sana hindi na ako nag-dress pa at pinili na lang suotin ang usual attire ko.

“Oh? Ba’t hulas na hulas ka? Mukha kang galing marathon,” bungad ni Winter pagbukas ko ng pinto sa aking kwarto. Walang nagbago sa suot nito noong huli ko siyang makita. Hindi pa yata siya naliligo. Huwag niyang sabihin sa aking dito na naman siya tumambay buong araw.

Huminto ang mga paa ko sa tapat ng pintuan habang kapit-kapit ang doorknob. “Ano pang ginagawa mo rito?” I frowned.

“Ano pa nga ba? Edi naghihintay ng chika mula sa iyo,” sagot niya. “Ano? Kumusta naman ang experience na maka-date ang isang Bryant Lawson?” May halong pang-aasar sa tono ng boses niya. Tinitingnan niya rin ako ng may laman sabay taas baba ang mga kilay.

“Hindi pa ba halata ang sagot sa itsura ko ngayon?” sarkastikong aniko.

Sandali siyang natahimik para suriin ako mula ulo hanggang paa. Ilang sandali pa ay namilog ang pareho niyang mata, at nagtakip ng kanyang bibig gamit ang sariling palad. Umarko ang kilay ko sa kinikilos nito. Ano na naman ba ang tumatakbo sa isipan niya?

“Don’t tell me … sinuko mo na agad ang bataan? First date na first date pa lang! Hindi ko akalaing easy-to-get—OUCH!”

Hindi ko na pinatapos pa ang walang kwentang sasabihin niya. Binato ko siya ng hawak kong bag at sumapol iyon mismo sa mukha niya.

“Ang hard mo naman sa akin!” reklamo niya habang nakakapit sa namumula niyang ilong. Mukhang napalakas yata ang pagbato ko.

“Tch! You’ll get what you deserve.” Naglakad ako palapit sa kanya at tinabihan siya. Hinawi ko ang kamay niyang nakaharang sa ilong niya para i-check ang kalagayan nito. Hinayaan naman niya ako sa ginagawa ko. “Okay naman. Bukod sa pamumula, wala namang mababaling buto kasi pango ka,” dugtong ko.

“Hindi ako pango, ‘no! Binabagayan niyan ang shape ng mukha ko!”

“Okay, okay, I understand where you’re coming from.”

Hindi ko na pinakinggan pa ang pagpapatuloy ng kanyang paglintanya. Marahil okupado siya sa kanyang pagsasalita ay hindi nito napapansin ang balak ko. Hinatak ko siya patayo upang alisin siya sa ibabaw ng kama ko. Tinungo ko ang likuran niya, pinatong ko ang parehong palad ko sa balikat niya sabay dahan-dahan siyang tinulak palabas ng kwarto. Nang mapagtagumpayan, bago pa siya makaharap sa akin ay sinaraduhan ko agad siya ng pinto. Maririnig ang mahihina niyang kalampag mula rito.

“W-wait, Summer! Dito ako mag-i-stay for the night!” wika niya.

“Dahil sa halos araw-araw mong pagtambay rito, may sarili ka ng kwarto sa pamamahay na ‘to! Doon ka mag-stay!” sagot ko bago talikuran ang direksyon niya.

“Hindi mo pa nga nakikwento sa akin ang araw mo. Hmph!”

Sunod kong narinig ang mga yapak niyang papalayo. Nakahinga ako ng maluwag. Sa wakas, hindi na siya nangulit pa.

Kumuha ako sa drawer ng pares ng pantulog at underwear. Binitbit ko ang mga iyon papasok ng cr at ipinatong sa ibabaw ng kabinet na matatagpuan dito. Hinubad ko muna ang mga saplot kong suot bago tinungo ang kinaroroonan ng shower. Binuksan ko iyon at hinayaang dumampi sa balat ko ang malamig na tubig.

Mula sa aking kinatatayuan, tinanaw ko sa malayo ang dress na sinuot ko kanina. Wala masyadong girly stuff ang laman ng drawer ko; hindi ko talaga hilig ang magsuot ng ganiyan pero napabili ako bigla just for this day. Natawa ako sa aking sarili. “What a sight,” I mumbled. For a moment there, binago ko ang style ko just to impress someone which is very unusual yet interesting.

