Kabanata 10

40 6 5
                                    

Kabanata 10

Jess's POV

"Masyadong matapang 'tong journalist na 'to. Simula ngayon, wala ka nang kawala sa 'min."

Napalunok ako nang marinig ko 'yon kasabay ng mga tawanan ng mga lalaki rito sa loob ng kotse. Hindi ko alam kung saan nila kami dadalhin. Pinakiramdaman ko si Alyssa sa tabi ko. Tahimik lang siya pero alam kong kinakabahan siya.

At kinakabahan din ako.

Pero bukod doon, hindi ko alam kung masasaktan o magagalit ako. Dahil trinaydor ako ni Leones. Hindi ko alam kung bakit biglang nangyari 'to. Sobrang bilis ng mga pangyayari kanina. Hindi ko alam kung ano'ng nasa utak ni Leones at nagawa niya sa 'kin 'to. Sa lahat ng p'wedeng manloko sa 'kin, siya ang taong huling paghihinalaan ko.

Magkaibigan kaming dalawa.

Natigilan ako dahil mas bumilis ang takbo ng kotse at mukhang malubak ang kalsada dahil sa ingay na nagagawa niyon. Pinakiramdaman ko ang lalaki sa kaliwa ko. Naaamoy kong nagyoyosi siya.

"Ano ba'ng gagawin natin sa mga 'to?" tanong ng isa.

"Pahihirapan s'yempre," sagot ng isa sabay tawa. Nagtawanan ulit sila.

"Putang ina n'yo," malutong kong sabi.

Natigilan sila sa pagtawa. Tumahimik bigla.

"Anong sabi mo?" tanong ng lalaking tumawa.

Nagtagis ang panga ko. "Bingi ka? Ang sabi ko putang ina n'yo."

Tumahimik bigla hanggang sa nagtawanan ulit sila. Ginalaw ko ang mga braso ko sa likuran ko. Tinalian nila ako at sobrang higpit. Tang ina. Walang ibang nakakaalam na nandito ako ngayon sa Laguna kundi si Leones. Lalo akong nakaramdam nang galit. Pero kinakabahan ako sa kung ano'ng p'wedeng mangyari sa 'kin at kay Alyssa. Sa 'ming dalawa.

Napasinghap ako nang walang sabing pinisil ang mga pisngi ko paharap sa kanan. Napaubo ako nang bumuga ng usok sa mismong loob ng bibig ko ang lalaki sa gilid ko.

"Tignan natin kung hanggang saan ka ililigtas ng tapang mo. Pahihirapan ka namin. Pahihirapan ka ni Valiente," aniya at marahas na binitawan ang mukha ko. Sumakit ang panga ko sa sobrang higpit nang pisil niya.

Madilim ang paningin ko. Wala akong makita. Ni hindi ko nga alam kung nasaan na kami. Hindi na rin ako mapakali dahil sobrang tahimik ni Alyssa. Hindi ko alam kung ano'ng nasa isip niya. Nagtiwala siya sa 'kin pero ito ang nangyari. Nagtiwala ako kay Leones at ngayon ay nasa peligro kami ni Alyssa.

Para akong nahihilo sa mga iniisip ko. Malapit na ang eleksyon. Alam kong hindi maganda ang binabalak sa 'kin ni Valiente. Ako ba talaga ang dapat sisihin sa nangyayari ngayon kung siya naman talaga ang mali?

Hindi ko alam kung ga'no katagal nagmamaneho sa gitna ng kalsada ang kotse. Pero alam kong nasa malayo na kami. Gusto kong tanggalin ang naka-piring sa mga mata ko pero hindi ko magawa. Natigilan ako nang dahan-dahang umaandar ang kotse hanggang sa tumigil na 'to. Kahit wala akong nakikita ay umikot ang ulo ko. Bigla na 'kong kinabahan. Pakiramdam ko ako ang naglagay kay Alyssa sa panganib ngayong gabi.

Biglang bumukas ang pinto ng kotse at muntik na 'kong sumubsob sa lupa dahil kinaladkad ako palabas.

"Lakad!" sigaw ng isa malapit sa tainga ko.

Sumunod ako. Malubak ang lupa. Nararamdaman ng mga paa ko. Malamig na rin ang simoy ng hangin. Hindi ko alam kung anong oras na pero sigurado akong madaling araw na. Naririnig ko ang mga mabibigat na hakbang nila sa gilid ko. May isang nakahawak sa mga braso ko sa likuran. May narinig akong pagbukas ng pinto at naglakad ulit kami.

Nights of DisquietWhere stories live. Discover now