Ilang sandali ang lumipas, nang matapos ko ang aking mga ritwal sa loob ng banyo, lumabas akong suot-suot na ang mga hinanda ko kaninang susuotin. Pinatuyo ko muna ang buhok ko gamit ang blow dryer bago ako humiga sa kama.

“I don’t tolerate anyone having a romantic relationship with someone on the same team… Lovers are not allowed here.”

Natulala ako sa kawalan matapos sumagi sa isipan ko ang mga salitang binitawan ni Bryant.

He dislikes those who can’t separate personal matters from work. May punto siya sa naging paliwanag niyang apektado ang grupo if ever magka-lover quarrels sa oras ng praktis. Alam ko iyan dahil kina Winter at Paul pa lang, subok na subok na. At saka, isa naman talaga iyan sa mga basic rule ng kahit anong grupo; madalas lang hindi nasusunod dahil sa pasaway na members, at paghaya na lang ng lider kasi nangyari na.

“Feelings are things that no one has control over. It is a fact,” aniko.

Hindi ko maiwasang i-overthink. Imposibleng sabihin ni Bryant ‘yon as warning only between me and Zion. Hindi lang kami ang malilimitahan niyan kundi pati siya. Bakit niya idi-declare ‘yon kung may nararamdaman siya para sa akin? Nag-a-assume lang ba ako na meron? Kung gano’n, last night sa bar, bakit ang sweet-sweet niya? Due to influence ng alak, gano’n ba? Sumasakit ang ulo ko sa kakaisip nang kakaisip sa mga posibleng sagot sa tanong ko. Sinusubukan kong mag-isip ng puro positibo, at hindi magpadala sa takot. Takot sa mga bagay na hindi pa naman nangyayari.

Ipinikit ko ang aking mga mata para subukang itulog itong pinoproblema ko. Pabago-bago ako ng posisyon ng higa para hanapin kung saan ako komportable.

Teka? In-accept na ba niya ang friend request ko?

Minulat ko ang mga mata ko saka madaling kinuha ang phone sa loob ng bag na binato ko kanina. I turned on the data at in-open ang social media account ko. Sunod-sunod nag-pop up ang notifications sa screen but none of them stating he accepted my request. Nawala ang antok ko bigla. Buhay na buhay ang dugo ko dahil sa kaba. I searched his name, stalked him, hindi pa niya ako ina-accept knowing the fact that he was just online two hours ago! “The heck?”

Dala ng pagkadismaya, hindi ko magawang makatulog dahil sa pag-i-imagine ng mga negatibo at pekeng senaryo sa isip ko. Paano kung ganito? Paano kung ganiyan? Paano kung katulad lang siya ng iba? Paano kung masaktan ako? Hanggang sa abutin na ako ng umaga. Ang bintana ng kwarto kong natatakpan ng kurtina, tumatagos dito ang liwanag mula sa labas, senyales ng tuluyang pagsikat ng araw.

“Summer! Gising na! Summer! Summer!” paulit-ulit na tawag sa akin ni Winter habang kinakalabog ang pinto.

Tamad na tamad akong bumangon para pagbuksan siya. “Sinasabayan mo ang tilaok ng manok sa ingay mo,” bungad ko rito.

Napahakbang siya paatras nang masuri ang itsura ko. “Ah! Ba’t bagsak ‘yang mata mo? Ina-eyebag ka pa!”

“Shut up.”

Nilampasan ko siya’t dumiretso sa kusina. Sumunod naman siya sa akin. Naabutan naming may lutong ulam at kanin ang nakahanda na sa lamesa. Iniwan yata para sa ‘min ng mga magulang ko bago sila pumasok sa trabaho.

Kalaunan, pagkatapos kumain, kanya-kanya kami ng kilos sa pag-aayos. Sabay kaming pumasok sa school tulad ng nakagawian. Noong nasa byahe pa lang kami, ang bigat na ng pakiramdam ko. Kaya naman pagpasok na pagpasok sa gate, hindi pa kami nakakalayo, nawalan ako ng balanse at nagdilim ang paningin ko. Hindi ko na alam ang mga sumunod pang nangyari.

His Song RhythmWhere stories live. Discover now